Malakas ang buhos ng ulan kaninang alas-singko ng hapon. Nagdulot tuloy ito ng baha sa ibang lugar sa Metro Manila at nagsanhi rin ng matinding trapik sa iba’t ibang lugar. Dahil dito, nahirapan ang mga pasahero na makasakay at makauwi sa kani-kanilang tahanan.
Isa na rito si Mary Ann na halos isang oras nang naghihintay ng masasakyan na jeep sa daan. Walang ibang biyahe pauwi sa kanila kundi jeep lamang, mahaba at punong puno naman ang mga LRT station, kaya mas pinili na lamang niya na magtiyagang maghintay ng jeep sa kalsada lalo na at isang biyahe lang ang gagawin niya pag ito ang kaniyang sinakyan.
“Hay, ang hirap namang sumakay…” buntong hinangang sinabi ng matandang babae sa tabi niya.
Nang lingunin niya ang matandang babae, napansin niya nakatingin ito sa kaniya, kaya sumagot naman siya.
“Oo nga po eh. Nangangawit na nga po ako sa pagtayo, kakaabang,” wika ni Mary Ann.
“Kanina pa nga kita nakitang nag-aabang. Nauna ka pa nga sakin,” sagot naman ng matandang babae.
“Mas matagal po itong dalawang estudyante na ito, bago pa po ako dumating ay nandito na po sila at nagaabang,” tugon Mary Ann habang itinuturo ang dalawang estudyante na tila magkapatid na nag-iintay rin ng masasakyan.
Kanina pa palakad-lakad ang dalawang estudyante. Napapaupo na rin ang mga ito sa ngalay dahil matagal na silang nakatayo. Bukod sa kanila ay marami pang ibang nagaabang ng mga jeep. Yung iba ay naglalakad na nga hanggang terminal, nagbabaka sakaling na makasakay agad.
Sa pagkainip ni Mary Ann ay minsan kinakausap na niya ang sarili at kunwaring kinakausap ang mga kotse na dumadaan.
“Kuya, pasakay naman. Kahit hanggang saan lang, makalapit-lapit lang sa amin,” bulong ni Mary Ann.
“Lord, sana may mabuting loob naman na magpapasakay samin sa kotse niya oh. Makauwi lang kami,” wika ni Mary Ann habang nakatingala sa langit.
Alas nuwebe na ng gabi, hindi pa rin nakakasakay sila Mary Ann. Naupo na lamang siya sa gilid ng kalsada dahil sa sobrang pagod. Maya-maya ang laking gulat na lamang nito na may isang kotse ang huminto sa kaniyang harapan at nagbaba ng bintana.
Ang nagda-drive at may-ari ng kotse ay si Andrew, halos kasing edad lang ni Mary Ann ang binata. Galing siya sa trabaho at papauwi na, ngunit nang makita niya ang maraming kumpulan ng tao sa kalsada na nag-aagawan sa pagsakay ay naalala niya ang karanasan niya noon na isang matandang lalaki ang nagpasakay sa kaniya sa kotse nito at inihatid siya habang patuloy na bumubuhos ang ulan.
Dahil dito ay naisip niyang gawin rin ‘yon sa ibang tao naman, malaking bagay rin kasi ang naitulong sa kaniya ng pangyayaring iyon. Noong mga panahon kasi na ‘yon ay naghihingalo na pala ang tatay ni Andrew, at dahil tinulungan siya ng matandang lalaki, nakauwi siya agad sa kanilang bahay at naabutan niyang may buhay pa ang kaniyang tatay na pumanaw rin kalahating oras lang matapos siyang makarating.
Mula noon, sa tuwing makakasaksi si Andrew ng ganitong sitwasyon sa kalsada ay hindi siya nagaatubili na tumulong. At sa pagdadrive niya ay napansin niya nga ang isang babae na nakasimangot na at nakaupo na sa gilid ng kalsada, kaya naisipan niya itong hintuan ang tanungin kung gusto ba nitong makisakay.
“Miss, saan ka? Gusto mo bang makisakay, mahihirapan kayo niyan maghintay,” magalang na tanong ni Andrew.
Napatayo sa gulat at pagtataka si Mary Ann, at nabasa ni Andrew ang pangamba sa mukha ng babae.
“Wag kang mag-alala miss, hindi ako masamang tao. Gusto ko lang makatulong,” sambit ni Andrew.
“Gusto mo humanap pa tayo ng pwede nating isabay?” dagdag pa ng binata na noon ay medyo inabante ang kaniyang kotse at binati ang matndang babae na kanina ay kausap ni Mary Ann.
“Nay, gusto niyo po bang makisabay? Hatid ko na po kayo sa inyo. Sabay na po kayo sa akin ni ate. Mahihirapan po kayong makasakay niyan. Dis oras na po ng gabi,” pag-aalok ni Andrew na bakas naman sa mukha ang sinseridad sa pagtulong.
Nagtinginan si Mary Ann at ang matandang babae, at kusa na silang nakapag-usap gamit ang mata na papayag na silang sumakay.
“Sige po, makikisabay na po kami ni nanay,” wika ni Mary Ann.
“Salamat, noy ha?” saad naman ng matandang babae.
Pasakay na sila nang makita ni Mary Ann ang dalawang estudyante na nag-aabang pa rin ng masasakyan. Agad niyang tinanong sa lalaking nagda-drive kung pwede pang magsabay ng dalawa pa? Walang pag-aatubili namang pumayag si Andrew. Nilapitan ni Mary Ann ang dalawang estudyante at inalok na sumabay na sa kanila, dahil may mabuting puso ang nagprisinta na maghahatid sa kanila. Noong una ay natatakot at nahihiya pa ang dalawa, pero napapayag rin sila ni Mary Ann.
Nagkasya naman ang apat sa loob ng sasakyan. Ang matandang babae at ang dalawang estudyante ay nasa likod, at si Mary Ann naman ay nasa harapan katabi ni Andrew.
Nang makasakay ay nagpakilala sila sa isa’t isa. Naikwento rin ni Andrew ang dahilan niya kung bakit nag-alok siya ng maisasabay pag-uwi kapag umuulan. Nagkatuwaan naman sila nang mapagtanto na hindi naman pala nagkakalayo ang mga bahay na kanilang uuwian.
Laking tuwa naman ni Andrew nang malaman na tulad niya noon, may kaniya-kaniya palang ganap sa kani-kanilang tahanan ang mga naisabay niya mga bagong kakilala.
Ang apo pala ng matandang babae ay nagdiriwang ng kaarawan nito, kaya ang paghatid ni Andrew sa kaniya ay malaking bagay dahil umabot pa ito sa handaan ng kaniyang apo. Ang dalawang estudyante naman ay mayroon palang mahabang pagsusulit kinabukasan at kailangan ng mga ito na makauwi na at makapag-aral ng maayos, at dahil kay Andrew, hindi na nila kinakailangan pang maghintay ng mas mahabang oras bago makasakay pauwi.
Si Mary Ann naman ang tanging walang ganap, pero malaki pa rin ang pasasalamat niya kay Andrew dahil nais na niya talagang makauwi at makapagpahinga.
At dahil sanay sa pasikot-sikot na pagmamaneho si Andrew, naiwasan niya ang mga bahaing lugar at mabilis silang naihatid. Nag-alok pa ang mga ito na bayaran si Andrew, ngunit hindi niya ito tinanggap. Huling maihahatid si Mary Ann na pinakamalayo ang uuwian sa kanilang lahat.
“Kahit diyan mo na lang ako ibaba, sasakay na lang ako ulit ng jeep. Mabilis na lang naman na dito dahil medyo malapit na sa amin,” nahihiyang sabi ni Mary Ann, dahil mapapalayo pa si Andrew sa kanilang lugar kung ihahatid pa siya nito mismong bahay nila.
“Hinda na. Ihahatid na kita. Ayos lang naman sa akin. Madali na lang naman ang byahe pabalik sa amin,” pag-aalok ni Andrew.
“Nakakahiya kasi eh,” mahinang sagot ni Mary Ann.
“Ayos lang’ yon,” nakangiting tugon ni Andrew.
“Napakabuti mong tao upang gawin sa amin ito. Sana pagpalain ka pa ng Maykapal. Salamat ha?” Malugod na sabi ng dalaga.
“Walang anuman! Salamat din sa pagtitiwala. Paraan ko rin ito upang magpasalamat at makabawi sa isang tao na minsan ay tinulungan rin ako sa ganitong sitwasyon,” ani Mary Ann.
Naihatid ni Andrew si Mary Ann sa tapat ng kanilang bahay at walang sawang nagpasalamat ang babae sa kaniya. Tumuloy na rin sa pagbiyahe si Andrew upang makauwi na sa kanila. At kahit na pagod na, masayang-masaya naman ang kaniyang puso na makatulong sa iba.
Nang makauwi si Mary Ann ay napansin niya na malapit na mag-away ang kaniyang magulang. Buti na lang ay dumating siya upang mamagitan at pahupain ang init ng ulo ng mga ito. Kung hindi pa siya nakauwi agad ay baka tuluyan nang nagtalo ang mga ito at nagkasakitan.
Mas lalo tuloy tumanaw ng malaking pasasalamat si Mary Ann kay Andrew, dahil sa kabutihang ipinamalas nito. Kapag dumating ang pagkakataong may kakayahanan na siya ay tutulong rin siya sa kaniyang kapwa ng walang pagdadalawang-isip at walang hinihintay na kapalit.