Inday TrendingInday Trending
Nang Dahil Sa Isang Liham

Nang Dahil Sa Isang Liham

Pagkagising na pagkagising ni Gemma ay dali-dali na siyang lumabas ng kanilang tahanan upang tignan ang laman ng kanilang mailbox. Naging tradisyon na kasi ng kanyang Kuya Jonel na padalhan siya ng liham tuwing kanyang kaarawan.

Naiwang nag-iisa kasi ang kanyang nakatatandang kapatid sa Sorsogon nang makapagdesisyon sila Gemma at ang kanyang asawa na lumipat na ng Maynila. Wala na rin ang kanilang mga magulang kaya mag-isa na lang na naninirahan sa naiwang tahanan si Jonel. Maagang nagretiro si Jonel sa kanyang pagiging guro upang matutukan ang maliit nilang sakahan.

Matagal-tagal na ring hindi nagkikita ang magkapatid kaya ganoon na lamang ang tuwa ni Gemma nang makita niya ang liham. Ngunit nang kanya itong mabasa ay hindi niya maintindihan kung bakit may kakaiba siyang nararamdaman.

“Mahal, tignan mo nga ‘tong sulat na ‘to ni Kuya sakin. Hindi ko alam kung bakit pero may kakaiba, parang mayroong hindi tama,” wika ni Gemma sa kanyang asawang si Neil sabay abot ng liham.

“Wala naman akong makitang kakaiba sa liham ng Kuya mo. Ano ba ang nararamdaman mo?” tugon naman ni Neil pagkatapos tignan ang liham.

“Hindi ko alam. Para kasing hindi ‘yan sulat ng Kuya ko,” wika ni Gemma. “Parehas naman ng sulat, ah? Hindi kaya dahil sa matagal na kayong hindi nagkikita ng Kuya mo? Baka naman nami-miss mo lang siya,” sambit ng kanyang mister. “Siguro nga ganoon lang,” pag-aalala ni Gemma.

Hindi parin lubusang maialis ni Gemma ang kanyang pagkabalisa sa natanggap na liham mula sa kanyang nakatatandang kapatid. Nadagdagan ang kanyang pag-aalala nang hindi sumasagot si Jonel sa kaniyang tawag.

“Huwag ka ng mag-alala sa kuya mo. Baka naman abala lang ‘yon sa sakahan. Wala ka bang kilalang kapitbahay man lang ninyo doon sa probinsya na pwede mong tawagan?” pag-alo ni Neil sa kanyang asawa.

“Wala eh. Sa tagal ng hindi ko pag-uwi doon, malamang nagbago na rin ng numero ang aming kapitbahay. Sinubukan ko kasi kaninang tawagan, ngunit hindi ako maka konekta,” nag-aalalang sagot ni Gemma.

“Kalimutan mo muna ‘yan at kumain na tayo. I-enjoy mo muna ang iyong kaarawan. Maya-maya ay tatawag din ‘yang kuya mo,” sambit naman ni Neil.

Pinilit na lamang ni Gemma na ituon ang kanyang isipan sa nagaganap na munting salu-salo para sa kanyang kaarawan. Nang matapos ang kasiyahan ay agad niyang naisip na pagkumparahin ang mga dating sulat ng kapatid at ang sulat na katatanggap pa lamang niya. Hawig na hawig ang paraan ng pagsulat ng mga ito. Ngunit hindi mabatid ni Gemma kung saan nanggagaling ang pag-aalala na kanyang nararamdaman.

“Halos wala namang pinagkaiba ang sulat ni Kuya mula sa mga sulat niya noon. Kaso ang pinagtataka ko ay bakit kaya hindi pa rin niya sinasagot ang mga tawag ko?” sambit ni Gemma sa kanyang sarili. Kinaumagahan ay nakatanggap si Gemma ng text mula sa numero ng kanyang kapatid.

“Sensya ka na d aq naksagot khapon. Bc sa sakahan. Mligayng kaarawan sau!”

Nang mabasa niya ang text message na ito agad siyang nag desisyon na tumungo ng Sorsogon upang kitain ang kanyang kapatid.

“Bakit naman dali-dali kang nag desisyon na umuwi sa probinsya? Ano ba ang problema?” tanong ni Neil habang sinusundan niya ang nag-eempakeng asawa.

“May mali, Mahal. Sigurado na ako sa pagkakataon na ito. Baka nasa masamang kalagayan ang kapatid ko!” nag-aalalang sambit ni Gemma sa asawa.

“Tignan mo to! Basahin mo!” patuloy ang pagkataranta niya habang iniaabot ang kanyang telepono sa asawa. Binasa ng kanyang asawa ang text message.

“O ano ang problema? Sinabi nang abala nga daw siya sa sakahan. Anong nasa masamang kalagayan ang sinasabi mo riyan?” wika ng mister habang pinipigilan si Gemma sa kanyang balak.

“Hindi mo ba nabasa? Hindi ganyan mag-text ang kuya ko! Hindi sa kanya galing ang mensaheng iyan. Dating guro ang kuya, Mahal. Hindi siya ganyang mag text. Palaging buo ang mga salita at tama ang mga letra!

Kaya payagan mo na ako. Hindi ko talaga makakaya kung may mangyayaring masama sa kuya ko. Baka mamaya ay hawak na siya ng sindikato o hindi naman kaya ay may taong nagpapanggap na siya. Hindi ko alam! Basta ang alam ko lang ay nasa panganib siya at kailangan niya ako!” nagpatuloy sa mabilisang pag-eempake si Gemma.

“Kung hindi ka papipigil ay sasamahan na lamang kita,” sambit naman ni Neil.

Agad nagtungo ang dalawa sa probinsiya ng Sorsogon. Kumakabog ang dibdib ni Gemma sa kaba sa pag-iisip na baka may masamang nangyari sa kanyang kapatid. Nang makarating sila sa kanilang bahay ay laking gulat niya na madatnan ang isang lalaki.

“Sino ka! Anong ginawa mo sa kapatid ko?!” galit na wika ni Gemma sa lalaki. Agad namang sumugod si Neil upang sapakin ang lalaki, ngunit napigilan ito ng magmakaawa ang lalaki.

“Saglit lang. Maawa ka. Wala akong ginagawang masama!” takot na wika ng lalaki.

“Asan ang kuya ko? Anong ginawa mo sa kanya?” sambit muli ni Gemma. “Ako si Emer. Kinuha ako ng iyong kapatid upang kanyang maging tagapangalaga,” nanginginig sa kaba ang lalaki.

“Anong tagapangalaga ang sinasabi mo riyan? Asan ba ang kuya ko?!” halos magwala na si Gemma sa galit at pag-aalala.

Dinala ni Emer ang mag-asawa sa isang silid. Bumungad sa kanila ang nakaratay na katawan ng nakatatandang kapatid. Dali-daling lumapit si Gemma.

“Anong nangyari sa kuya ko?” tanong niya kay Emer habang hawak niya ang kamay ng kanyang Kuya Jonel.

“Ilang buwan na rin ang nakakalipas ng bigyang na lang ma-stroke ang iyong kapatid,” kwento ni Emer. “Lahat kami rito ay lubusang nag-aalala. Gusto ka naming tawagan ngunit nagpumilit ang kuya mo na itago sa iyo sapagkat ayaw raw niyang makita mo s’ya sa ganitong kalagayan.

Ayaw niyang mag-alala ka. Pinilit kong gayahing ang sulat niya alinsunod na rin sa kuya mo. Mariin niyang ipinagbilin noon na ayaw niyang makagambala sa pagbuo mo ng iyong pamilya kaya inilihim niya sa’yo ang nangyari sa kanya. Kaso, unti-unti na siyang nanghina hanggang sa hindi na siya tuluyang makapagsalita. Maraming beses ko nang tinangka na tawagan ka upang ipaalam ko sa’yo kaso naiisip ko ang pangako ko sa kapatid mo.” payahag ng binata.

“Kuya! Si Gemma ‘to. Nandito na ako. Ako na ang mag-aalaga sa’yo!” umiiyak na sambit ni Gemma. Agad nilang dinala ang kanilang Kuya Jonel sa ospital upang muling masuri ng mga espesiyalista. Minarapat na rin nila na dalhin sa Maynila ang kapatid upang doon na magpagaling.

Inalagaan ni Gemma ang nakatatandang kapatid hanggang sa unti-unti ng bumalik ang lakas nito. “Kuya, nang mabasa ko ang liham mo ay agad kong nadama na may mali sa’yo at nang hindi kita makontak ay lubusan ang aking pag-aalala. Ikaw ang nag-iisa kong kapatid at hindi mo maiaalis sa akin na mangamba para sa’yo. Kaya sana sa pagkakataon na ‘to, kung may nararamdaman ka ay agad mo itong ipaalam sa akin. Aalagaan kita tulad ng pag-aalaga mo rin sa akin noon,” saad ni Gemma sa kanyang kapatid.

“Patawarin mo ako, bunso. Akala ko kasi ay agad akong gagaling. Maraming salamat sa pag-aalaga mo sa akin. Wala pala talaga akong maililihim sa’yo,” nakangiting tugon ng kanyang Kuya Jonel.

Hindi naglaon ay tuluyan ng gumaling ang kanyang Kuya at bumalik na ng Sorsogon. Patuloy na ang kanilang naging komunikasyon. Madalas na ring umuwi ng probinsya si Gemma at minsan naman ay dumadalaw-dalaw sa kanya ang kanyang kuya sa Maynila. Hindi pa rin naputol ang kanilang tradisyon sapagkat taon-taon, tuwing kaarawan ni Gemma ay nakakatanggap pa rin siya ng liham mula sa kanyang nakatatandang kapatid na si Kuya Jonel.

Advertisement