Inday TrendingInday Trending
Satanista ang Nobyo Ko

Satanista ang Nobyo Ko

Kinikilig na kumaway si Melanie sa papalayong si Carl, ang kanyang manliligaw. Isang buwan na ang nakalipas nang lumipat ito sa katabing bahay nila, narito sila sa probinsya. Unang beses pa lamang silang nagkita ay naging prangka naman ang binata, umamin agad na napupusuan siya.

Para mapatunayan na malinis ang intensyon ay dumalaw ito sa bahay nila.

“Naku, parang sinisilihan ang pwet,” komento ng kanyang ina, abala itong nagko-cross stitch. Nabasa nito sa lumang magazine kung paano gumawa ng ganoon. Mabuti na nga lang at may nabibili na ring mga kagamitan sa tindahan ng school supplies sa kanila. Sabagay, nasa probinsya man ay sa parteng bayan naman ang kanilang bahay kaya kahit paano ay nakakasunod sa modernong agos ng buhay.

“Ang nanay naman, ayaw ho ba ninyo kay Carl?” lingon niya rito.

Kumibit ng balikat ang ginang, “Mabait siya at magalang, gwapo rin. Mukhang maganda ang trabaho sa Maynila dahil hayan at may kotse. Pero, hindi mo pa siya gaanong kilala.”

Tumangu-tango siya, may point naman ang kanyang ina. Kaya kahit gustung-gusto niya na, hindi niya muna sinagot ang binata. Naunawaan naman iyon ni Carl kaya nga hanggang ngayon na dalawang buwan na ang nakalipas ay ma-tiyaga pa rin itong naghihintay sa kanya.

“Ano ba ang trabaho mo sa Maynila? Tsaka bakit tuwing alas tres ng hapon ay alis ka nang alis?” usisa niya.

“Aba, mukhang may nagpa-practice na kung paano maging girlfriend ah!” biro naman nito sa kanya, namula tuloy ang mukha ng dalaga.

“N-Nagtatanong lang naman ako. Kung ayaw mong sagutin, okay lang rin,” sabi niya. Sumobra nga yata ang tono niya kanina.

“Loko, joke lang ‘yun. Marami akong ginagawa sa Maynila eh, yung lakad ko naman tuwing alas tres ng hapon, wala lang. Nagpapalamig lang. Dinadama ko lang ang simoy ng hangin dito sa probinsya.”

Sabagay, palagi ngang may nakakakita rito na lumalayo sa bayan. Mas gusto nito sa liblib na parte ng kanilang lugar, tapos ay babalik kapag alas siyete na ng gabi. Diretsong dalaw na sa kanya.

Sandali itong ngumiti, tapos ay nag aalangan kung hahawakan ang kamay niya o hindi. Sa huli ay nanaig ang puso nito, masuyo nitong hinawakan ang kanyang palad.

“You know Melanie, ngayon lang ako naging ganitong ka-saya. Dahil nakilala kita,” madamdamin nitong wika.

Ang lakas lakas ng tibok ng puso ng dalaga. Hindi niya na namamalayang napapikit na siya, medyo nakausli pa ang nguso niya na naghihintay na halikan nito.

Ilang segundo pa ang nakalipas nang mapagtanto niya ang kanyang ginagawa. Unti-unti siyang dumilat at nanlaki ang mata niya nang makita ang binata na pinipigil ang ngiti habang nakatitig sa kanya.

“A-Ay, sorry!”

“Hindi kita hahalikan, hindi pa. Kahit gustong-gusto ko,” wika nito.

Pilit siyang nagpakawala ng tawa para pagtakpan ang kahihiyan.

“Pulang-pula naman ang baby ko. Sige na, gabi na rin. Sleep tight my princess,” kinindatan pa siya ng binata bago tumayo at naglakad palayo.

Bago ito tuluyang mawala sa kanyang paningin ay muli niyang tinawag kaya lumingon, mahina siyang nagsalita.

“S-Sinasagot na kita…”

Parang nawala ang antok ni Carl dahil nanlaki ang mata nito at inilang hakbang ang pagitan nila bago siya niyakap ng pagkahigpit-higpit, “Oh my God, you made me the happiest man alive!”

Akala ni Melanie, mas lalalim ang samahan nila at makikilala niya na nang lubusan ang nobyo. Pero mali pala siya, oo at malaki ang pasasalamat niya dahil mabait ito at maginoo pero kapag tinatanong niya ito tungkol sa sarili ay tikom pa rin ang bibig nito.

Ngayon nga ay tahimik siyang nakatanaw sa bintana, hinihintay ang lalaki. Galing nanaman kasi ito sa kakahuyan at iniwan lang ang sasakyan sa paanan ng bundok.

“Hay, grabe talaga ang tao ngayon. Maging ang Diyos ay kinakalaban!” sabi ng kanyang ina na sinundan pa ng patsik ang pagsasalita. Umiiling-iling rin ito.

Napalingon tuloy si Melanie, “Ano ho iyan Nay?” usisa niya.

Titig na titig ang ginang sa binabasang lumang magazine na sa front page palang ay halata nang nakakatakot ang nilalaman, palibhasa ay Undas na kinabukasan kaya kalat na kalat ang mga ganitong babasahin. “Alam mo ba ang tungkol sa mga Satanista?”

“Sabadista ho?”

“Satanista! Ke-bata bata mo ay bingi kana yata ‘Nak. Satanista iyong sumasamba kay Satanas, taliwas sa paniniwala ng Diyos.”

Kinilabutan naman siya sa narinig, may ganoon pala talaga? Akala niya ay sa mga palabas lang.

“T-Totoo ho ba iyan?”

“Aba’y oo naman! Sabi pa nga rito, mayroon na raw rito sa Pilipinas pero hindi masyadong talamak katulad sa ibang bansa. Tahimik lang sila kung gawin ang kanilang mga pagsamba, kadalasan ay sa liblib na lugar. Sa mga bundok, malapit sa kalikasan at malayo sa mga tao,”

Napa-tanda ng Krus si Melanie. Napapitlag pa siya nang makarinig ng sunud-sunod na katok sa pinto.

“Bakit namumutla ka?” natatawang wika ni Carl nang mapagbuksan niya.

“W-Wala. Ito kasing si Nanay kung anu-anong nakakatakot ang binabasa. Apektado tuloy ako. Bakit nga pala medyo ginabi ka yata?”

Halatang pagod ang binata, “M-May mga inayos lang. Nga pala, hindi rin ako magtatagal babe. Gusto ko lang sanang sabihan ka na bukas isasama kita sa bundok,”

“Ha?”

“Bago mag alas tres ay dadaanan kita rito bukas. Magsuot ka ng bestidang puti ha? Bukas na ang araw,” wika nito tapos ay kinindatan siya.

Nakaalis na ang nobyo ay tulala pa rin si Melanie. Magdamag siyang hindi pinatulog sa kaiisip. Hindi kaya.. Satanista si Carl?

Diyos ko po.

Hindi ba ganoon ang mga napapanood niya? May iaalay na birheng babae na kailangan ay nakasuot ng puti. Kaya siguro ayaw siyang halikan nito! Kaya rin siguro lagi itong nawawala tuwing alas tres ay dahil nago-orasyon sa bundok.

Bukas na ang araw. Tila nag-e-echo pa sa utak niya ang mga katagang iyon.

Malaki man ang takot ay nanaig ang pag ibig ni Melanie, pilit na kinokontra ng puso niya ang mga naiisip ng kanyang utak. Pero para maging ligtas, nagsuot siya ng pula. Malay niya ba, baka pag hindi naka-puti ay magbago ang isip nito at hindi na siya ialay.

“Malapit na tayo,” nakangiting wika ng lalaki, “Ay,” sabi pa ulit nito dahil sa sobrang bigat ng dala ay naglaglagan na ang mga iyon. May mga puting tela at isang kahoy na hugis… sungay!

O mahabaging Diyos, ito yata ang ipangsasaksak sa kanya!

“Carl!” biglang sigaw niya.

Nagtataka namang napalingon ang lalaki, “Hey are you okay? Magugulatin ka naman masyado.”

“A-Ano kasi babe, kailangan kong umihi,” pagsisinungaling niya. Ang totoo ay nais niya nang bumalik.

“May CR doon, tara na!”

“Carl! Sandali lang kasi!” wika niya, itinatago ang pangangatog.

Lumingon ito at may pagtataka na sa mga mata.

Tumikhim si Melanie at muling nagsalita, “Hindi na ako virgin! Kung… kung ano man ang plano mo hindi pwede kasi hindi na ako birhen! Ano… may karanasan na ako. Nagsinungaling ako sayo na unang nobyo kita.” Sana umepekto ang pagsisinungaling niya. Sana hindi na siya ialay nito.

Pero ganoon na lang ang pangingilabot niya nang maramdaman ang kamay ng binata sa braso niya. Tahimik siyang inakay nito. Pikit mata siyang humakbang.

“Ayan, nandito na tayo,” wika nito kaya unti-unti siyang dumilat.

Medyo nakakapagtaka kasi maingay at may naririnig siyang hagikgik ng mga bata.

Nang igala niya ang paningin ay ganoon na lamang ang gulat niya nang makita ang mga musmos na masayang naglalaro sa harap ng isang munting paaralan. Nilapitan sila ng isang may edad nang ginang.

“Kumusta ho Doc Carl? Excited na ang mga bata sa party. Ay, siya ba ang ma-swerteng dalaga?” wika nito at sumulyap sa kanya. “Ako si Mrs. Dela Paz, matagal na akong guro rito. Tulad ni Doc Carl ay volunteer rin ako, alam mo lagi ka niyang ikinukwento,” sinundan pa iyon ng kinikilig na ngiti.

Nang makaalis ang guro ay nakangangang tumingin si Melanie sa nobyo, “Doktor ka? Hindi ka Satanista?”

Bakas ang gulat sa mukha ng binata, tapos ay natatawa, “Satanista ka dyan! Mahal na mahal ko nga ang Diyos, dahil ipinakilala ka niya sa akin. Pasensya ka na babe kung hindi ako nagtapat agad, ayaw ko naman kasing mag iba ang turing ng mga tao sa bayan sa akin dahil lang doktor ako.

Sa totoo lang ay masaya ako dahil ngayon na ang araw na ipakikilala kita sa mga bata rito. Halloween party kasi nila, ito nga ang costume ko eh,” tatawa-tawang sabi nito at ikinabit ang sungay. “Ikaw naman white lady sana, kaya lang nag-pula ka. Eh ‘di red lady nalang-”

Hindi na naituloy pa ni Carl ang sasabihin dahil hinalikan niya na ito.

Makalipas ang apat na taon ay nagpakasal na silang dalawa. Sa gabi ng kanilang honeymoon ay nagulat ang kanyang mister dahil birhen na birhen siya!

Ganoon na lang ang tawa nito nang sabihin niya ang totoong dahilan kung bakit siya nagsinungaling.

Ngayon ay masaya na silang namumuhay kasama ng tatlo nilang anak. Matibay ang samahan ng kanilang pamilya dahil higit sa pagmamahal sa isa’t isa ay naging sentro noon ang pag ibig nila sa Panginoon.

Advertisement