Inday TrendingInday Trending
Ang Pangit ng Asawa Mo!

Ang Pangit ng Asawa Mo!

Hindi pa tumitilaok ang mga manok ngunit naglabasan na ang mga samahan ng tsismosa sa Barangay Sto. Domingo.

“Alam niyo ba kahapon nakasabay ko sa grocery iyong mag-asawa. Hindi ko halos mapigilan ang tawa ko. Aba’y que pangit talaga ni Jay!” paunang bwelta ng numero uno at pinuno ng mga tsismosang si Nadia.

“Eh, talaga namang hindi siya nababagay diyan kay Jessie. Ang ganda-ganda ng babae pumatol sa pangit. ‘Di rin naman mayaman,” dagdag ni Paula na isa ring talamak na tsismosa.

“Baka magaling sa kama!” natatawang sabat ng isa pang tsismosa habang bitbit ang walis tambong pinangwawalis sa tapat ng bahay nila.

Isang taon pa lamang magmula nang ikasal si Jay at Jessie. Doon sa Barangay Sto. Domingo sila nakabili ng bahay kung kaya’t wala silang gaanong kakilala. Gayunpaman ay marami naman ang may gusto sa kanila dahil sa galing nila sa pakikisama.

Sabado ng hapon at nag-iisa si Jay sa kanilang bahay. Tuwing Linggo at Lunes lamang kasi ang day off ng kaniyang misis na isang nurse sa pribadong ospital malapit sa kanilang bahay habang siya naman ay Sabado at Linggo ang day off.

Natigil ang lalaki sa panonood ng telebisyon nang makarinig ng katok mula sa harapang pintuan ng kanilang bahay.

“Sino ‘yan?” tanong ni Jay habang dahan-dahang binubuksan ang pintuan. Laking gulat niya nang bumulaga sa kaniya ang kapitbahay na si Nadia.

“O, Nadia? Napadaan ka? Wala ang misis ko rito,” saad ni Jay.

“Hindi naman siya ang hanap ko rito, eh. Ikaw ang sinadya ko. Puwede bang pumasok?” dirediretsong sabi ni Nadia.

Dala na rin ng hiya ay pinapasok naman agad ni Jay ang babae sa kaniyang bahay. Nang maupo ito sa kanilang sofa ay inalok niya pa ng inuming juice.

“Ayoko niyan. Ikaw. Ikaw ang gusto ko.” walang pag-aalinlangang sabi ni Nadia sabay sunggab kay Jay!

“Anong ginagawa mo? May asawa akong tao! At isa pa, may asawa ka rin!” sigaw ng nagpupumiglas na si Jay habang pilit siyang hinahalikan ni Nadia.

“Asawa ko? Walang kwenta ‘yon! Ikaw ang gusto ko. Ikaw!” dagdag ni Nadia habang patuloy na itinatapon ang sarili kay Jay.

Ginamit na ni Jay ang kaniyang lakas upang itulak at tuluyang patigilin ang babae sa kaniyang ginagawa. Tumalsik ito at napaupo sa sahig.

“Mas maganda pa ako kay Jessie, ah! At isa pa, pangit ka! Ang pangit, pangit mo. Hindi ko nga alam kung bakit ako nagkagusto sa’yo kaya bakit ang choosy mo? Ayaw mo ba sa’kin?!” nanggagalaiting sabi ni Nadia dala ng labis na pagkapahiya.

Natigilan ang dalawa sa pagbabangayan nang mapansin nilang kanina pa pala nakabukas ang pinto at nakasilip ang dalawang kapwa tsimosa ni Nadia na sina Paula at Jasmin. Kitang-kita nila kung paano ipagpilitan ni Nadia ang sarili niya sa lalaking nilalait-lait nila.

“Sinasabi ko na, eh!” sigaw ni Jessie na bigla na lamang pumasok sa eksena.

May CCTV pala sa loob ng kanilang bahay na napapanood ni misis sa kaniyang selpon. Nang makita ang pangha-har*ss ni Nadia sa kaniyang mister ay dali-dali itong umuwi.

“Kaya mo kami palaging tsinitsismis kasi may gusto ka sa asawa ko! Palibhasa iyong asawa mo hindi ka mahal! Aanhin mo ang gwapong asawa kung panay bisyo naman ang inaatupag? Siguro tigang na tigang ka na kaya pati asawa ko ay pinuntirya mo na!” dagdag ni Jessie sabay hablot sa mahabang buhok ni Nadia.

Magpapaliwanag at babaliktarin pa sana ni Nadia ang sitwasyon ngunit hindi na siya nakapalag nang kaladkarin siya ni Jessie palabas ng kaniyang bahay.

“Lumayas kayo rito kung hindi ay ipagkakalat ko sa buong barangay ang kahihiyang ginawa mo! Magsama-sama kayong mga tsismosa! Mga tsismosang inggitera!” sigaw Jessie sabay balibag ng kanilang pintuan.

Nang dahil sa nangyaring iyon ay unti-unting nabuwag ang samahan ng mga tsismosa. Hindi rin kasi makapaniwala ang dalawa sa ginawa ni Nadia. Naisipan nilang walang magandang maidudulot ang paggawa ng tsismis laban sa ibang tao kaya’t itinigil na nila ang pakikipagkaibigan kay Nadia.

Habang si Nadia naman ay bali-balitang nag-alsa balutan na at lumipat na ng tahanan. Sinubukan nga raw nitong isama ang kaniyang asawa ngunit hindi siya nito sinamahan! Natatawa na lamang ang mag-asawang Jay at Jessie sa kanilang nabalitaan.

Anila, sana’y naging leksyon iyon sa iba pang mga tsismosa sa kanilang lugar upang hindi na tularan.

Advertisement