Inday TrendingInday Trending
Paanong Nagkaganoon Ang Sinapit ng Buhay Ko?

Paanong Nagkaganoon Ang Sinapit ng Buhay Ko?

“Mahal, kailangan ba talaga lumawas ka pa ng Maynila? Hindi ba pwedeng dito ka na lang maghanap ng trabaho? Okay naman dito sa atin, ‘di ba?” mga katanungan ni Joel sa kasintahang si Brenda.

“Mas madali kasi akong makaka-ipon doon. Alam mo naman yung pangangailangan namin ngayon ‘di ba? May sakit ang nanay ko. Si tatay naman kahit natutulungan ni kuya sa pagsasaka ay hindi pa rin naman sumasapat ang kinikita nila. Kaya nagpasya na akong tulungan sila, Mahal. Desidido na ako. Kaya kung pwede lang sana ay suportahan mo na lang ako sa gagawin kong ‘to” tugon ng dalaga sa kanyang nobyo.

Matagal-tagal na rin ang relasyon ng dalawa. Si Joel ay malapit ng magtapos sa kanyang kursong Engineering sa isang unibersidad sa kanilang bayan. Anak ng magsasaka lamang din si Joel at ang scholarship na nakuha niya ng magtapos ng hayskul ang kanyang naging kaakibat upang makapagpatuloy sa kolehiyo.

Hindi naman na nakatapos ng hayskul si Brenda. Salat kasi sila sa buhay at kailangang may maiwan sa kanyang ina upang mag-alaga habang nasa sakahan ang kanyang ama at kapatid. Sa hirap ng kanilang buhay ay nagdesisyon siya na kuhain ang alok ng isang kakilala na maging isang kasambahay sa Maynila.

“Kahit paano ay maiaabot-abot ako sa aking pamilya. Ang pangarap ko talaga ay umalis na sa ganitong buhay. Nakakasawa na maging mahirap!” wika ni Brenda sa kanyang nobyo.

Tila nanliit naman sa kanyang sarili ang binata sapagkat alam niya na sa ngayon ay wala pa siyang maitutulong sa kasintahan. “Hayaan mo, Mahal, malapit na akong makapagtapos. Kapag ako ay isang ganap nang inhinyero at may maganda nang trabaho, susunduin kita sa Maynila at hindi mo na kailangan pang maging isa pang kasambahay,” taos sa puso ni Joel ang kanyang sinabi.

“Kaya bilisan mo magtapos at maging inhinyero, Mahal!” natatawang tugon naman ng dalaga.

Isang linggo ang nakalipas at tuluyan na ngang lumuwas patungong Maynila si Brenda. Doon ay pansamantalang naging kasambahay siya hanggang makausap niya si Janice, ang babaeng madalas tumambay sa tindahan na malapit sa kanyang pinagtatrabahuhang bahay.

“Alam mo, Brenda, makinis at may itsura ka. Parang hindi tama na isang kasambahay ka lang. Magkano lang ang kinikita mo d’yan?” tanong ng babae habang humihithit ng sigarilyo, isang umaga.

“May apat na libo ako kada katapusan na naipapadala ko sa amin. Hindi man kalakihan ‘yon, pero malaking tulong na para sa gamot ng nanay kong may sakit saka panggastos sa bahay namin,” tugon naman ni Brenda habang nagwawalis ng bakuran.

“Hay naku! Apat na libo lang? Tapos lahat ng gawain ay sa’yo pa? Parang ang liit naman yata,” sabay hithit muli ng babae sa kanyang sigarilyo. “Yang apat na libo na sinabi mong ‘yan ay kadalasang kita ko lamang sa loob ng isang gabi, alam mo ba ‘yun?” pagmamalaki ng dalaga. “‘Wag mong sayangin ang ganda at kabataan mo sa pagiging kasambahay lang. Kung gusto mong kumita ng mas malaki ay sabihan mo lang ako,” pag-aalok ni Janice sa dalaga.

Napaisip naman si Brenda sa tinuran ng babae sa kanya. Madalas kasi niyang makita na ibat-ibang magagarang sasakyan ang pumaparada sa bahay ng dalaga. Madalas rin ay makitaan niya ito ng bago at mamahaling kagamitan tulad ng selpon, alahas, bag at palaging maganda ang postura nito.

Habang malalim ang kanyang iniisip ay tumawag ang kanyang nobyong si Joel. “Mahal, kumusta ka na d’yan? Okay ka lang ba? Mahirap ba ang nagiging trabaho mo?” sunud-sunod na tanong ni Joel mula sa kabilang linya ng telepono.

“Okay naman ako dito, Mahal. Wala namang problema. Mahirap man minsan ang trabaho ay kinakaya ko naman, kasi mas mahirap ang buhay natin d’yan,” tugon ng dalaga.

“Mag-iingat ka d’yan lagi, Mahal, at ‘wag mong pababayaan ang sarili mo. Hayaan mo, hindi ko nakakalimutan ang pangako ko sa’yo konting tiis na lang,” wika ni Joel.

Panandalian silang nag-usap hanggang sa ibinaba na nila ang telepono “Sige na, Mahal, kailangan ko nang ibaba ‘tong telepono. Matutulog na ako kasi maaga pa ako bukas,” sambit ng dalaga sa kanyang nobyo.

Nang maibaba ang telepono ay hindi pa rin tuluyang nagpahinga si Brenda. Iniisip pa rin niya ang sinabi sa kanya ni Janice. “Ayoko na maging mahirap. Patulan ko na kaya yung sinasabi ni Janice. Mas malaki ang sweldo, mas madali akong makakaahon sa kahirapan,” sambit niya sa sarili.

Kinabukasan, habang nagwawalis siya sa may tarangkahan ay palihim na inaabangan ni Brenda si Janice. Nang makita niya ito ay agad niyang kinausap ang dalaga sapagkat nakapag desisyon na siyang lisanin ang pagiging kasambahay at patulan ang inaalok nitong trabaho.

“Sigurado ka na ba?” wika ni Janice.

“Oo, gagawin ko ang lahat para maging maayos ang buhay namin,” buong loob na tugon naman ni Brenda.

Dinala ni Janice si Brenda sa isang bar sa Malate upang maging isang entertainer. Labag man sa kalooban ni Brenda, wala siyang magagawa sapagkat ang nasa isip lamang niya ay magkaroon ng maginhawang buhay.

Sa loob ng isang taon ay naging ganito ang ang kanyang trabaho. Naging matunog ang pangalan ni Brenda sa buong Malate. Kaliwat-kanan ang mga lalaking gusto siyang matabihan at maikama. Tulad ng kanyang nais, mas malaki na ang naipapadala niya sa kanyang pamilya sa probinsya, ngunit hindi pa ito nagtatagal ay tuluyan ng binawian ng buhay ang kanyang inang may sakit. Tuluyan na rin niyang nakalimutan ang kanyang kasintahang si Joel.

Samantala, si Joel naman ay ginawa ang lahat upang makapagtapos at maging isang ganap na inhinyero. Pinili ng binata na makapagtrabaho rin sa Maynila upang mahanap ang kanyang kasintahan. Bali-balita kasi sa kanilang bayan ang trabaho ngayon ni Brenda.

Hindi niya inaasahan na sa isang bar niya makikita ang dating nobya. “Brenda…” marahang sambit ng binata.

Nagulat naman si Brenda sa kanyang nakita. “A-anong ginagawa mo rito?” nauutal na tugon ng dalaga.

“Sadya kitang hinanap kasi hindi ka na nagparamdaman sa’kin. Tila nakalimutan mo na ako. Narito lang ako para tuparin ko ang pangako ko sa’yo,” halata ang pagkasabik ng binata sa kanyang kasintahan.

“Marami ng nagbago, Joel. Hindi na ako ung dating Brenda na nakilala mo! Pwede sana umalis ka na! Ayoko nang balikan yung dating buhay na meron ako. Pabayan mo na ako!” saad ng dalaga.

“Bigyan mo lang ako ng konting panahon, Brenda, maibibigay ko sa’yo lahat ng gusto mo. Nakahanap na ako ng trabaho dito sa Maynila. Sumama ka na sa’kin at iwan mo na ‘tong trabaho mo!” pagpupumilit ni Joel.

“Umalis ka na, Joel! Tigilan mo na ako parang-awa mo na!” pag giit naman ni Brenda sa lalaki.

“Kita mo ba yang gusaling iyan?” sabay turo ng dalaga sa isang mataas at magarang hotel. “Halos gabi-gabi akong d’yan natutulog. Bumalik ka na lang dito Joel kung kaya mo ng ibigay sa’kin ang mundo,” pagtatapos ng dalaga. Hindi nakaimik si Joel at malungkot na nilisan ang bar.

Ilang buwan ang nakalipas, napagdesisyunan ni Brenda na tuluyan nang sumama sa isang mayaman parokyano na pinangakuan siya ng mas marangyang buhay. Itinira siya nito sa isang magarang bahay at binigyan ng ibat-ibang uri ng sasakyan. Ang akala ni Brenda ay naka-jackpot na siya sa lalaking ito. Hindi naglaon ay lumabas ang totoong kulay ng lalaki.

“Tama na! Tama na! Dante, parang awa mo na, huwag mo na kong saktan!” sigaw ni Brenda habang binubugbog siya ng lalaki. “Kung sumusunod ka sa akin ay hindi ka makakatikim niyan!” galit na tugon naman ng lalaki habang patuloy na pinagsisisipa ang maliit na katawan ng dalaga.

Hindi pa dito natapos ang pangmamaltrato ng kinakasama. Halos gabi-gabi siyang inaaya ng lalaki na samahan siyang gumamit ng pinagbabawal na gam*t. Hindi naman makatanggi si Brenda sapagkat gulpi na naman ang kanyang aabutin. Minsan pa ay habang langung-lango siya sa droga ay hinayaan ng lalaki ang kanyang mga kaibigan na halayin at pagsamantalahan siya. Puro kawalanghiyaan ang pinagagagawa sa kaniya ng kanyang kinakasama.

Hindi na ito masikmura pa ni Brenda kaya isang araw ay pinilit niyang makatakas. Nagsumbong siya sa mga pulis upang wakasan na ang pang-aapi sa kanya ni Dante. Dahil walang ng ibang mapuntahan si Brenda, muli siyang bumalik sa dating bar na kanyang pinagtatrabahuhan.

“Brenda, hindi ka na maaring magtrabaho rito. Malaking tao ang binangga mo. Saka, tignan mo nga ‘yang itsura mo. Sino pa ang magnanais na i-table ka? Nakita mo ba ‘yung dalaga na ‘yun?” sabay turo ng manager sa isang magandang dalaga sa entablado. “Siya na ngayon ang kinababaliwan sa lugar na ito. Kailangan namin ‘yung bata, ‘yung sariwa!” giit pa ng manager. “Saka, Brenda, ipinagkalat ng dati mong kinakasama na kaya ka raw niya nasaktan ay tinago mo raw sa kanya na may nakakahawa kang sakit. Talamak pa daw ang pagkalulong mo sa dr*ga,” sambit ng manager.

“Pero hindi totoo ‘yan. Walanghiya siya! Demonyo siya!” nanlulumong wika ni Brenda.

“Pero kalat na ‘yan kahit saan.” Dahil sa mga sinabi sa kanya ng dating manager ay wala nang muling tumanggap pa kay Brenda.

Walang gustong tumulong sa kanya sapagkat lahat ay natatakot na baka mahawa sila ng sinasabi nilang nakakahawang sakit ng dalaga. Wala na rin namang mukhang maihaharap si Brenda sa probinsya sapagkat alam na ng mga ito ang kanyang ginagawa.

Dahil sa matinding kalungkutan nakanyang sinapit, tuluyan ng nawala sa katinuan si Brenda. Nagpakalat-kalat na lamang siyasa mga eskinita ng Malate at natutulog sa malapit sa Manila Bay.

“Iyan ba si Brenda? ‘Yung dating sikat dito sa Malate?” wika ng isang babae habang matalim ang tingin sa kanya.

“Oo, nabaliw na ng tuluyan. ‘Wag kang dumikit d’yan at baka mahawa ka ng kabaliwan niyan!” tumatawang tugon naman ng isa pang babae.

Samantala, makalipas ang maraming taon ay naging maayos na ang buhay ni Joel. Naging isang matagumpay at sikat siyang inhinyero. Isang umaga , habang binabagtas niya ang kalsada ng Maynila sakay ng kanyang kotse ay dagli itong napahinto.

Muntik niya kasing masagasaan ang isang marungis na babae na biglang tumawid. “Pasensya na po!” sambit ni Joel sa babae. Itinabi niya ang kanyang sasakayan at saka bumaba upang tignan ang kalagayan ng babae. Laking gulat niya ng makita niya ang isang pamilyar na mukha. “Brenda?” pagkagulantang na wika ni Joel. Dahil nga wala sa tamang katinuan ang babae ay parang wala siyang narinig. “Brenda? Si Joel ito. Bakit ka nagkaganito?” nangangatal na sambit pa ni Joell. Nagpumiglas naman si Brenda at tumakbo palayo.

Kinabukasan ay binalikan ni Joel ang lugar upang magtanong-tanong tungkol sa sinapit ni Brenda at kung saan ito madalas matagpuan. Isang matandang lalaki ang nagsabi ng kwento ng dalaga. Lubhang ikinalungkot ito ni Joel. Hindi niya inaasahan ang malupit na sinapit ng dating kasintahan.

Pilit niyang hinanap ang dating nobya. Nang kanyang matagpuan si Brenda, sa tulong na rin ng mga otoridad ay dinala niya ang dating kasintahan sa isang institusyon para sa mga taong may karamdaman sa pag-iisip. Doon ay maluwag nilang tinanggap si Brenda sa kalagayan nito. Nilinis nila ang dalaga at nangako na unti-unti nila itong gagamutin.

Hindi pa rin lubusang makapaniwala si Joel sa naging kalagayan ni Brenda. “Kung sana ay mas nagpumilit pa ako noon sa’yo na sumama ka sa akin ay hindi sana ikaw nagkaganito. Sana ay kahit na patuloy mo akong pinagtabuyan ay pinilit kong ipaalala ang pagmamahal na mayroon ako sa’yo noon.” Mabigat man sa kalooban ni Joel ay tuluyan na niyang iniwan si Brenda sa pangangalaga ng institusyon sapagkat may sarili na rin siyang pamilya at kailangan na niyang umuwi. Baon niya ang pag-asang hindi maglalaon ay gagaling muli ang dating kasintahan. “Mas mainam na ito kaysa pakalat-kalat siya sa lansangan,” wika niya sa sarili.

Advertisement