
Hindi Nagustuhan ng Dalagita ang Sapatos na Binili ng Ina Kaya Hindi Niya Ito Pinansin at Pinahalagahan; Sa Huli’y May Mapagtatanto Siya
“Moira anak, halika at tingnan mo itong binili kong rubber shoes para sa iyo,” sabik na pagtawag ni Aling Merced sa kaniyang anak na si Moira, 15 taong gulang.
“Ma, mamaya na… may ginagawa pa ako!” reklamo ni Moira sa kaniyang ina. Abalang-abala siya sa pagbi-video ng kaniyang sarili upang mai-upload niya sa social media.
“Makakahintay naman iyan, ‘nak. May magagamit ka na kapag nag-jogging kayo ng mga kaibigan mo,” sabi ni Aling Merced. Mababakas sa kaniyang tinig ang pagkasabik.
Hindi man lamang nakaramdam ng pagkasabik si Moira; ang totoo, natuwa siya nang malamang nabilhan siya ng rubber shoes ng ina. Noong isang araw pa kasi siya humihirit na mabigyan siya nito ng perang pambili ng rubber shoes, subalit sabi nito ay masyadong mahal ang gusto niya. Hindi siya nasasabik makita ang binili nito dahil pihadong hindi niya magugustuhan; alam niya kasi ang “taste” ng kaniyang ina, na minsan ay hindi naman pasok sa kaniyang gusto.
Tinatamad na ibinaba ni Moira ang kaniyang cellphone sa kama.
“Anak oh, puti na may pink, hindi ba’t ito ang gusto mo?” bida ni Aling Merced sa biniling rubber shoes.
Agad na sumimangot ang mukha ni Moira pagkakita sa pares ng sapatos.
“Ma naman eh! Bakit naman may pink? Hindi naman ako bata na… saka, hindi ko gusto ang design,” diretsahang pagpula ni Moira sa sapatos na binili ng kaniyang ina.
Agad na rumehistro sa mukha ni Aling Merced ang pagkalungkot. Kanina lamang, masayang-masaya ito at sabik na sabik na maipakita ang binili niyang rubber shoes para sa nag-iisang anak na dalagita.
“Kung ibinigay na lang ninyo sa akin ang pera para ako na lang ang humanap at bumili ng gusto, hindi pa sana nasayang ang pera ninyo. Ang baduy, Ma. Hindi ganiyan ang gusto ko. Saka… saang palengke ba ninyo iyan binili?” patuloy na tanong-panlalait ni Moira sa binili ng kaniyang ina.
“Si Mareng Alwina kasi, nagbebenta ng mga rubber shoes, eh natuwa ako sa kulay saka tulong na rin sa kanila, kaya bumili ako. Hinihiritan mo kasi ako noong nakaraan hindi ba? Akala ko naman magugustuhan mo…”
“Iyan na naman kayo sa naawa kayo sa mga kaibigan ninyo eh. Kahit hndi naman maganda, pinipilit ninyong i-please sila. Saka hindi talaga tayo pareho ng taste, Ma, kaya please naman, kung may balak kayong bilhan ako, i-cash na lang ninyo,” huling pananalita ni Moira. Bumalik na siya sa kaniyang silid at ipinagpatuloy ang ginagawa. Hindi niya napansin ang pagtulo ng luha sa mga mata ng kaniyang ina.
Kinabukasan, maagang gumayak si Moira. Magja-jogging sila ng kaniyang mga kaibigan. Habang bakasyon sa paaralan, napagkasunduan nilang magpapayat at mag-ehersisyo sa pamamagitan ng simpleng pagja-jogging.
Kukunin sana ni Moira ang rubber shoes na binili ni Aling Merced, ngunit kahit sa tingin pa lamang ay hindi na niya maatim na pakatitigan ito. Baduy na baduy talaga siya sa kulay at disenyo nito. Pinili niyang suutin ang luma niyang sapatos.
Pagkatapos ng jogging, umuwi na rin si Moira. Habang nasa daan, nakaagaw sa kaniyang pansin ang isang batang umiiyak sa palengke, hawak-hawak ito ng isang tinderang galit na galit.
“Magnanakaw kang bata ka! At nanakawin mo pa ang sapatos na paninda ko!” galit na galit na sabi ng tindera. Sumisigok-sigok ang batang marungis.
“Naku misis pagpasensiyahan na ninyo, bata iyan, hindi niya pa alam ang ginagawa niya,” sabi ng isang miron na nakikiusyoso rin.
“Pasensiya na po kayo… gusto ko lang po kasing magkasapatos, malapit na po ang pasukan, wala po akong gagamitin sa paaralan, gusto ko pong magtapos ng pag-aaral,” umiiyak na paliwanag ng bata.
“Eh nasaan ba ang mga magulang mo? Ang nanay mo? Bakit hindi ka magpabili sa kanila?” tanong ng galit na tindera.
“A-ayaw po nila akong bilhan, bahala na raw po ako, mag-tsinelas na lang daw po ako pagpasok sa paaralan…”
Naantig ang damdamin ni Moira sa sinabi ng bata. Samantalang siya, binibilhan pa ng sapatos ng kaniyang ina.
Pagkauwi sa bahay, kinuha niya ang sapatos na binili ng kaniyang ina. Sinuot ang mga ito. Saktong-sakto sa kaniyang mga paa. Ipinakita niya ito sa kaniyang ina. Niyakap ito. Nagulat naman si Aling Merced sa inasal ng anak.
“Salamat, Ma. Pasensiya ka na sa mga sinabi ko,” paghingi ng tawad ni Moira.
Napagtanto ni Moira na mapalad siya kung ihahambing sa batang nagtangkang magnakaw ng sapatos dahil ayaw siyang bilhan ng kaniyang mga magulang. Ang totoo, hindi talaga niya gusto ang kulay at disenyo ng sapatos, subalit susuutin na niya ito dahil bigay ito ng kaniyang ina—na mahal na mahal siya!