Inday TrendingInday Trending
Ang Akin ay sa Akin, ang Iyo ay sa Atin

Ang Akin ay sa Akin, ang Iyo ay sa Atin

Ang sabi ng iba sa oras na magpakasal na ang dalawang nagmamahalan hudyat na rin daw iyon ng tuluyang pagsuko ng babae sa kaniyang mapapangasawa.

Ngunit ibang-iba ang kalagayan ng mag-asawang Rodel at Farrah.

“Hon, ‘yong ATM card mo, ha? Paalis ka na. Baka makalimutan mong iwan sa’kin,” striktong pagpapaalala ni Farrah sa mister.

Napakamot na lamang ng ulo si Rodel. Mamaya pa lamang papasok ang sahod nila sa buwang iyon ngunit antimano ay kinukuha na agad ng kaniyang misis ang kaniyang ATM card. Katunayan ay mahigit sampung taon na niyang kinakaya ang pagkuha ni Farrah ng lahat-lahat ng sinasahod niya. Gayunpaman para sa kaniya ay hindi iyon problema dahil mahal na mahal niya si Farrah.

Sa loob ng sampung taong iyon, bukod sa sweldo, lahat-lahat ng pag-aari ni mister ay pawang pag-aari na ni misis. Bukambibig kasi ni Farrah, “lahat ng iyo, sa atin ‘yan. Ang lahat naman ng akin, akin lang.” Kaya mula wallet, selpon, laptop na pang trabaho at maski lahat ng pribadong gamit ni Rodel ay ginagamit nitong si Farrah.

Isang Sabado ng gabi walang pasok sa trabaho si Rodel kaya naman nakaupo lamang siya sa kanilang sala habang nanonood ng paborito niyang palabas. Nasa kusina naman itong si misis habang nagluluto ng kakainin nilang pananghalian.

“Naku, iinom nga pala ako ng gamot ko sa sakit ng katawan,” bulong ni Rodel sa sarili nang maalala ang kailangan niyang gawin. At dahil wala pang kinakain mula pagkagising ay nagtungo siya sa kusina upang kumuha ng makakain.

“Anong gagawin mo d’yan? Akin ‘yan! Paborito ko ang biskwit na ‘yan,” sigaw ni Farrah nang makitang kinuha ni Rodel ang pagkain mula sa ref.

“Pahingi lang, hon. Iinom kasi ako ng gamot. Kailangang malamnan muna ang sikmura ko,” sagot ni mister.

“Wag nga kasi ‘yan. Akin ‘yan, eh!” patuloy na pagdadamot ng babae.

Muling bumuntong-hininga ng malalim si Rodel at pilit na hinahanap ang kaunting natitirang pasensiya sa kailaliman ng baga niya. Ayaw niyang patulan ang ganoong pag-uugali ni misis dahil iyon lang naman ang hindi maganda sa pag-uugali ni Farrah.

“Sige, bibili na lang muna ako ng meryenda sa labas,” sagot ni Rodel.

“Okay! Tapos, hon, kung kwek-kwek ni Aling Nena ang bibilhin mo pahingi ako, ha? Dagdagan mo na ng limang piraso. Ang tagal lumambot nitong baboy na pinakukuluan ko, eh,” ani Farrah.

Kinabukasan nagising si Rodel na kinakalikot ni Farrah ang kaniyang selpon. Nang makapaghilamos naisipan niyang gamitin ang calculator ng kaniyang selpon upang ayusin ang ilang trabahong iniuwi niya noong Biyernes.

“Hon, pahiram muna ako nitong selpon mo tutal gamit mo ang akin,” pagpapaalam ni Rodel sabay kuha ng selpon ni Farrah.

“AKIN ‘YAN! Ano ba, Rodel? Alam mo namang ayaw kong pinakikialaman mo ang mga gamit ko, eh,” sigaw ni Farrah na siyang ikinagulat ni Rodel.

Sa panahong iyon ramdam ni Rodel na simot na simot na ang pasensiyang matagal na niyang pinaka-iingatang huwag maubos. Hindi na niya kaya!

“Farrah, bakit ang damot mo? Nakakapanghilakbot ang ganiyang ugali, Diyos ko!” pagtataas ng boses ni Rodel sa asawa.

“Sampung taon, Farrah! Sampung taon na akong nagtitiis sa ganiyang pag-uugali mo. Pero bakit ang unfair mo? Bakit?” dagdag pa ng lalaki habang unti-unting tumutulo ang luha sa kaniyang mga mata.

Napatulala naman si Farrah sa imahe ng kaniyang umiiyak na asawa. Kahit kailan ay hindi pa niya ito nakikitang lumuluha kaya’t ganoon na lamang ang pagkagulat niya.

“Hon, sorry. Natatakot lang kasi ako,” mahinang sagot ng babae.

“Takot? Saan?” balik tanong ng lalaki. “Na magaya ako kina mama at lola. Hindi ba ibinigay at isinuko nila ang lahat sa mga asawa nila? Matapos nilang gawin iyon iniwan din sila! Ayokong mangyari iyon. Takot na takot ako. Lalo na’t hindi kita mabigyan ng anak,” ani Farrah.

“Ha? Naririnig mo ba ang sarili mo, hon? Sampung taon na tayong mag-asawa! Kahit kailan hindi naging problema sa’kin ang sakit mo sa matres na dahilan kung bakit ‘di tayo magkaanak! At lalong hindi kita iiwan nang dahil sa kung anu-anong bagay na iniisip mo,” sagot ni Rodel.

“Ang tanging problema ko sa’yo ay iyong ganoong pag-uugali. Hon, makabagong panahon na ngayon. Hindi mo kailangang isuko ang lahat sa akin. Ang kailangan ko lang ay ang pagmamahal at tiwala mo dahil ako ibinigay ko na sa’yo ang puso, isip at kaluluwa ko,” dagdag pa ng lalaki sabay hawak sa kamay ng asawa.

Nang dahil sa mga narinig mula sa kaniyang mister tila ba nabuhusan ng malamig na tubig at natauhan itong si Farrah. Nang dahil sa takot niyang magaya sa kaniyang nanay at lola hindi na niya napansing mas nakakahiya at kaiwan-iwan ang pag-uugali na naipakita niya sa asawa.

Napakaswerte niya dahil isang mabuti at maintindihing asawa si Rodel kaya’t simula nung araw na iyon ay sinubukan nang ayusin ni Farrah ang nakasanayan habang si Rodel naman ay patuloy sa pagbibigay ng tapat at wagas na pag-ibig sa kaniyang misis.

Natutunan ng dalawa na ang susi sa matagumpay na pagsasama bilang mag-asawa ay ang pagkakaunawaan at pagmamahalan.

Advertisement