Bibo, masayahin at kagiliw-giliw ang nag-iisang anak ni Anton at Rosa na tinawag nilang Corrine. Isang simpleng buhay ang mayroon sila, karpintero si Anton at mananahi naman si Rosa. Tulad ng karaniwang magulang, walang hangad ang mag-asawa kundi ang mapagtapos si Corrine sa kolehiyo, dahil ito lamang ang tanging yaman na kaya nilang ipamana sa mahal na anak.
Subalit sadyang mapagbiro ang tadhana nang sa ‘di inaasahang pagkakataon ay dumanas si Corrine ng trahedya sa murang edad na sampung taong gulang. Natupok ng apoy ang munti nilang bahay sa kagagawan ng isang pabayang kapitbahay. Unang nasagip ni Anton ang mahal na anak na si Corrine, ngunit nang balikan ang asawang si Rosa ay tuluyan na silang nakulong sa nagngangalit na apoy.
Sa kawalan ng malapit na kamag-anak na mapupuntahan ay nagpasiya si Corrine na makipamuhay sa magkapatid na Sol at Nathan sa gilid ng simbahan sa kabayanan. Tulad ni Corrine, kapwa ulilang lubos ang magkapatid at nabubuhay sa pagtitinda ng balut, penoy at chicharon. Naging mabait na ate si Sol kay Corrine habang si Nathan na kanyang kaklase ay naging bunsong kapatid ang turing sa kanya.
Upang matulungan ang sarili ay nagtinda ng sampaguita si Corrine sa harap ng simbahan. Dahil sadyang magiliw siyang bata at may maamong mukha, hindi naging mahirap para kay Corrine na ibenta ang panindang sampaguita. ‘Di rin sya nakakalimot na bumisita sa simbahan bago umuwi, bilang turo sa kanya ng yumaong ina, upang magpasalamat at humingi ng gabay at pagpapala sa ating Panginoon.
‘Di lumampas sa pansin ni Corrine ang isang matandang babae na araw-araw ay nagsisimba tuwing alas singko ng hapon. Tulad ng isang tipikal na lola ang itsura nito — nakapusod ang halos puti nang buhok, may mahabang damit, triyanggulong balabal at may dalang itim na bag.
Bago mag alas sais ay lumalabas na ang palangiting matanda na ‘di nakakalimot na dumaan sa pwesto ni Corrine upang bumili ng sampung pisong sampagita na kanya daw iaalay sa alagang Santo Niño. Matapos magmano ay inaakay ni Corrine ang matanda sa pagtawid upang sumakay ng dyip pauwi.
Naging magiliw sa isa’t isa ang dalawa hanggang sa isang araw ay lumiban ang matanda sa kanyang pagsisimba.
Inakala ni Corrine na baka may mahalagang pinuntahan lamang ang matanda pero sa sumunod na mahigit isang linggo ay ‘di na muling bumisita sa simbahan ang matanda. Kalungkutan at pag-alala ang nadama ni Corrine na baka may di magandang nangyari sa kanyang kaibigang matanda. Para ‘di lubusang malungkot, inisip na lang niya na baka sinundo na ang matanda ng kanyang pamilya upang sa piling na nila mamuhay.
Hanggang sa isang araw ng Linggo ay mayroon dalawang kalalakihan, nakasuot ng polo barong at itim na pantalon, sakay ng isang mamahaling sasakyan ang huminto sa tapat ng simbahan. Nang lumapit kay Corrine ang dalawang lalaki ay nakadama siya ng takot sa pag-aakala na kukunin siya ng mga ito upang dalhin sa bahay ampunan o sa DSWD. Pero matapos ipaliwanag sa kanya na siya ay ipinasusundo ni Lola Corazon, ang matandang babaeng araw-araw na nagsisimba tuwing hapon, ay napapayag si Corrine na sumama upang makita ang matanda.
Sa isang magarang bahay siya dinala ng dalawang lalaki na ‘di kalayuan sa kabayanan. Malawak ang bakuran na naliligiran ng magandang halamanan at matataas na puno na nagbibigay lilim at malamig na hangin sa buong kapaligiran. Buong manghang iniligid ni Corrine ang kanyang mga mata sa buong kabahayan. Sa unang pagkakataon, siya ay natuntong sa isang tila malapalasyong bahay na tulad nito na naiilawan ng maningning na bombilyang nakabitin.
Sandali pa ay lumabas na si Lola Corazon na nakasakay sa wheelchair tulak ng isang nars. Matapos magmano ay mahigpit na yakap at halik ang namagitan sa dalawang sabik na nagkitang muli.
Kasunod ng matanda ang isang lalaki na isa raw abogado, may dalang papel na ‘di mawari ng ni Corrine kung ano.
“Ikaw ba ang batang si Corrine? Ang nagtitinda ng sampaguita sa simbahan, at madalas na kasa-kasama ni Lola Corazon?” nakangiting tanong ng abogado sa bata.
“Ah- eh… Opo, ako po… Ba- bakit po?” Nauutal-utal na tanong ng bata.
Nagpaliwanag ang abogado at ‘di makapaniwala si Corrine sa kanyang narinig. Ibig siyang ampunin ni Lola Corazon at pamanahan ng bahagi ng kayamanan nito na kanyang matatanggap pagdating ng kanyang edad na dalawampu’t isa. Nakatakda rin syang pag-aralin ng matanda sa isang mahusay na paaralan bilang paghahanda sa kanyang magandang kinabukasan.
Tulad ni Corrine, si Lola Corazon pala ay isa ring ulila na pinamahan ng kanyang mga magulang ng malaking kayamanan. Labis na kasiyahan ang nadama ng matanda sa pakikipagkaibigan kay Corrine lalo na sa ipinakitang kabutihan ng loob nito. Ang panlabas na anyo ay ‘di sukatan ng kalooban at kakayanan ninuman, tulad ni Lola Corazon.
Sa kabila ng malaking pagpapala na natanggap ni Corrine ay ‘di ito nakalimot sa magkapatid na Sol at Nathan. Sa pakiusap ni Corrine ay pumayag din ang matanda na kupkupin din ang magkapatid na naging dahilan upang lalong maging masigla at puno ng buhay ang bahay ni Lola Corazon.