
Mula Pagkabata, Naging Sandigan ng Binata ang Kaniyang Lola; Darating Pala ang Pagkakataong Siya Naman ang Magiging Sandigan Nito
Natatandaan pa ni Nico kung paano siya hinahatid-sundo ng kaniyang Lola Guada noon sa kaniyang paaralan. Grade 3 siya noon. Sa tuwing uwian, isa si Lola Guada sa mga mukhang nakaabang sa tarangkahan ng pampublikong paaralan na iyon.
Kapag binuksan na ang tarangkahan ng masungit na guwardiya, dagsaan na ang mga mag-aaral palabas; ang ilan ay magtatakbuan upang magpaunahan sa pag-uwi, ang iba ay didiretso sa mga tindahan ng santol, mangga, laruan, itik, at marami pang iba, na nakapuwesto lamang sa labas, at ang iba naman ay magmamabagal dahil gusto pa nilang makasama o makausap ang kanilang mga kaibigan, kaklase, o nililigawan.
Ang mga nanunundo naman, parang eksena sa paliparan; kakaway kapag namataan na nila ang mga sinusundong anak, apo, alaga, kapatid, o pamangkin. Mabilis namang makikita ni Nico ang kaniyang lola, may hawak na plastik na baso kung saan nakalagay ang paborito niyang fishball at kikiam.
Dahil habang naglalakad pauwi ay kinakain niya ang binili nitong kikiam at fishball na paborito niya, kinakalawit siya ni Lola Guada ng hawak nitong mahabang payong.
“Dalian mo Nico, magsasaing pa ako, ” sasabihin ni Lola Guada.
Matapos magsaing, kukunin na ni Lola Guada ang kaniyang mga kuwaderno. Gagawin na nila ang kanilang takdang-aralin.
Dahil abala ang kaniyang mga magulang sa kani-kanilang mga trabaho, si Lola Guada ang nag-aasikaso sa kaniya sa tuwing siya ay papasok sa paaralan. Dahil pang-umaga siya, si Lola Guada ang gumigising sa kaniya. Paggising niya, nakahanda na ang kaniyang tsokolate at almusal. At hindi ito papayag na hindi siya kakain ng malasadong itlog, maliban na lamang kung araw ng pagkuha ng pagsusulit. Baka raw kasi “itlog” ang makuha niyang marka.
Maging sa “pagpapabinyag” niya sa pagkabinata, si Lola Guada ang sumama sa kaniya sa ospital, dahil ang kaniyang ama ay nasa ibang bansa para sa isang business meeting. Asikasong-asikaso siya nito, maliban na lamang sa paglilinis at paglalanggas ng nilagang dahon ng bayabas sa sugat, dahil baka raw mangamatis ito.
“Apo, binata ka na, huwag ka munang magno-nobya ha? Magtapos ka muna ng pag-aaral. Tingnan mo ang Mama at Papa mo. Maganda ang buhay nila. Nakakapunta sa ibang basa, kasi nagtapos sila ng edukasyon, Huwag mo akong gayahin apo. Hindi ako nakatapos,” laging pinapaalala sa kaniya ni Lola Guada.
“Kapag po nakatapos ako ng pag-aaral, lagi rin po akong wala rito. Parang sila Mama at Papa, laging wala…” pabiro namang isasagot ni Nico. Birong may halong pagtatampo.
Sa puntong iyon, yayakapin na siya ni Lola Guada.
“Apo, tandaan mo, para sa iyo lahat ng ginagawa nila. Para sa kinabukasan mo, kaya huwag kang magtatampo sa kanila.”
“Basta ako Lola hindi kita iiwan, promise iyan,” pangako ni Nico sa kaniyang lola.
Matuling lumipas ang mga sandali. Nakatapos sa kolehiyo si Nico sa kursong International Studies. Siya rin ay hinirang na Summa Cum Laude. Sa wakas ay nakasama rin niya ang Mama at Papa niya sa pagtanggap ng gantimpala. At siyempre, hindi mawawala si Lola Guada. Si Lola Guada ang kasama niya sa entablado sa pagkuha ng medalya ng karangalan.
Dahil sa natanggap na parangal, mabilis na natanggap sa trabaho si Nico. Nabuhos ang kaniyang atensyon sa pagtatrabaho. Tumaas at tumayog ang kaniyang mga pangarap. Nagpokus siya sa kaniyang career. Hinusayan niya. Hanggang sa makalipas ang dalawang taon, na-promote na kaagad siya sa tungkulin. Kinakailangan niyang magtungo sa kanilang branch sa Singapore.
“Sige lang apo, natutuwa ako sa iyo,” sabi ni Lola Guada.
“Paano po kayo?” nag-aalalang tanong Nico.
“Huwag mo akong alalahanin, apo. Pangarap mo iyan,” nakangiting sabi ni Lola Guada.
Dalawang taon lamang naman ang kailangan niyang ilagi sa Singapore. Subalit wala pang isang taon, nabalitaan niyang nagkasakit ang kaniyang lola. Hindi ito simpleng lagnat lamang, kundi mild stroke.
Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Agad siyang umuwi ng Pilipinas upang madalaw ang kaniyang lola. Nang mabalitaan niya ang kalagayan nito, agad siyang nagbitiw sa kaniyang tungkulin.
“A-apo… n-nabalitaan k-ko n-na n-nagresign ka raw, b-bakit…” hirap na hirap sa pagsasalita si Lola Guada.
“Lola, nag-resign ako sa trabaho kasi gusto kong personal na alagaan ka,” walang kagatol-gatol na tugon ni Nico.
“H-hindi m-mo d-dapat g-ginawa i-iyan a-apo, p-paano naman ang… ang… t-trabaho mo…”
“Lola, huwag na po kayong magsalita pa. Nahihirapan na po kayo. Handa ko pong talikuran ang trabahong iyon. Puwede po akong bumalik kung gugustuhin ko, o kaya makahanap ng iba pa. Pero ang oras makasama kayo, at maalagaan ko kayo, hindi ko po palalagpasin. Utang ko sa inyo kung bakit ako nagtagumpay sa buhay. Hindi ninyo ako iniwan noong bata pa ako, at ito na ang pagkakataon para makabawi sa inyo,” naiiyak na sabi ni Nico.
At si Nico na nga ang nag-alaga kay Lola Guada hanggang sa ito ay paunti-unting gumaling. Para kay Nico, ang kaniyang ginawa ay maliit na sakripisyo lamang para sa kaniyang Lola Guada, na isinakripisyo rin ang kaniyang buhay upang maalagaan lamang siya. At wala siyang pagsisisihan sa kaniyang ginawa.

Namomroblema ang Ina Kung Paano Mapag-aaral ang Kaniyang mga Anak sa “Bagong Normal” na Pagtuturo; Nagulat Siya sa Ginawa ng Panganay na Anak
