Dahil may lahing Intsik, gusto ni Marlon na ang kanyang maging panganay na anak ay isang lalaki. Para sa kaugaliang Tsino, mas mahalaga ang pagkakaroon ng anak na lalaki kaysa sa babae. Ito rin ang pilit na isuksok sa kanyang utak ng kanyang pamilya.
Nang ikasal sila si Lovely, isa ring Tsinay, mas nag-ibayo ang kagustuhan niya na magkaroon ng panganay na lalaki kaya lahat ng paraan ay ginawa nila, ang pagpapakonsulta sa doktor bago bumuo ng anak upang itaon sa araw na lalabas itong lalaki. Humingi rin sila ng payo sa mga matatandang Intsik kung paano makabuo ng anak na ang kasarian ay lalaki.
“Kailangan ay lalaki ang maging anak natin, mahal ko. Sisiguruhin ko na lalaki ang iyong isisilang,” sabi ni Marlon sa asawa.
“Para sa akin, kahit ano pa ang maging kasarian ng ating anak ay tatanggapin ko. Ang mahalaga ay maging malusog ang pangangatawan niya. Kung anuman ang ibibigay ng Diyos ay tanggapin natin,” wika naman ni Lovely.
Dumating ang araw na pinakahihintay nila, ang araw na malalaman na ang kasarian ng ipinagbubuntis ni Lovely. Nang bumisita sila sa OB Gyne at nagpa-ultrasound ay bumulaga sa mukha ni Marlon ang kinatatakutan niyang katotohanan. Nang makita ang resulta ng ultrasound ay napag-alaman nilang babae ang nasa sinapupunan ng kanyang asawa.
“H-hindi. Hindi babae ang magiging panganay ko. Hindi ko matatanggap ang batang iyan,” pailing-iling na wika ni Marlon na parang pinagsakluban ng langit at lupa nang malaman ang kasarian ng kanyang anak.
“Naririnig mo ba ang sinasabi mo, Marlon? Anak mo ang ipinagbubuntis ko, anak natin. Anuman ang kasarian niya ay dugo at laman mo pa rin ito,” sabi ni Lovely habang itinuturo ang sinapupunan.
“Ano na lamang ang sasabihin nina Mama at Papa, na hindi lalaki ang magiging apo nila?” katuwiran nito.
“Mas mahalaga pa ba ang sasabihin ng pamilya mo kaysa sa sarili mong anak? Umaasta ka ng ganyan dahil hindi lalaki ang anak mo? Wala akong pakialam kung tradisyon iyan o kung ano pa man, ang mahalaga sa akin ay ang lumaking malusog at maayos ang anak ko. Kung hindi mo matatanggap ang anak natin, huwag mong ipagkait sa akin na mahalin siya,” galit na saad ng babae.
Hindi naman nakasagot si Marlon, pero alam niyang hindi iyon magugustuhan ng kanyang pamilya kaya nag-aalala siya. Ayaw niyang magaya sa pinsan niyang lalaki na nagkaanak ng panganay na babae na halos itakwil ng kanyang tiyuhin at tiyahin, maging ng mga kamag-anak nila dahil para sa mga ito ang pagkakaroon ng panganay na babae ay may hatid na kamalasan.
Pinilit nilang itago ang kasarian ng dinadala ni Lovely ngunit kahit anong takip nila ay hindi nila tuluyang naitago ang totoo, na isang babae ang kanilang panganay hanggang sa maisilang ni Lovely ang sanggol na pinangalanan niyang baby Athena.
Nang makarating sa pamilya at kaanak ni Marlon na babae ang kanyang panganay ay tila nawalan ng gana ang mga ito.
“Kung hindi pa nanganak ang asawa mo ay hindi namin malalaman na babae pala ang panganay niyong anak! Alam mo naman na malas ang panganay na babae. Hinding-hindi namin kailanman matatanggap ang anak mo. Huwag na huwag kayong pupunta sa bahay kapag kasama ang batang iyan,” inis na sabi ng ama ni Marlon.
Ikinalungkot ng mag-asawa ang sinabi nito, ngunit kahit itinakwil ng pamilya ni Marlon ang panganay nilang anak ay tanggap naman ito ng pamilya ni Lovely. Kahit ganoon ang nangyari ay tuloy pa rin ang buhay para sa kanila. Buong pagmamahal pa rin ang ibinigay ni Lovely kay baby Athena samantalang si Marlon ay hindi talaga matanggap ang anak kaya gumawa siya ng plano para mawala sa landas nila ang sanggol. Isang araw ay kinausap niya ang kanilang kasambahay na si Sion at binayaran ito para itapon ang sariling anak sa malayo.
“Sir, sigurado po ba kayo sa pinagagawa niyo? Matakot naman po kayo sa Diyos, anak niyo si baby Athena. Sariling dugo at laman ay gusto niyong itapon sa kung saan? Kapag nalaman po ito ni Ma’am ay hinding-hindi siya makakapayag. Magagalit po iyon,” kinakabahang sabi ng babae.
“Hindi naman malalaman ng asawa ko, e. Hindi maaaring magtagal dito ang bata dahil hangga’t nandito iyan ay hindi kami matatanggap ng aking pamilya. Ayokong tuluyang magalit sa akin ang pamilya ko lalo na ang mga magulang ko dahil ayokong mawalan ng mamanahin. At isa pa, wala kang karapatang tumanggi dahil alam kong nangangailangan ka rin ng malaking halaga para sa anak mong may sakit,” giit ni Marlon.
Dahil kailangan na kailangan ni Sion ang pera ay tinanggap niya ang alok ng amo at itinakas ang sanggol.
Nang malaman ni Lovely na nawawala ang anak ay labis ang hinagpis ng babae. Walang nakapagsabi kung sino ang kumuha sa bata dahil wala naman silang mag-asawa nang mawala ito. Hindi rin alam ng mga kasambahay kung bakit nawala ang sanggol. Tikom rin ang bibig ni Sion dahil kasabwat siya sa pagkawala ng bata. Laking pagsisisi ni Lovely dahil hindi siya nakapaglagay ng CCTV sa kanilang bahay.
Wala tuloy ebidensiya kung sino ang may kagagawan ng pagkawala ni baby Athena. Laking tuwa naman ni Marlon nang magtagumpay ang plano niya. Nagdaan ang ilang linggo, buwan at taon ay hindi na nila nahanap pa ang panganay nilang anak hanggang sa nagkaanak ulit sina Marlon at Lovely at ang pangalawa nilang anak ay isa ng lalaki na pinangalanan nilang Hercules.
Makalipas ang Dalawampung taon, masayang-masaya si Manang Sion dahil ganap nang guro ang kanyang anak na babae. Nakapagtapos ito bilang Suma Cum Laude at top notcher sa board exam. Dinala niya ito sa mismong kaarawan ng amo niyang si Lovely. Naroon din ang buong pamilya ni Marlon.
“Binabati kita, Manang Sion. Napaka-talinong bata ng iyong anak. T-teka mula nang nagtrabaho ka sa amin ay hindi mo nabanggit na may anak ka palang babae? Ang akala ko ay puro lalaki rin ang anak mo,” wika ni Lovely nang makita silang mag-ina.
“Ang totoo po niyan ay may gusto akong ipagtapat sa iyo, Ma’am at sa buong pamilya niyo,” sabi ng matandang kasambahay.
“Ano naman iyon?” tanong ng babae.
“Gusto ko pong makausap ang lahat ng miyembro ng iyong pamilya,” seryosong sabi ng matanda.
Tinipon ni Lovely ang mga kamag-anak niya at ang pamilya ni Marlon sa sala. Nagtataka naman ang kanyang asawa kung ano ang nangyayari.
“Narito na ba ang lahat? May gusto raw sabihin sa atin si Manang Sion,” hayag ni Lovely.
Seryoso namang inabangan ng pamilya ang sasabihin ng kasambahay. Ang iba ay nagtaas ng kilay, bakit nga ba naman nila papakinggan ang sasabihin nito, e isa lamang itong hamak na mutsatsa.
“Magandang gabi po sa inyong lahat. Matagal ko ng gustong ipagtapat sa inyo ito, ngunit napangungunahan ako ng takot. dalawampung taon na ang nakararaan nang mawala si baby Athena, ang anak ni Ma’am Lovely. Ang akala niyong lahat ay wala na siya, pilit na kinalimutan at hindi na hinanap. Ngayon, sasabihin ko ang buong katotohanan. Inutusan ako noon ni Sir Marlon na itapon sa malayo ang bata dahil ayaw niyang tuluyang magalit sa kanya ang pamilya niya at natatakot siya na mawalan ng mana.
Tinanggap ko iyon dahil nangangailangan ako ng malaking halaga para sa isa kong anak na lalaki na may sakit at nasa ospital pero hindi kaya ng konsensiya ko na itapon ang isang walang kamalay-malay na sanggol kaya imbes na itapon ay inalagaan ko at itinuring na tunay na anak si baby Athena. Heto na na siya ngayon sa inyong harapan. Isa na siyang ganap na guro at nakakuha ng mga karangalan. Napaka-talino at napaka-bait na bata. Iyan ba ang malas? Hindi niyo alam kung gaano kayo kasuwerte sa batang ito,” bunyag ni Manang Sion na hindi na napigilang mapahagulgol.
“Diyos ko, totoo ba ang sinasabi mo, Manang?” nagtataka at mangiyak-ngiyak na tanong ni Lovely.
“Totoo ang sinasabi ko, Ma’am. Nasa akin lahat ng ebidensiya, ang mga gamit at damit ng iyong anak noong bata pa siya,” lahad pa nito.
Hindi na napigilan ni Lovely na tumayo sa kinauupuan at lapitan ang dalaga na pinangalanan ni Manang Sion na Ailene.
“A-anak ko, ikaw ang a-anak ko?” pautal-utal na sabi ni Lovely.
“I-inay? Kayo po ang tunay kong ina?” naluluhang tanong ng dalaga.
Doon na niyakap nang mahigpit ng babae ang dalaga. Naramdaman niya agad ang lukso ng dugo rito.
“Patawarin mo ako, anak. Hindi ko alam. Wala akong kaalam-alam sa mga nangyari,” hagulgol ni Lovely.
Para namang binuhusan ng malamig na tubig si Marlon sa sobrang kahihiyan. Sinumbatan siya ng kanyang mga kamag-anak na galit na galit sa kanyang ginawa sa sariling anak. Ang iba naman ay nanahimik lang dahil alam nila na hindi naman hahantong sa ganoon kung hindi nila itinakwil ang panganay na anak ni Marlon at kung hindi nila ito ginipit.
Walang nagawa si Marlon kundi lumuhod sa harap ng kanyang asawa at panganay na anak at humingi ng tawad sa mga ito. Labis nitong pinagsisisihan ang lahat ng ginawa.
Napakasuwerte naman nila dahil sadyang pinalaki sa mabuting asal at pagpapatawad ni Manang Sion ang kanilang anak.
“Pinapatawad ko na po kayo, itay. Kalimutan na po natin iyon. Ang mahalaga po ay buo na po ulit ang pamilya natin,” wika ni Ailene sa ama.
Nagkapatawaran ang lahat ng gabing iyon. Ipinakilala rin ng mag-asawa si Ailene sa bunso nitong kapatid na si Hercules. Natanggap na rin ng buong pamilya ni Marlon ang panganay nilang anak na babae ni Lovely. Kahit kapiling na ni Ailene ang kanyang tunay na mga magulang, para sa kanya ay bahagi pa rin ng kanyang pagkatao ang kinagisnan niyang ina na si Manang Sion at ang pamilya nito.