Inday TrendingInday Trending
Ang Lalaki Raw ang May Sala sa Pagkawala ng Buhay ng Sariling Kapatid; Isang Nakalulungkot na Pangyayari Pala ang Mabubunyag

Ang Lalaki Raw ang May Sala sa Pagkawala ng Buhay ng Sariling Kapatid; Isang Nakalulungkot na Pangyayari Pala ang Mabubunyag

Kakalipat pa lang ni Hannah sa apartment na pag-aari ni Leo. Sa una ay ayaw niyang tumira sa nilipatan niya dahil bukod sa luma na ang apartment na iyon ay nakakatakot pa ngunit wala siyang magawa dahil ito lang ang pinakamalapit sa pinagtatrabahuhan niyang call center. Madilim kasi ang daranaan bago makarating sa kaniyang kuwarto sa ikaapat na palagag. Mag-isa lang siyang umuukupa roon at walang ibang kasama.

“Kinakabahan talaga ako sa lugar na ito. Parang may something, e!” wika ng dalaga sa sarili.

Minsan ay natatakot din siya sa may-ari ng apartment na si Leo dahil bukod sa palagi itong naglalasing tuwing gabi ay masama pa kung makatingin sa kaniya ang binata.

“Diyos ko, at nakakatakot din ang lalaking ito! Kung may iba lang sana akong mauupahan na malapit sa pinagtatrabahuhan ko, e ‘di sana ay hindi ako napunta sa creepy place na ito!” bulong pa niya sa sarili.

Isang araw ay may nakita siyang dalagita na nakaupo sa hagdan. Dahil nagmamadali siya ay tinarayan niya ito.

“Miss, excuse nga at aakyat ako!”

Tumingin lang sa kaniya ang dalagita at mayamaya ay hinila nito ang kaniyang braso paitaas ng hagdan. Nagulat si Hannah sa ginawa sa kaniya nito.

“Teka, saan mo ba ako dadalhin? S-sino ka ba?”

Dinala siya nito sa ikaapat na palapag ng apartment kung saan naroon ang kuwarto niya. Pumasok sila sa pinakadulong kuwarto. Nakita ni Hannah na isang lumang kuwarto na pinalilibutan ng mga alikabok. Iitnuro ng dalagita ang isang lumang aparador na naroon.

“Bakit mo ako dinala rito at ano ang mayroon diyan sa loob ng aparador?” tanong niya.

Hindi umimik ang dalagita. Mayamaya ay hinila na naman siya nito sa tabi ng bintana. Nakita nila sa ibaba ang naglalakad na si Leo na papasok sa loob ng apartment. Itinuro ng dalagita ang lalaki na parang may gustong ipahiwatig.

“Si Leo iyan, e! Naku, ewan ko ba pero natatakot talaga ako sa kaniya!” sabi niya sa dalagita. “P-pero, teka, bakit ba talaga tayo narito? Magsalita ka naman, pipi ka ba?” takang tanong niya rito.

Hindi pa rin nagsasalita ang dalagita. Nang bigla itong tumakbo palayo sa kaniya at lumabas sa lumang kuwarto. Pinilit niyang habulin ito ngunit bigla itong nawala sa paningin niya.

“Saan kaya nagpunta ‘yon?”

Nang sumunod na araw ay may nakilala siyang matandang babae na nag-aayos ng mga bagahe nito sa labas ng apartment. Dahil nakita niyang tila nahihirapan ito ay tinulungan niya ang matanda.

“Tulungan ko na po kayo, lola!”

“Naku, salamat hija. Dito ka rin ba umuupa?” tanong ng matanda.

“Opo. Kakalipat ko lang po nung nakaraang araw,” sagot niya.

“Ako naman ay aalis na!” sagot nito.

“Ha, bakit naman po?”

“Matagal ko na talagang gustong umalis diyan, mabuti nga at nakahanap na kami ng asawa ko ng malilipatan. May nakapagsabi kasi sa akin na masamang tao raw ‘yung binata na may-ari ng apartment,” sumbong nito.

“Ano po? Si Leo, masamang tao?”

“Ayon sa mga kwento-kwento, dahil sa sobrang kalasingan ay napasl*ng niya ang sariling kapatid ngunit hindi naman siya nakulong dahil walang matibay na ebidensiya,” bunyag ng matanda.

Mas lalong natakot si Hannah sa nalaman.

“Kaya kung ako sa iyo, maghanap ka ng bago mong lilipatan at umalis ka na riyan!” anito.

Hanggang sa pagpasok sa apartment ay hindi mawala sa isip niya ang sinabi ng matanda. Bigla niya tuloy naalala ang dalagita na nakita niya at nagsama sa kaniya sa isang lumang kuwarto. Itinuro nito ang lumang aparador at ang may-ari ng apartment na si Leo. Naisip niya na baka may nalalaman ito sa ikinuwento sa kaniya ng matanda. Ngunit saan niya hahanapin ang dalagita? Saang kuwarto sa apartment na iyon ito nangungupahan? Alangang isa-isahin pa niya bawat kuwarto para mahanap ito. Pinuntahan niya ang lumang kwarto kung saan siya dinala ng dalagita, nagbabakasakaling makita niya ito roon ngunit nang buksan niya ang pinto ay nakakandado na iyon.

“Teka, wala namang kandado ito ah?” aniya sabay pilit na binubuksan ang nakasarang kuwarto. Mayamaya ay biglang may nagsalita.

“Bakit mo binubuksan ang kuwartong ‘yan? Bawal pasukin ng kahit sino ang kuwartong ‘yan!” galit na sabi ni Leo nang makita niya ito sa likuran niya na may hawak na bote ng alak.

“I-isinama k-kasi ako nung dalagita sa loob ng kuwarto na ‘yan, e. D-dadalawin ko sana siya k-kaso nakakandado na,” nauutal niyang sagot sa lalaki.

“S-sinong dalagita?”

“Y-yung m-mahaba ang buhok na maputi at tsinita,” aniya.

Biglang naningkit ang mga mata ni Leo sa sinabi niya. Tila kilala na nito ang dalagitang tinutukoy niya.

Dahan-dahang lumapit sa kaniya ang lalaki. Nakita niyang galit na galit ang mukha nito at humigpit ang kanang kamay sa pagkakahawak sa bote ng alak na dala.

“I-imposibleng makita mo siya, dahil wala na siya. Pat*y na siya, pat*y na! At ako ang may kagagawan niyon, ako, ako!”

Biglang nagsisigaw ang lalaki na tila nawawala sa sarili.

Sa sobrang takot ay mabilis na tumakbo pababa ng hagdan si Hannah. Sinundan siya ng lasing na si Leo na patuloy pa rin ang pagsigaw at pagwawala ngunit dahil sa epekto ng alak ay namali ang paghakbang nito hanggang sa dumausdos ito at nalaglag.

“Ughhh…” ungol ng lalaki nang sumayad ang katawan sa sementadong sahig. Halos hindi na ito makabangon sa sobrang sakit na nararamdaman.

“B-bagay lang ‘yan sa’yo dahil masama kang tao! Mamamat*y tao ka! Pinasl*ng mo ang sarili mong kapatid! S-siguro, yung dalagitang nakita ko’y ginawan mo rin nang masama ‘no! Siya siguro ang testigo sa ginawa mong krim*en!” bigla na lamang nasambit ni Hannah sa bibig niya.

Ngunit laking gulat niya nang biglang magpakita sa harap niya ang dalagita at agad na nilapitan ang namimilipit pa ring si Leo. Labis ang pagtataka niya nang yakapin ng dalagita ang lalaki at nagsalita.

“Kuya, kuya!” iyak nito.

“L-Liza, ikaw ba iyan bunso? P-patawarin mo si kuya, ha?” anito.

“Kuya, wala kang kasalanan sa pagkawala ko. Huwag mong sisihin ang sarili mo!” sabi ng dalagita.

“I-ikaw, ikaw ang kapatid niya na pinasl*ng niya?” gulat na tanong ni Hannah.

“Ako nga. Walang kasalanan si Kuya Leo sa nangyari sa akin. Hindi siya ang dahilan kung bakit ako namat*y. Aksidente ang nangyari,” sagot ng multo.

Napag-alaman ni Hannah na nagpakita pala ang kaluluwa ng bunsong kapatid ni Leo sa kaniya para ipaalam na inosente ito at wala itong kinalaman sa pagkas*wi nito. Ikinuwento nito na noong araw bago ito mawala ay naisipan nitong pagtaguan ang kapatid dahil pinipilit ni Leo na pumasok sa eskwelahan, kaya nagkulong ito sa aparador sa sariling kuwarto ngunit habang nasa loob niyon ay bigla itong inatake ng hika, pinilit makalabas ng dalagita sa loob ng aparador ngunit aksidenteng naikandado ni Leo ang lumang aparador ni Liza na balak na sanang itapon nang pumasok ito sa kuwarto ng dalagita. Walang kamalay-malay ang binata na nasa loob ng aparador ang kapatid kaya nang atakehin ito ng hika ay hindi na nakalabas at doon na nalagutan ng hininga.

Walang nakarinig sa mga sigaw at paghingi ng tulong ni Liza dahil sa mga oras na iyon ay lumabas ng bahay si Leo para hanapin ang inakalang nawawalang kapatid. Wala ring ibang nakarinig kay Liza dahil halos lahat ng nangungupahan noon sa apartment ay mga estudyante at empleyado na nasa eskwelahan at trabaho. Mula nang pumanaw ang mga magulang ng magkapatid ay ang dalawa na ang naging magkasama at magkaagapay sa hirap at ginhawa kaya nang mawala rin ang nakababatang kapatid ay sinisi ng lalaki ang sarili. Itinuon nito ang sarili sa pag-inom at paglalasing para kalimutan ang sakit na naramdaman. Kumalat pa ang tsismis na dahil sa paglalasing ng lalaki kaya nito napasl*ng ang kapatid na wala naman palang katotohanan.

Nang magpakita ang kaluluwa ng kapatid ay nagbago na si Leo. Itinigil na nito ang pag-inom at kinalimutan na ang malungkot na pinagdaanan dahil iyon ang ipinangako nito sa kapatid na si Liza.

Humingi naman si Hannah ng paumanhin kay Leo dahil pinag-isipan niya ito nang masama.

Mula noon ay hindi na nagpakita pa ang multo ni Liza sa apartment at tuluyan nang natahimik ang kaluluwa ng dalagita. Nagawa na kasi nitong linisin ang pangalan ng kapatid at ipaalam kung ano ang tunay na nangyari.

Advertisement