
Binigyan ang Dalawang Katiwala ng Tiyansa na Magtagumpay; Lamang nga ba ang Maswerte sa Matiyaga?
Si Orlando at Chris ang dalawang katiwala ni Don Ramon. Matagal na sila naninilbihan sa matandang mayaman na itinuturing na din nilang ama amahan sa itinagal-tagal ng kanilang pagsasama.
Sa dinami-rami ng tauhan nito ay silang dalawa ang pinagkakatiwalaan ng matanda.
Isang araw, pinatawag sila ni Don Mariano.
“Mawawala ako ng mahabang panahon, kaya naman pahihiramin ko kayo ng malaking halaga bilang pasasalamat ko sa inyong serbisyo sa akin,” panimula ng matanda.
Ang halagang ito ay hiram lamang, at sisingilin ko rin sa aking pagbabalik. Ito ay pagsubok na rin ng katapatan niyo sa akin,” pagpapatuloy na matanda.
“Gusto ko na makapagsimula kayo, at magamit niyo ang halaga na ito upang pagyamanin niyo ang inyong sarili at ang inyong mga pamilya.”
Dalawang malaking bag ang inilapag ng mayamang matanda sa dalawang katiwala.
Nagkatinginan ang dalawa.
“Buksan niyo,” sulsol ng matanda sa dalawa.
Pawang nanlaki ang mata ng mga ito nang makitang punong-puno ng pera ang bag.
“Limang milyon ang halaga niyan. Sapat na siguro para makapagsimula kayong dalawa,” wika ng matanda.
“Don Ramon, kailan ho ba kayo magbabalik? Napakalaking halaga naman yata niyan,” nakangiwing wika ni Chris.
“Alam niyo naman na halos kayo na ang ituring kong pamilya sa laki ng tiwala ko sa inyo, hindi ba? Kaya alam kong hindi niyo ako bibiguin at gagamitin ninyo sa mabuti ang pera na iyan. Bata pa kayo at nakita ko ang inyong mga potensiyal kaya naman binigyan ko kayo ng ganitong pagkakataon,” paliwanag ng matanda.
“Hindi ko pa alam kung kailan ako makakabalik pero umaasa ako na sa pagbabalik ko ay kabutihan na ang naidulot ng perang iyan sa mga buhay ninyo,” nakangiting pagtatapos ng matanda bago iniwan ang dalawa na mulagat pa rin at hindi malaman ang gagawin sa napakalaking halaga na ipinagkatiwala sa kanila.
“Anong plano mo?” nakangising tanong ni Orlando kay Chris.
“Hindi ko pa alam, Orlando. Sa tanang buhay ko ay ngayon lang ako makakahawak ng ganito kalaking pera,” nanlalaki pa rin ang mata ni Chris ng sagutin ang tanong ng kaibigan habang kipkip ang bag na naglalaman ng limpak-limpak na salapi.
Si Orlando naman ay ngiting-ngiti. Bagaman alam niyang utang lamang ang pera, nakikinita niya na kung saan niya maaaring mapalago ang pera.
Magkaibang landas ang tinahak ng magkaibigan.
Si Kristoff ay piniling magnegosyo dahil sadyang may interes siya sa pagnenegosyo sa impluwensiya na rin ni Don Ramon.
Hindi naging madali ang lahat lalo na’t wala naman siyang malalaking koneksiyon na makakatulong sa kaniya subalit patuloy siyang nagtitiyaga dahil gusto niyang maging matagumpay sa larangang napili.
Isang gabi, habang siya ay naglalakad pauwi, isang magarang kotse ang bumusina sa kaniya. Bahagya pa siyang nabigla nang makilala ang may-ari nitong sumungaw sa bintana ng sasakyan.
“Kristoff!” bati ng lalaki.
“Orlando?” nanlalaki ang matang bigkas ng lalaki.
Halos hindi niya ito nakilala dahil ibang-iba na ang anyo nito.
Nakasuot ito ng magarang damit at sapatos. Hindi lang iyon, amoy na amoy niya rin ang mamahaling pabango ng lalaki.
“Ako nga! Kumusta ka na?” wika ng lalaki nang tuluyan itong makalapit sa kaniya.
“Eto, nagsisimula ako ng bagong negosyo,” simpleng sagot niya rito.
Humalakhak ang lalaki, bagay na ipinagtaka niya.
“Bakit ka tumatawa? Ikaw, kumusta ka na ba? Mukhang big time ka na ah,” puri niya rito.
“Pare, bakit ka ba nagtitiyaga sa negosyo na ‘yan? Tingnan mo ako, nakakaangat na kaagad sa buhay, utak lang ang ginamit ko,” pagmamalaki ng lalaki habang itinuturo pa ang sentido nito.
“Ano bang pinagkakabalahan mo?” kuryosong tanong niya sa lalaki.
Doon niya napag-alaman na ipinangsugal pala nito ang pera na ipinahiram ni Don Ramon.
Sinuwerte ang lalaki kaya naman halos na-triple na nito ang limang milyon.
“Ano na ang plano mong gawin ngayon? Hindi ka naman pwede na puro sugal na lang pare, wala namang kasiguraduhan iyan,” hindi kumbinsidong wika niya sa lalaki.
Tumawa ang lalaki bago sumagot. “Bakit ko pa gagastusin sa iba ang pera kung kumikita naman ako sa pagsusugal? Tingnan mo ang sarili mo, halos magkandakuba ka na sa pagsisimula ng negosyo. Sigurado ka ba na may patutunguhan ‘yan?”
Hindi nakaimik si Chris, Totoo naman kasi ang sinabi ng lalaki. Subalit gusto niya pa ring sumubok kahit na hindi madali. Ayaw niyang tumulad kay Orlando na umaasa sa swerte.
“Ikaw ang bahala, pare. Sana ay magpatuloy ang swerte mo,” sumusukong wika niya kay Orlando.
Mabilis na lumipas ang mga taon. Naging abala si Chris sa kaniyang negosyo. Nagpatayo kasi siya ng apartment complex na may taas na limang palapag.
Hindi siya nagpatalo sa takot na baka walang patunguhan ang kaniyang pagtitiyaga kaya naman sa ikaanim na taon simula nang maipatayo niya ang apartment ay nabawi niya na rin ang limang milyon na ginasta niya.
Ilang taon pa ang lumipas at patuloy na lumago ang negosyo ni Kris.
Hanggang dumating ang araw na pinakaaasam-asam niya. Nakatanggap siya ng tawag mula sa taong pinagkakautangan. Si Don Ramon.
“Chris!” Malaki ang ngiti ng matanda nang magkita sila isang hapunan.
“Balita ko ay isa ka na raw matagumpay na negosyante,” tudyo ng matanda.
Nahihiyang nagkamot ng ulo si Chris.
“Naku, maliit pa lamang ho ang negosyo ko at madami pa akong kailangang matutunan. Pero utang ko ho sa inyo ang lahat,” sinserong wika niya sa matanda.
Nasa kalagitnaan sila ng kwentuhan nang isa pang bisita ang dumating.
Halos hindi nila ito nakilala dahil ubod ito nang payat at paika-ika kung maglakad ang lalaki.
“Orlando?” mulagat na wika ni Chris.
Hindi lamang pala sa sugal nalulong ang lalaki. Nalulong din ito sa ipinagbabawal na gamot. Kaya naman imbes na bumuti ang buhay nito ay lalo lamang itong nasadlak sa kahirapan dahil naiwala nito ang lahat sa sugal at droga.
“Dapat pala ay nakinig ako sa iyo noon, Chris. Nauubos pala talaga ang swerte.” May mapait na ngiti sa labi nito nang matapos magkwento.
“Don Ramon, patawarin niyo ho ako, kahit magtrabaho ako sa inyo habambuhay ay gagawin ko, makabayad lang,” pagmamakaawa ni Orlando sa matanda.
Ngunit imbes na galit ay lungkot ang nakita nila sa mukha ng don.
“Sa tingin niyo ba talaga ay utang iyon? Nawala ako nang matagal na panahon dahil mayroon akong malubhang sakit. Sinabi ko sa inyo na sisingilin ko ang pera dahil gusto kong makasiguro na mapapabuti kayo kung sakaling tuluyan na akong mawala,” malungkot na wika ng matanda.
Nagulat sila sa sinabi ng matanda. Hindi nila alam na iyon pala ang dahilan.
“Isa pa, mayroon akong magandang plano para sa magtatagumpay sa misyon na ibinigay ko,” misteryosong usal ng matanda.
“Orlando, ipinakita mo na hindi ka magaling gumawa ng desisyon kaya naman hindi nakabuti sa iyo ang pagkakaroon ng malaking pera. Hindi ko na sisingilin ang utang mo, pero gusto kong ayusin mo na ang buhay mo para sa iyo at sa pamilya mo,” pangangaral ng matanda sa lalaking nalulong sa sugal at bisyo.
“Ikaw naman, Chris, ipinagyaman mo ang ang halaga na ipinagkatiwala sa iyo kaya naman nakita ko na ikaw ang mas karapat-dapat,” seryosong wika ng matanda.
“Karapat-dapat ho saan?” naguguluhang wika ni Chris.
“Na humalili sa akin,” sagot ng matanda.
“Nakita ko ang determinasyon mo at sa tingin ko ay nasa mabuting kamay ang mga maiiwan ko kung ikaw ang mamamahala ng mga ito,” paliwanag ng matanda.
Hindi makapaniwala si Chris sa sinabi ng matanda. Hindi niya alam na ito pala ang plano nito para sa kanila.
Si Orlando naman ay walang ibang magawa kung hindi ang magsisi. Naiwala niya ang kaisa-isang tiyansa na magtagumpay sa buhay dahil umasa siya sa swerte at hindi siya nagtiyaga.
Walang pagsidlan ng tuwa si Chris. Napatunayan niya kasi na hindi sayang ang mga naging paghihirap at pagtitiyaga niya. Nangako siya kay Don Ramon na hindi nito pagsisisihan ang pagpili sa kaniya.