“Anak, baka mayroon ka diyang isang daan. Ibibili ko lang sana ng bigas at ulam, panghapunan natin. Wala na kasi akong pera, eh. Wala pa ring sahod ang tatay mo,” daing ni Aling Karen sa anak na kakagaling lamang sa trabaho.
“Hala, nay, wala na po akong sobrang pera ngayon. Sakto na lang pangpamasahe at pagkain ko sa dalawang linggo. Binayaran ko rin po ‘yong inorder kong lipstick sa kaibigan ko. Sa katapusan pa po ang sweldo ko,” sagot naman ng dalagang si Kristine.
“Hindi ba kakasweldo mo lang kahapon?” pag-uusisa naman ng ina.
Bahagya namang napakamot ng ulo ang dalaga.
“Opo, nanay, kaso may nakita po akong sapatos, eh. Gustung-gusto ko po kasi ‘yung kulay kaya binili ko na po. Pasensya na po kayo, nanay,” pagpapaliwanag ng dalaga.
“Pero sige po, nay, ito po ang isang daan. Mangungutang na lang po ako kung sakaling magkulang pera ko,” pahabol ni Kristine.
Bakas naman sa mukha ng kaniyang nanay ang pag-aalala sa kaniya.
Labing siyam na taon na ang dalagang si Kristine. Napilitan siyang tumigil sa pag-aaral at magtrabaho na dahil sa hirap ng buhay. Siya ngayon ay kasalukuyang nagtatrabaho sa isang fast food chain sa kanilang lugar. Sapat naman sana ang kinikita niya upang matustusan ang araw-araw niyang pangangailangan at mabigyan ang kaniyang mga magulang ngunit tila naging gastadora ang dalaga.
“Tignan mo, Shella! Ang ganda nitong bagong labas na mascara!” sigaw ni Kristine sa isang convenient store malapit sa kanilang pinagtatrabahunan.
“O, Kristine, hindi mo naman kailangan ‘yan, eh. Tsaka mo na bilhin! May sobra ka pa bang pera?” tanong naman ng katrabahong si Shella.
“Wala na. Pero hayaan mo na! Mangungutang na lang ako. Limited edition lang ito, noh!” sambit ng dalaga tsaka kinuha ang sinasabing mascara at binili.
Tuwang-tuwa naman ang dalaga nang mabili na ang sinasabing mascara. Ngunit lumipas ang mga araw tila nag-aalala na siya kung saan siya kukuha ng pera para magamit niyang pamasahe papunta sa trabaho.
Naisip niyang humingi sana ng kaunting pera sa nanay niya dahil balita niya ay sumweldo na raw ang kaniyang tatay ngunit tumigil ang mundo niya nang madatnan niya ang kaniyang inang umiiyak sa kanilang bahay.
“Nay, bakit po? Ano pong nangyari?” natatarantang pag-uusisa ng dalaga tsaka nilapitan ang inang umiiyak. “Ang tatay mo, Kristine, sinugod sa ospital ng kaniyang mga katrabaho. Naaksidente raw ito. Hinihintay lang kita na makauwi para makahingi ako ng pamasahe.” iyak ng ginang.
Bahagya namang nalungkot ang dalaga sa balitang narinig.
“Nay, sa totoo lang po wala na rin akong pera. Manghihingi po sana ako kasi ‘di ba sweldo ni tatay ngayon. Pasensya na po, nanay. Mangungutang muna po ako diyan kay bumbay para makaalis tayo. Saglit lang po,” sambit naman ng dalaga.
Bahagya namang nadismaya si Aling Karen.
Nakautang si Kristine at agad nagpunta ang mag-ina sa ospital. Sabi ng mga nurse doon ay kalahati lang daw ang mababayaran ng kompaniya ng tatay niya at ang kalahati ay kailangan nilang bayaran. Kitang-kita ni Kristine kung paano nanlumo ang kaniyang nanay sa mga salitang narinig. Napabuntong-hininga na lamang siya at tila natauhan.
“Sana pala ‘yong mga ipinangbili ko ng makeup at sapatos inipon ko na lang para may mailalabas ako sa mga ganitong sitwasyon,” malungkot na bulong ng dalaga sa sarili.
Panandaliang sinamahan ng dalaga ang kaniyang nanay sa ospital at nang maramdaman niyang nahimasmasan na ito ay agad siyang umalis upang humanap ng pera. Sakto namang pinahiram siya ng kaniyang katrabahong si Shella. Nagamit niya rin ang kaniyang Philhealth at napautang rin siya ng kakilala niyang bumbay.
Matagumpay naman nilang nailabas ng ospital ang kaniyang tatay ngunit bahagya siyang nabaon sa utang.
“Anak, alam ko marami kang utang ngayon. Hindi rin muna makakapagtrabaho ang tatay mo. Pasensya ka na, ha. Sana ngayon maayos mo nang magastos ang perang kikitain mo,” paalala ni Aling Karen sa anak.
Bahagya namang napabuntong-hininga si Kristine nang mapagtantong mali talaga ang mga ginawa niya noon.
Ang kagandahan lang kay Kristine hindi siya pinanghinaan ng loob kahit pa baon siya sa utang. Naging masinop na siya sa kaniyang pera. Naisip niyang magtayo ng maliit na ukay-ukay sa harapan ng kanilang bahay at ibinenta niya ang mga binili niyang hindi pa nagagamit dahil dito ay unti-unti niyang nababayaran ang kaniyang mga utang.
Ang kagipitang kinaharap ng kanilang pamilya ang naging daan upang matauhan ang dalaga na hindi tamang maging maluho siya por que may sapat siyang hawak na pera.
Kahit saan man tignan hindi tamang maging maluho at bilhin lahat ng nauuso dahil hindi mo tiyak ang buhay. Maliban pa doon ay maaari mong magamit ang pera sa mas importanteng bagay kaysa sa iyong mga luho.