Isang buwan na lang at kaarawan na ng anak ni Athena, kasabay na rin nito ang pagpapabinyag sa bata. Halos anim na buwan niya ring pinaghandaan ang paparating na okasyon, bukod kasi sa pagdiriwang ng kaniyang anak, ngayon lamang din siya makikihalubilo sa mga dating kaibigan, kaklase at dating katrabaho na gusto niyang imbitahan.
“Mommy, mga nasa singkwenta ang magiging bisita ko. Nakapagkumbida ka na ba ng mga bisita mo?” tanong ni Allan, ang asawa ng babae.
“Oo, ‘tay. Kaunti lang naman ang mga pupunta, mga kaibigan ko lang saka yung mga kinuha kong ninong at ninang,” sagot niya sa mister habang karga ang kanilang anak.
“Ahm, mommy, pwede ba akong humingi ng pabor sa’yo? Pwede bang kapag nandoon ang mga katrabaho ko ay daddy na lang ang itawag mo sa akin. Ayaw ko kasi talaga ng ‘tatay’, alam mo naman iyan,” pahayag ng kaniyang mister. “I’ll go to work na ha? may meeting pa rin ako. I love you!” dagdag pa ni Allan saka hinalikan ang kaniyang asawa. Sinagot naman kaagad ito ng halik ng babae at pinabaunan ng dasal ang kaniyang mister.
Malaki ang pinagbago ng buhay niya simula nang mapangasawa niya si Allan. Sekretarya lamang kasi siya noon ng tatay ni Allan sa opisina, tipikal na dalagang nagtratrabaho upang mabuhay at makatulong sa pamilya, ngunit nasungkit niya ang puso ng tagapagmana.
Kaya mula sa lusak ay biglang ahon ang pamumuhay ni Athena, mala-Cinderella nga raw ang kaniyang kwento at dagdag pa ang walang kontrabida sa pamilya ni Allan kaya naman labis na kinaiingitan ang babae.
Ngunit kung gaano kaganda ang tingin ng lahat sa kaniyang buhay ay siya namang kabaligtaran ng kaniyang nararamdaman. Aminado naman siyang may lamang iba ang puso niya bago pa man nakilala si Allan at akala niya’y makakalimutan na lang niya iyon sa paglipas ng panahon lalo na nang mag-asawa na siya.
Mas naging praktikal kasi ang desisyon niya noon na unahin ang magandang kinabukasan kaysa sa puso. Pero hindi ito nangyari, dahil habang tumatagal ay tila lumalamig ang pagsasama ng dalawa. Lalo pa nga noong nanganak na siya at naiwan na lamang sa bahay.
Sumapit na nga ang kaarawan ng kaniyang anak, dumating ang kaniyang mga kaibigan at katrabaho ni Allan.
“Sige na, puntahan mo na. Wala namang masama kung mag-uusap kayo saka ng dami namang tao,” saad ni Raena, matalik na kaibigan ni Athena.
“Sa tingin mo ba ay hindi ito kataksilan kay Allan?” tanong ni Athena sa kaibigan.
“Anong kataksilan ka riyan?! Lalapitan mo lang ‘yung tao kasi kaibigan mo naman ‘yun dati. Sige na, ako na bahala sa’yo,” pilit pang muli ni Raena saka madahang tinulak ang kaibigan.
“Hello,” maiksi niyang bati.
“Uy, kamusta ang buhay may asawa? Kumusta ka?” tanong ni Gabriel. Ang lalaking matagal nang minamahal ni Athena, ang lalaking unang nakahawak ng kaniyang kamay noong sila ay nasa hayskul pa lamang. Ang unang lalaking bumihag sa kanyang puso at ang unang lalaking hindi niya naipaglaban. Ang unang pag-ibig ni Athena…
Saglit niyang tinitigan ang lalaki, hindi muna siya nagsalita. Tinitigan lamang niya ang mga mata nito, ang ilong at ang buong detalye ng mukha nito. Halos tatlong taon na rin nang huli niyang makita si Gabriel.
“Ayos naman, masaya. Ikaw, kumusta ka?” tanong ni Athena sa lalaki.
“Ito, single pa rin. Nagtratrabaho,” natatawang sagot ng binata sa kaniya.
Nagtama na ang kanilang mga paningin at lumuwag ang hangin sa kanilang paligid. Nag-usap ang dalawa na para bang kahapon lamang sila hindi nagkita, naramdaman ni Athena na hindi pala talaga sila nagbago.
Ang dami nilang napag-uusapan, na-miss niya ang ganitong pakiramdam. ‘Yung hindi nauubusan ng salita, ‘yung tuloy-tuloy ang kausap niya, ‘yung tawa na hindi niya dinaraya, lahat ng ito ay ngayon lamang niya ulit naramdaman.
At hindi niya maiwasang isipin at ikumpara ang kaniyang mister na sobrang seryoso, na tamang usap lamang ang kanilang ginagawa. Tamang kumustahan at diskusyon, palagi niyang binabantayan ang bawat salita na lalabas sa kaniyang bibig. Bawat kilos na baka ikapahamak ng kaniyang mister.
“Ito ba ang pinagpalit ko?” isip-isip ng dalaga.
“Bakit hindi naging tayo?” bigkas niya. Halatang nagulat si Gabriel sa tanong ng babae, saglit siyang napalunok ng laway pero hindi na niya binawi, dahil matagal na rin namang tanong niya iyon sa kaniyang isipan.
“Kasi hindi pa ako handa noon, hindi kita niligawan kasi alam kong hindi natin kaya. Mahirap lang tayo, nag-aaral. Parang hindi ko kayang sirain ‘yung pangarap mo para lang mahalin mo ako. Hindi ako magiging masaya na magiging miserable tayo kapalit ng pag-ibig.
Aminin na natin na masaya ang ganito, pero hindi ito ang totoong buhay e, kapag wala tayong pera hindi tayo magiging masaya. Love cannot and will never keep us alive,” seryosong sagot ni Gabriel habang nakatingin ito sa kaniyang mga mata.
“Mas mahal kita para pakawalan ka at maging maayos ang buhay sa iba, kaysa nasa akin ka at magiging mahirap tayong parehas. Tignan mo naman ako, hanggang ngayon ay hindi pa rin makahiwalay sa magulang,” sabay tawa ng lalaki.
“Kaya kung ano man ang buhay na meron ka ngayon, may mga araw man na hindi magiging masaya ay huwag kang magpapadala. Lagi mong tignan ang positibong bagay sa buhay, lahat ng bagay natututunan. Kahit ang puso, masaya ako na maayos ka ngayon, Athena,” dagdag pa ni Gabriel saka marahang hinaplos ang pisngi ng babae.
Hindi napigilan ni Athena ang kaniyang mga luha, pumatak ito sa mga daliri ni Gabriel. Ang una at huling luha na naipakita niya sa lalaking totoong laman ng kaniyang puso. Ngumiti siya sa lalaki nang marinig niya ang isang boses,
“Ma-ma,” sabi ng kaniyang anak na paparating na sa kanilang kinatatayuan.
Mahal nga talaga niya si Gabriel, ngunit tama ang lalaki, hindi parating masaya ang buhay at kung ano man ang meron siya ngayon ay hindi niya ito pinagsisisihan. Lalo na ang kaniyang anak.
Nagpasalamat na si Athena sa kaniyang mga kaibigan, kasabay din nito ang nabunot na malaking tinik sa kaniyang puso. Ngayon alam na niyang hindi nasayang ang pag-ibig nila ni Gabriel, dahil mas pinili nila ang tama. Ngayon ay patuloy na nabubuhay ang dalawa sa kani-kaniya nilang mundo. Mas lumalaban at mas pinipiling tignan ang masasayang bagay sa buhay.
“Im