
Nagdesisyon ang Dalawang Magkapatid na Maghiwalay ng Pwesto Upang mas Madaling Maubos ang Paninda; Maganda Kaya ang Naisip Nila
“Belinda, iiwan kita dito ah. Dito ka pumwesto para magtinda ng sitaw. Si ate naman doon sa may high way. Hati tayo ng paninda, para mas madaling maubos. Makakauwi na tayo agad,” kausap ng kinse anyos na si Maymay sa kapatid na si Belinda, sampung taon.
“Opo, ate. Sige na. Punta ka na doon, ayos na ako dito. Daanan mo ako dito mamaya ah, kapag ubos na ang sitaw mo,” ani Belinda habang abala sa pag-aayos ng panindang sitaw.
Umalis na nga si Maymay at iniwan muna ang kapatid na si Belinda. Upang may pantustos sa pag-aaral, t’wing sabado at linggo ay napagkasunduan ng magkapatid na magtitinda sila ng kung ano-anong gulay.
“Ineng, magkano ang bugkos ng sitaw?” Tanong ng isang babae kay Belinda.
“Sampung peso lang po ate,” nakangiting sagot ni Belinda.
“Dalawang bugkos sa’kin,” anito sabay abot sa kaniya ng bayad.
Sa wakas may buena mano na rin agad si Belinda. Bente pirasong bugkos ang iniwan sa kaniya ng ate niyang si Maymay, kaya ilang bugkos na lang at makakauwi na rin sila.
Isang grupo ng mga lalaki ang dumaan sa harapan ni Belinda. Sa kaniyang hinuha ay magkakaibigan ang mga ito at tila galing sa pagbabasketball, dahil naka-jersey outfit ang mga ito at ang isang lalaki’y may hawak na bola.
“Hi, ang bata-bata mo pa ah. Bakit ikaw ang nagtitinda ng mga iyan?” Nakangiting tanong sa kaniya ng isang lalaki sa grupo.
“Para po may pambaon ako mula Lunes hanggang Biyernes,” mahinang paliwanag ni Belinda.
“Bakit hindi ka ba binibigyan ni mama at papa mo ng baon sa eskwela?” Singit na tanong ng isa pang lalaki.
“Hindi na po kasi kaya sa budget ni mama ang pambaon namin. Pito po kaming magkakapatid, ang tatlong sumunod sa’kin ay masyado pang mga bata, kaya nasa bahay lang sila. Ang dalawang kuya ko naman ay nasa Maynila, nagtatrabaho.
Minsan nagpapadala sila ng pera kay mama, pero hindi pa rin sapat para maipambayad sa utang. Kaya kami ni Ate Maymay ko ang tumutulong kay mama at papa,” mahabang paliwanag ni Belinda.
“Nasaan naman ang ate mo?” Tanong ng lalaking may hawak ng bola.
“Naroon po sa may high way. Doon siya pumwesto para mas mapabilis ang pagkaubos ng paninda namin,” ani Belinda.
Naglingunan ang limang magkakaibigan saka tila nag-usap muna saglit at mayamaya rin ay muling bumalik sa gawi niya.
“Anong name mo?” Tanong ng isa pa.
“Belinda po,” sagot niya.
“Belinda, magkano ba lahat iyang tinitinda mo?” Tanong ng lalaking unang kumausap sa kaniya.
“Benteng bugkos po kasi ang ibinigay sa’kin ng ate ko kanina. Tapos nakapagbenta na rin ako ng dalawang bugkos kaya labing walo na lang po iyan. Sampung piso po ang bawat bugkos,” paliwanag ni Belinda.
“Sige, bibilhin na namin iyang lahat ang paninda mo, Belinda. Saka ihahatid ka na namin sa ate mo,” wika ng lalaking kanina’y may hawak ng bola.
“Sa susunod Belinda, sabihin mo sa ate mo ah na huwag ka ulit iwanang mag-isa rito. Delikado kasi ang lugar na ito. Madalang ang dumadaang tao. Baka kasi mapahamak ka. Sa susunod magsama na lang kayo ng ate mo doon sa may high way,” kausap ng lalaking unang kumausap sa kaniya.
“Oo. Kaya nga nagulat kami kung bakit naririto ka, e wala naman masyadong dumadaan dito. Saka sobrang bata mo pa. Kaya bibilhin na namin lahat iyan para makasama mo na ang ate mo. Basta sa susunod huwag ka na pumwesto rito,” wika ng lalaking may hawak ng bola.
“Salamat po mga kuya,” mangiyak-iyak na wika ni Belinda.
Ang totoo ay hindi rin alam nilang dalawa ng ate niya na wala pala masyadong dumadaan sa daanang iyon. Hindi naman kasi sila taga-rito. Doon pa sila sa kabilang Barangay nakatira.
Ang totoo ay sa palengke lang naman sana sila magtitinda. Ngunit sabi ng Ate Maymay niya’y matumal ang kita sa palengke, kaya naglakad sila at naghanap ng mapu-pwestuhan.
“Ako nga pala si Kuya Justin,” pakilala ng lalaking unang kumausap sa kaniya. “Sila naman sina Victor, Mike, Keann at Jaspher,” pakilala nito sa mga kasama.
“Hi Belinda,” sabay-sabay na wika ng apat na magkakaibigan.
“Hello po sa inyong lahat,” balik bati naman ni Belinda. “Thank you po mga kuya dahil sa ginawa niyong kabutihan sa’kin ngayong araw na ito. Tama po kayo kung hindi kayo dumaan ay baka napahamak na ako.
May mga mabubuti pa rin talaga sa mundo at kasama na po kayo roon.” Nakangiting dugtong ni Belinda.
Hinatid ng limang magbabarkada si Belinda, papunta sa kapatid nitong si Maymay. Gaya ni Belinda ay pinagsabihan rin nila si Maymay. Laking pasasalamat naman ni Maymay sa mag-babarkadang may mabubuting loob.
Binigyan na sila nina Justin, Victor, Mike, Jaspher at Keann ng isang libo, upang may pambaon na silang magkakapatid mula Lunes hanggang Biyernes.
Ngunit mas pinili pa rin ni Maymay na ipaubos muna ang panindang sitaw bago umuwi. Masasayang lang din kasi iyon at baka malanta lang. Saka sila nagdesisyong umuwi.
Bitbit ang bilin ng limang magkakaibigan na huwag nang ihiwalay ang kapatid sa pagtitinda dahil baka mapahamak ito.