Anim na taon na ang nakalipas nang sumakabilang buhay si Rodney, ang mister ni Beth. Lalo tuloy silang nalugmok sa kahirapan. Dati siyang GRO, tumino lang noong makapag-asawa pero ngayong biyuda na ay mukhang balik siya sa dating gawi.
Mas malala nga lang dahil ngayon ay wala nang bayad, kung sinu-sinong lalaki ang sinasamahan niya. Lulong rin siya sa alak at sigarilyo, kaya mainit ang ulo niyang uuwi sa barung-barong nila. Lalo na kung walang naibibigay na pera ang anak niyang si Janjan na ngayon ay labingtatlong taong gulang pa lamang. Pitong taon ito nang maulila sa ama.
“Nasaan ang kita mo?” mainit ang ulong wika niya, tanaw niya na kasi ang bata habang naglalakad ito palapit sa kanya. Hawak niya ang isang bote ng alak at gumegewang-gewang pa siyang sinalubong ito.
“W-Wala ho, Nay eh.”
“Ano?! Ano sabi mo?!” ulit niya. Di niya alam kung nabibingi ba siya dahil sa ingay ng mga nagsasakla sa burol na tinatambayan niya ngayon, o talagang tama ang rinig niya na walang uwing pera ang anak.
“M-Mahina ho eh, Nay, uwi na kayo. Lasing kana naman.”
Sa galit ay pinaltukan niya ang bata, “Ta’ntado ka talaga eh no? Siguro lalampa-lampa ka kaya hindi ka nakakasampa sa jeep! Gunggong ka eh! Sana hindi ka umuwi nang walang dala!” malakas na wika niya. Walang pakialam sa mga kapitbahay na napapailing nalang dahil sa pananakit niya sa bata.
Sa lahat naman ng nanay, siya itong kakaiba. Dahil siya pa ang nagturo sa anak ng lahat ng kalokohan para lang kumita. Wala siyang pakialam kung sa paanong paraan, basta makakuha ito ng pera.
Nariyang tinuruan niya itong magpabangga kunwari sa magagarang sasakyan tapos ay magpapa-areglo kapalit ng ilang libo, minsang manghablot ng bag sa palengke, at ito ngang latest, sumasampa sa jeep na umaandar at bigla na lamang mangunguha ng cellphone at hikaw.
“Beth, tigilan mo yan. Ayusin mo nga ang buhay mo.”
Nagulat ang babae sa pamilyar na boses na iyon, unti-unti niyang nilingon ang nagsalita sa likod ng bata.
“R-Rodney?” di makapaniwalang wika niya.
Nabitiwan niya pa nga ang hawak na bote ng alak. Titig na titig siya sa mister.
“Anak ng pucha, lasing na talaga ako…” bulong niya pero nangingilid ang mga luha.
Muling gumuhit ang pamilyar na sakit na kanyang naramdaman anim na taon na ang nakalipas. Imposible ito, hindi ba’t siya pa ang huling naghagis ng rosas na bigay ng funeraria bago ilibing si Rodney noon? Kitang kita niya kung paano simentuhan ng mga sepulturero ang ataul nito. Nanatili pa nga sila ni Janjan hanggang maikabit ang lapida.
“Beth, si Janjan nalang ang kayamanan natin, bakit mo siya ginanito?”
Napaupo sa kalsada ang babae, “S-Sorry. Gulung-gulo ako eh, hindi ko alam kung paano kung wala ka. Sorry..” umiiyak na wika niya. Lalo siyang napahagulgol nang tumalikod ang mister at naglakad palayo akay ang kanilang anak.
“Rod, Janjan!” tawag niya. Tatayo pa sana siya pero unti-unting nagdilim ang kanyang paningin, kasunod noon ay nawalan siya ng malay.
“Beth,” nahimasmasan ang babae nang maramdaman ang marahang tapik sa kanyang mukha. Naaninagan niya si Aling Mely, kapitbahay nila. Nakatitig ito sa kanya, ganoon rin ang ibang kapitbahay na pinapaypayan pa siya. Nang mapansin ng mga ito na dilat na ang babae ay inabutan siya ng isang basong tubig.
“Ayos kana ba? Sinabi na kasi sa iyo, tigilan mo na iyang paglalasing. Dumating kanina iyong tauhan ng funeraria, kami na ang kumausap. Alas diyes ang libing ni Janjan bukas ‘di ba?”
Doon tila sinampal ng katotohanan ang ginang. Paulit-ulit sa isip niya ang sinabi ng kapitbahay.
Libing ni Janjan, libing ni Janjan. Ililibing na si Janjan, ang kaisa-isang anak niya. Ang kanyang si Janjan na nagpakatatag noong mawalan sila ng haligi ng tahanan. Ang kanyang si Janjan na nanatiling nariyan at pinapangiti siya kahit pa ito ay nawalan rin naman.
Napatakbo siya sa ataul at tuloy-tuloy na pumatak ang luha sa ibabaw noon. Payapang nakahiga ang kanyang anak.
Isang Linggo na ang nakalipas, may hinablot na bag si Janjan sa isang jeep habang nasa stop light, sakto namang signal na mag-‘go’ na ang mga sasakyan habang patawid ang siya kaya nabundol ng rumaragasang truck.
Kaya ganoon na lamang ang pagkadurog ng puso ni Beth, ni hindi na umabot na buhay sa ospital ang kanyang anak. Lalo niyang nilunod sa alak ang sarili, kaya nga kahit burol nito ay lango siya. Pilit pinagtatakpan ang matinding sakit at pagsisisi.
“Nak, patawarin mo ako. Patawarin mo ang nanay…” hagulgol niya. Nakaluhod na ngayon sa harap ng kabaong ni Janjan.
Alam niya naman, na kahit na anong pagmamakaawa niya ay hindi na maibabalik pa ang buhay ng kanyang anak.
Impit na napapaiyak nalang rin ang mga kapitbahay habang nakamasid sa ginang na halos maglupasay na. Hiling nalang nila sa Panginoon na sana, sa pagkakataong ito ay magising na si Beth at ayusin ang buhay niya.