
Namomroblema ang Ina Kung Paano Mapag-aaral ang Kaniyang mga Anak sa “Bagong Normal” na Pagtuturo; Nagulat Siya sa Ginawa ng Panganay na Anak
Nilapitan ni Miguel ang kaniyang inang si Aling Senyang na nakapangalumbaba sa pasimano ng bintana habang nagkakape. Mukhang malalim ang iniisip.
“‘Nay, may problema po ba?” tanong ni Miguel.
“Wala naman, anak. Iniisip ko lang kayo sa darating na pasukan. Tatlo kayong nag-aaral. Wala naman akong magandang cellphone gayundin ang mga kapatid mo. Ikaw lang ang may cellphone. Kaya baka modular na silang dalawa. Ikaw ang gumamit ng cellphone para sa online class,” sabi ni Aling Senyang.
Mag-isa na lamang itinataguyod ni Aling Senyang ang kaniyang tatlong anak dahil sa maagang pagkawala ng kaniyang mister na si Mang Pandong. Si Miguel na panganay ay nasa Grade 12 ng Senior High School. Sumunod naman sa kaniya si Gabriel na nasa Grade 5, at ang bunso naman ay si Ezekiel na nasa Grade 3.
“Nay, sabi ko naman po sa inyo, puwede naman po akong huminto muna para may makatuwang kayo sa pagtatrabaho. ‘Yong cellphone ko puwede kong ipahiram muna kina Gabriel at Ezekiel, tutal magkaiba naman sila ng schedule,” sagot ni Miguel.
“Anak, hindi ka hihinto ng pag-aaral, ano ka ba. Iyan lamang ang maipamamana namin ng iyong ama sa iyo, sa inyo. Magtapos ka ng pag-aaral. Iba pa rin ang may pinag-aralan. Mairaraos din natin ang pag-aaral ninyo. Sana nga matapos na ang pandemyang ito,” sabi ni Aling Senyang.
Awang-awa si Miguel sa kaniyang inang si Aling Senyang. Alam niyang hirap na hirap na rin ito sa pagtatrabaho bilang isang handicraft decorator sa isang pabrika, na nahinto ang produksyon dahil na rin sa pandemya.
Kaya naman, wala itong tigil sa pagtanggap ng mga labada at plantsahin upang maagdungan lamang ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Nakadagdag pa ang malaking problema sa bagong paraan ng pagtatamo ng edukasyon— ang online class.
“Kailangang makagawa ako ng paraan kung paano matutulungan ang Nanay,” sabi ni Miguel.
At nagsimula na nga ang online class nina Miguel gayundin ang kaniyang mga kapatid sa kanila namang modular class.
“Nay, parang mahina po ang sagap ng signal sa atin dito sa bahay. Hayaan po ninyo akong magpunta sa bandang bukid. Open area po kasi roon. Mas malakas po ang signal ng data ko,” paalam ni Miguel sa ina. Halos araw-araw ay pinapaloadan ni Miguel ang kaniyang cellphone upang magkaroon lamang ng data.
“Ganoon ba? Sige. Walang problema. Bumalik ka lamang kaagad para may mapagtanungan sina Gabriel at Ezekiel sa mga takdang-aralin nila. Alam mo naman, hindi ko alam ang isasagot kapag may tinanong sila,” bilin ni Aling Senyang.
“Opo ‘Nay. Huwag po kayong mag-alala,” pangako naman ni Miguel.
Totoo naman ang dinahilan ni Miguel. Mas makakasagap nga naman ng signal kapag nasa bukid. Subalit bukod pa roon, ginamit niya ang pagkakataong iyon upang makahanap ng sideline. Mapalad siyang may isang magsasakang naghahanap ng makakatuwang sa mga gawaing bukid.
“Sigurado ka bang kakayanin mo?” tanong ng magsasakang si Mang Tano kay Miguel.
“Opo, kakayanin ko po, Mang Tano,” sagot ni Miguel.
“Alam ba ito ni Ka Senyang?” tanong ni Mang Tano.
“Hindi po. Pihado hong pagbabawalan niya ako. Iyan ho sana rin ang pakiusap ko sa inyo Mang Tano. Huwag na ho sana ninyong mabanggit kay Nanay,” pakiusap ni Miguel.
Kaya naman, tuwing umaga ay dumadalo sa kaniyang online class si Miguel sa maliit na kubol sa bukid. Ang kubol na ito ay pahingahan ng mga magsasaka. Dahil ang lahat ay nasa gawaing-bukid, walang istorbo sa kaniya. Pinayagan naman siyang manatili roon. Pagkatapos ng online class, diretso na sa bukid si Miguel upang maging katuwang ng mga magsasaka. Minsan, hapon o gabi na siya nakauuwi.
Napansin ito ni Aling Senyang kaya madalas ay kinagagalitan siya.
“Bakit ginagabi ka, Miguel? Saan ka nagbubulakbol? Imbes na umuuwi ka kaagad dito sa bahay para matulungan mo sana ang mga kapatid mo sa pagsagot sa module nila. Kung saan-saan ka pa yata nagsususuot eh,” laging sasabihin ni Aling Senyang.
Kapag lumitanya na ang kaniyang ina, hindi na lamang kumikibo si Miguel. Hinahayaan lamang niya ito. Ayaw niyang sabihin dito ang tunay na dahilan kung bakit siya ginagabi ng uwi.
Isang araw, gabing-gabi nang umuwi si Miguel. Galit na galit si Aling Senyang. Pagkauwi niya, galit ni Aling Senyang ang sumalubong sa kaniya.
“Ano ka ba naman, Miguel! Gabing-gabi na! Ang mga kapatid mo hirap na hirap na sa mga module nila. Saan ka ba naglalakwatsa? Kung kailan naman tumanda saka ka natutong magbulakbol at magpasaway!” galit na tanong ni Aling Senyang.
Ngumiti si Miguel. Lumapit siya sa kaniyang ina at niyakap ito. Ipinakita ang isang supot ng bulaklak ng daster na alam niyang paboritong kasuotan nito.
“Saan ka nakakuha ng pambili nito?” tanong ni Aling Senyang.
Hindi sumagot si Miguel. Inilabas niya ang dalawang kahon ng smartphones. Tinawag niya ang mga kapatid na sina Gabriel at Ezekiel at ibinigay ang tig-isang segunda manong cellphones na nabili niya.
“O heto… para magamit ninyo sa pag-aaral ninyo. Siyempre kailangan ninyong magsaliksik kapag wala kami ni Nanay,” magiliw na sabi niya sa dalawang nakababatang kapatid. Niyakap naman siya ng dalawa.
“Thank you, Kuya!!!” tuwang-tuwang pasasalamat ng dalawa.
“Nanay, hindi ko sinabi sa iyo… kaya ako ginagabi nang pag-uwi, kasi nagtatrabaho po ako sa bukid tuwing hapon. Huwag po kayong mag-alala, nag-aaral naman po ako at hindi nagpapabaya. Hayaan po ninyong tulungan ko kayo bilang panganay na anak,” paliwanag ni Miguel.
Hindi sumagot si Aling Senyang. Sa halip, niyakap niya ang anak at hinaplos-haplos ang likod nito. Tanda ng pasasalamat at pagmamahal.
Matuling lumipas ang panahon. Nakapagtapos ng kursong BS Office Administration si Miguel at nakapasok sa isang magandang trabaho. Pinag-aral niya ang kaniyang mga kapatid at binigyan ng magandang buhay ang kaniyang ina.