Naiinis ang nanay na si Minda sa sobrang kakulitan ng kanyang bunsong anak na lalaki. Dalawang taong gulang lamang ito pero kung ilarawan ni Minda ay tila apat na bata ang katumbas niya.
“Ano ka ba namang bata ka! Nariyan ka na naman sa itaas ng mesa! Hay, ilang beses ko ba sasabihin sa’yo, anak, huwag ganyan!” nagpipigil ng galit na saad ni Minda sa kanyang anak.
Dahil nga bata pa, hindi pa nito naiintindihan ang mga sinasabi ng ina. Kahit makailang beses kasi niyang pagsabihan ang batang si Jun-Jun ay patuloy pa rin ang bata sa kanyang mga ginagawa.
“Walang katigil-tigil ang batang ito sa panggugulo. Hindi ako makatapos ng mga gawain ko dahil ‘pag nagliligpit ako sa banda rito ay banda riyan naman siya magkakalat!” pagrereklamo ni Minda sa kanyang asawang si Rudolf.
“Hayaan mo na at bata iyan. Pasasaan pa at malalaman din niya ang tama at mali,” tugon ni Rudolf. “Ano naman ang gusto mong gawin niya sa kanyang murang edad?” dagdag pa ng asawa.
“Ang sinasabi ko lamang, Rudolf, ay napapagod na ako. Hindi naman pwedeng hindi ko linisin ang mga ito dahil napakalat. Naaalibadbaran ako!” naiinis na tugon ni Minda. “Bakit naman iyang panganay nating si Candy, hindi naman ganyan kalikot ‘yan nung bata pa siya. Ibang klase talaga itong si bunso natin, Rudolf! Noong isang araw akalain mo ba namang pagpipindutin niya ang lalagyanan ng bigasan, ayun, natapon ang bigas!” dagdag pa ng babae.
“Naku, Minda, dapat ay hindi maalis sa tingin mo si Jun-Jun sapagkat baka kung ano ang mangyari sa batang iyan!” pag-aalalang wika naman ng asawa.
Kinabukasan ay patuloy pa rin sa paglilinis si Minda. “Candy! Candy!” pasigaw na tawag ni Minda sa panganay na anak. “Bumaba ka muna rito at bantayan mo saglit itong kapatid mo, magsasampay lang ako ng mga damit!” utos niya sa anak.
“Saglit lang po, Ma! Malapit na po akong matapos sagutan ang aking takdang-aralin. Maya-maya po ay bababa na po ako riyan,” tugon naman ng anak.
Habang akmang ilalabas sana ni Minda ang mga damit na sampayin ay may narinig siyang galabong. Nabasag ni Jun-Jun ang plorera na nakapatong sa kanilang lamesita. “Hay naku! Wala ka talagang tigil bata ka! Pagkalikot-likot mo!” galit na wika ni Minda sa kanyang anak.
Dali-daling iniakyat ni Minda ang kanyang bunsong anak sa silid ni Candy. “Pinabababa kita riyan upang bantayan mo ang kapatid mo, puro ka teka! Nabasag tuloy niya ang plorera,” pinagalitan ni Minda ang panganay na anak. Agad naman niyang nilinis ang mga bubog mula sa basag na plorera.
“Malapit ko nang mapagbuhatan ng kamay ‘yang mga anak mo, Rudolf. Akala ata ninyo ay makina ako at hindi napapagod sa mga gawaing bahay dito. Aba! Madaling araw pa lamang ay gising na ako para pagsilbihan ka! Pagka-alis mo naman papuntang trabaho ay si Candy naman ang aasikasuhin ko. Wala na akong nagiging pahinga sa pamamahay na ito sapagkat tuloy-tuloy ang gawain,” pagrereklamo ni Minda sa kanyang mister.
“Pagpasensyahan mo na, Minda, ang mga bata. Maliliit pa ‘yang mga yan. Tayo naman ang may gusto na magkaanak tayo hindi ba? Hindi naman nila hiniling na mapunta sila sa atin. Magsisilakihan rin yang mga yan at pag dumating ang araw na ‘yon ay mami-miss mo naman ang kanilang kakulitan,” pag-alo ni Rudolf sa kanyang misis.
“Ewan ko sa iyo! Wala ka kasi dito lagi sa bahay kaya mo nasasabi ang mga bagay na ‘yan. Hindi ikaw ang napapagod sa kakalinis, kakaluto at kakaasikaso,” muling hirit ni Minda.
“Pagod din naman ako sa kakatrabaho. Hindi naman ako nagpapahinga lang doon sa trabaho ko. Kung ako sa’yo ay hindi na ako magagalit. Tignan mo tumatanda na ang hitsura mo!” nangbubuyong tugon ng mister.
Hapon ng kinabukasan ay isinama ni Minda si Jun-Jun upang sunduin sa eskwela si Candy. Dahil nagpupumiglas na magpababa ang bunsong anak ay hinayaan na lamang ito ni Minda na maglakad. Hindi sila makapaglakad ng maayos sapagkat ayaw magpahawak ni Jun-Jun. “Anak, ano ka ba naman! Baka mamaya ay masagi ka ng mga dumadaan na sasakyan! Humawak ka sa nanay! Ang kulit-kulit mo!” naiinis ng sambit ni Minda.
Ngunit ayaw pa rin magpapigil ng bata. Kaya kanya na itong sinigawan at pinalo. “Sinabi ko na sa’yo ‘di ba! Humawak ka sa akin!” sambit niya habang umiiyak ang anak.
Sa ‘di kalayuan naman ay nadaanan nila ng isang mag-ina na nasa tapat ng kanilang tahanan. Hindi naiwasan ng ginang na sabihan si Minda tungkol sa pagsigaw at pagpalo nito sa kanyang anak. “Ale, huwag ninyo na pong paluin ang anak ninyo. Alam ko po na kadalasan ay nakakainis talaga ang ating mga anak sapagkat sila ay makukulit. Pero alam ninyo po ba na gagawin ko ang lahat upang tumayo sa inyong kalagayan,” pahayag ng babae.
Natigilan si Minda sa sinabi ng ginang. “Tignan ninyo po ang anak ko,” sabay pakita ng babae sa anak niyang nasa wheelchair. “Anim na taon na siya ngunit kahit kailan ay hindi pa siya nakalakad. Maswerte ka at ang anak mo ay masigla at walang karamdaman. Imbis na iyan ay kainisan mo, ipagpasalamat mo na siya ay nakakatakbo at hindi nanghihina,” dagdag pa niya.
Lubusang nahiya si Minda sa kanyang ipinakitang ugali. Tama nga naman ang babae sapagkat maswerte siya na ang kanyang anak ay masulog at walang iniindang karamdaman. Mula noon ay hinabaan na lamang niya ang kanyang pasensya. Ipinagpasalamat na lamang niya ang kakulitan ng kanyang anak.
Minsan masyado tayong nakatuon sa mga bagay na umuubos ng pasensya at nagdudulot ng galit sa atin, nakakalimutan natin ang mga bagay na mayroon kaloob sa atin na dapat nating ipagpasalamat. Nawa’y sa bawat nangyayari sa ating buhay ay matutunan nating magpahalaga at magpasalamat sa lahat ng bagay.