Inday TrendingInday Trending
Hindi na Virgin si Mary

Hindi na Virgin si Mary

Mag-iisang taon na ang nakalipas nang maging nobya ni James si Mary. Maganda ang babae at mabait, mga bagay na naging dahilan para mahulog ang loob niya rito. Nagkakilala sila sa isang ospital sa Maynila, nurse kasi ito at doktor naman siya.

“Will you marry me, my sweet Mary?” puno ng damdamin na wika ni James habang nakaluhod sa harap nito.

Pinipigil naman ang luha ng dalaga. Tapos ay sunud-sunod na pagtango ang ginawa.

“Oo naman!”

Sa sobrang galak ay napatayo si James at niyakap ang nobya, “Mahal na mahal kita.”

Dati babaero ang lalaki. Sa totoo lang ay wala pa siyang sineryosong dalaga. Pero iba si Mary. Alam niya sa sarili niyang ito na ang nais niyang pakasalan kaya di na siya naghintay pa ng matagal. Tutal ay nasa tamang edad na naman sila.

Bago simulang planuhin ang kasal ay nais muna sana ni James na makilala ang mga tiyahing nagpalaki sa kaniyang nobya sa probinsya. Pagbibigay galang na rin.

“Are you okay?” nag-aalalang wika ni James habang nagmamaneho. Hinawakan niya pa ang kamay ng nobya na ngayon ay malayo ang tingin. Pauwi na sila sa probinsya ng mga ito.

Tumango naman si Mary, “Naisip ko lang, kailangan pa ba ito?” tanong ng babae. “Oo naman, babe. Moderno na siguro ang panahon ngayon pero I respect you a lot. Sundin natin ang tradisyonal na paraan. Mamamanhikan ako.” wika ni James at sinundan pa iyon ng kindat.

Alanganin na lamang na ngumiti si Mary.

Sobra ang excitement na nararamdaman ni James ng mga oras na iyon. Hindi naman kasi masyadong makuwento si Mary tungkol sa naging buhay nito sa probinsya. Ang tanging alam niya ay ulila ito sa magulang at mga tiyahin na lamang ang nagpalaki.

Nang marating nila ang bahay ay nakangiting binati ng binata ang dalawang tita ni Mary. Kapwa may sariling pamilya ang mga ito pero magkasama sa iisang bubong.

“Ba, swerte mo, ah. Nakabingwit ng doktor ang gaga. Matutupad na ang pangarap mo,” sabi ng pinsan ni Mary.

“Hayaan mo na ‘yang pinsan mo, Beng. Dati pa naman ay ambisyosa na iyan kaya nga nag-nurse iyan para mang-hunting ng mayaman,” nanunuya namang wika ng tiyahin ng babae.

Napapahiyang sumulyap si Mary sa kaniyang nobyo pero nginitian lamang siya ito at hinigpitan nito ang hawak sa kamay. Ngayon ay medyo nauunawaan na nito kung bakit alanganin itong ipakilala siya sa pamilya.

Makalipas ang isang oras ay nagpaalam na rin ang dalawa. Bago sila lumabas ay sinabihan ni Mary si James na mauna na sa sasakyan. Kakausapin lang muna nito sandali ang mga tiyahin.

“Are you sure? Puwede naman kitang samahan,” paninigurado ni James. “Babe, kaya ko na. Thank you,” tugon ni Mary.

Tahimik na lumabas si James at sumandal sa kotse habang naghihintay. Hindi pa man din nakalilipas ang ilang segundo ay nilapitan na siya ng isang ale.

“Ikaw ba iyong pakakasalan ni Mary? Naku, sigurado ka ba sa pinapasok mo?” walang prenong tanong nito. Kumunot ang noo ni James, “Bakit ho?”

“Aba, eh, pokpok iyan dito bago lumuwas ng Maynila. Kaya nga nakapag-aral ‘yan dahil may matandang suki iyan. Palaging inihahatid ng naka-kotse. Hindi na virgin iyan. Malandi ang batang yan, eh. Ka-swerte naman ng hitad. Sa wakas ay nakahanap na ng mayaman.”

Nabigla ang binata sa mga narinig. Ni minsan ay hindi niya ginalaw ang nobya dahil mataas ang respeto niya rito kaya nga hindi niya ito magawang ipagtanggol ngayon dahil wala naman siyang alam.

“Basta, hijo, binalaan na kita. Ikaw rin mag-isip-isip ka. Balita ko ay doktor ka pa naman. Gamitin mo ang utak mo,” wika ng ale bago umalis.

Napahinto naman sa paglalakad si Mary nang makitang umalis si Aling Enchang, kilalang tsismosa sa kanilang lugar. Iniwan nito ang nobyo niyang may malalim na iniisip.

“Diyos ko po,” kinakabahang saad ni Mary.

Tila nakarating na sa binata ang balita. Kaya nga siya nagpaiwan sa loob ay upang pakiusapan ang mga tiyahin na kalimutan na ang naging alitan nila noon. Ngayong ikakasal na siya ay nais niya rin sanang magsimula sa umpisa pero paano mangyayari iyon kung hindi niya pa naaayos ang gusot sa kaniyang pamilya? At ito nga, baka umatras pa ang groom niya.

“Babe?” tawag ni Mary. Pilit nitong itinatago ang pangingilid ng mga luha.

“Tara,” sabi ni James. Hindi man lang nito nilingon ang nobya. Maging habang nagmamaneho ito ay hindi pa rin nito kinikibo ang babae.

“Paano kung naiisip na ng nobyo na umatras at makipaghiwalay na sa kaniya? Hindi niya yata kakayanin. Hindi dahil mayaman ito at isang doktor kung ‘di dahil mahal na mahal niya na ang lalaki,” isip-isip ni Mary.

Sa sobrang daming masasamang bagay na pumapasok sa utak ng babae ay bigla na lamang itong napaiyak.

“James,” wika ni Mary. Gulat na lumingon naman ang binata sa kaniya.

Muling nagsalita ang babae, “Matapos ang narinig mo kay Aling Enchang mauunawaan ko kung aatras ka na sa kasal.” Pagkasabi noon ay umasa si Mary na tututol ito, na sasabihing tuloy pa rin ang kasal pero wala. Hindi ito nagsalita.

Ilang segundo ang lumipas na ganoon lamang sila. Tigib ng luha na bumaba ng kotse ang dalaga. Sino nga ba naman ang lalaking magpapakasal sa isang babaeng natsi-tsismis na marumi na?

Magdamag na umiyak lang nang umiyak si Mary. Ang sakit sakit ng puso niya. Ang masaya sanang araw ng pamamanhikan ay ang katapusan rin pala ng kanilang pag-iibigan.

Kinabukasan ay namamaga pa ang mata ni Mary nang makarinig ng ilang katok sa pintuan.

“Diyos ko naman, hindi nga siya nag-duty sa ospital dahil baka magkamali lang siya sa pag-aalaga sa mga pasyente ganitong lutang ang utak niya. Isa pa, ayaw niyang makita si James,” isip-isip ni Mary.

“Ah, baka ang landlady,” naisip ng dalaga.

“Mrs. Reyes, hindi ba ho ay bayad na ako ng upa para sa tatlong…” naitigil ni Mary ang pagsasalita nang makita kung sino ang nakatayo sa labas kaniyang pintuan.

Si James.

Tulad niya ay mukhang hindi rin nakatulog ang binata. Nangingitim ang ilalim ng mga mata nito.

“Akala ko ba…” hindi na naituloy ng dalagita ang sasabihin dahil pabigla na siyang niyakap nito.

“Wala na akong pakialam sa nakaraan mo. Mas masasaktan ako kung wala ka,” lumuluha na ring wika ni James. “Sorry ang g*go ko kagabi. Nabigla lang kasi talaga ako. Magdamag kong inisip. T*ngina, eh, ano naman? Ano naman kung totoo ang sinasabi nila? Ang mahalaga ay akin ka na ngayon.”

Totoo iyon. Wala talagang pakialam ang binata kung virgin pa si Mary o hindi. Hindi naman katawan lang ang habol niya sa nobya.

Napangiti naman si Mary. Ang swerte niya talaga. Maaga man siyang iniwan ng kaniyang mga magulang isang mabuting lalaki naman ang ipinadala ng Diyos para mahalin siya.

Makalipas ang ilang buwan ay ikinasal ang magkasintahan. Sa gabi ng kanilang pag-iisang dibdib ay napatunayan ni James na mali ang lahat!

Virgin na virgin ang kaniyang misis!

“Babe,” wika ng lalaki. Magkayakap sila sa kama at dinadama ang isa’t isa. Katatapos lamang nilang pagsaluhan ang init ng kanilang pag-ibig.

Tila naunawaan na naman ni Mary ang nais sabihin ng kaniyang mister.

“Hindi totoo ang sinasabi nila. Dati pa man ay nais ko nang maging nurse kaya lang ay maagang pumanaw ang mga magulang ko. Pinahinto na rin ako sa pag-aaral nila Tita Maring. Sa awa ng teacher ko, dahil magaling naman raw ako, ipinasok niya ako bilang assistant lang sa isang home for the aged. May kakilala kasi siya. Hindi man ako nurse doon masaya na akong nakakatulong na mag-alaga ng mga may edad na pasyente,”

Tumatangu-tango si James habang nakikinig. Diyos ko, lalo niyang minamahal ang babaeng ito.

Nagpatuloy si Mary, “Tsaka siyempre extrang income na rin para makaipon ako at makapag-aral ulit. Naging magiliw sa akin ang mga matatanda roon. Lalo na si Mr. Carpio. Kamukhang-kamukha ko raw kasi ang apo niya na maagang kinuha ng Diyos dahil sa isang aksidente. Ayun, wala na siyang pamilya. Kaya nang pumanaw si Mr. Carpio ay pinupuntahan ako ng may edad na niyang abogado para ibigay ang allowance ko.

Ibinilin niyang pag-aralin ako sa Maynila kaya natupad ang mga pangarap ko. Galit sa akin ang mga tiyahin ko dahil nais nilang ikulong na lang ako sa bahay na iyon. Utusan ng mga anak nila. Nais rin nila na iintrega ko sa kanila ang perang pampaaral ko sana kaya nagpakalat sila ng tsismis na marumi raw ako.”

Napabuntong-hininga si James. Hinalikan niya sa noo ang misis.

Hindi siya nagkamali sa babaeng minahal. Bukod sa maganda ang panlabas na anyo ay maganda rin ang kalooban. Kaya nga kahit na inakala niyang hindi na ito birhen ay nanaig pa rin ang pag-ibig niya.

Advertisement