Inday TrendingInday Trending
Manalig Ka Lamang

Manalig Ka Lamang

Naisin man ni Lornita na tapusin ang high school man lamang ay ‘di niya magawa dahil sa kanya nakaatang ang pag-aasikaso sa lima pa niyang kapatid habang ang kanilang ina ay wala. Isang kasambahay ang kanyang ina na nangangamuhan sa masungit na usurerang si Aling Tinay.

Iniwan sila ng kanyang iresponsableng ama upang mamuhay kasama ang bago nitong babae. Bilang panganay sa apat na magkakapatid, namulat siya sa katotohanan na kailangan niyang magsikap upang tulungan ang ina sa pagtataguyod sa kanyang mga nakababatang kapatid.

Ngayong siya ay labing anim na taong gulang na, nagpaalam si Lornita sa ina upang lumuwas ng Maynila para maghanap ng trabaho. Hindi naging madali para sa kanya ang desisyon na lumayo dahil maliliit pa ang kanyang mga kapatid na umaasa sa kanyang pagkalinga. Subalit maunawain ang kanyang pangalawang kapatid na si Lilet na nangakong siya na ang titingin sa nakababata pa nilang mga kapatid. Sa ganitong kondisyon ay pumayag din ang kanilang ina na lumuwas si Lornita ng Maynila.

Sa bus pa lamang ay lubos na ang kanyang pananabik dahil sasalubungin siya sa istasyon ng matalik niyang kaibigan at kababatang si Mira. Kapwa niya labing anim na taong gulang si Mira na namamasukan bilang isang waitress sa isang Chinese restaurant sa Cubao. Natulungan siya ng kaibigan na maipasok bilang dishwasher sa nasabing restaurant habang hati naman sila sa mga gastusin at renta sa maliit na silid na kanilang tinutuluyan.

Sa simula pa lamang ng kanyang trabaho ay napansin na ng kanilang supervisor ang sipag at tiyaga ni Lornita sa mga gawain kaya di naglaon ay na promote na din siya bilang waitress tulad ng kaibigang si Mira. Bilang isang mabuting anak, bahagi ng kaniyang sweldo ay walang palya niyang ipinapadala sa kanyang ina upang makatulong sa pang araw-araw na gastusin ng mga kapatid.

Maganda at natural na mabait si Lornita at sa kanyang tindig at makinis na kutis ay pansinin at kinagigiliwan ng mga customer sa kanyang trabaho. Di nagtagal, isang masugid na binata ang walang sawang sumuyo sa kanya na nang lumaon ay naging kasintahan na niya.

Mabait at maalagang boyfriend si Renan na araw-araw ay matiyagang naghahatid sa dalaga sa pag-uwi mula sa trabaho. Tulad ng iba ay hindi naging perpekto ang kanilang relasyon. Unti unti niyang natuklasan ang mga di magandang katangian ni Renan tulad ng hilig nito sa pag-iinom at sugal.

Sinubukan niyang unti-unting lumayo sa nobyo subalit naging masakit ang naging bunga nito. Nagsimulang siyang saktan ng binata na lalong nagtulak kay Lornita upang lubusan nang makipaghiwalay sa nobyo. Di na niya ninais na makipagrelasyon pang muli dahil sa masakit na karanasan kay Renan.

Ibinaling ni Lornita ang pansin sa trabaho at sa pagnanais na makapagpatuloy ng pag aaral, natapos niya ang high school. Sa kabila ng pagod sa trabaho at puyat sa pag-aaral sa gabi ay nakapagtapos siya ng kolehiyo bilang cum laude sa kursong Bachelor of Science in Education.

Ninais ni Lornita na bumalik sa kanyang pamilya upang magsimulang muli at ipagpatuloy ang kaniyang buhay bilang isang ganap na guro. Tuwang-tuwa ang kaniyang ina at mga kapatid sa kanyang desisyon, dahil muli na silang mabubuo bilang isang pamilya.

Hindi nagtapos dito ang kasiyahang nadama ni Lornita. Pinaghandaan niya ang kanyang pagbabalik bitbit ang mga pasalubong na kanyang pinag ipunan para sa kanyang ina at mga kapatid.

Sa bus, isang makisig na lalaki ang kanyang nakatabi. Asiwa man ay di nagpahalata si Lornita sa lalaki na walang hinto sa pagsulyap sa kanya na animo sinisipat ang kanyang anyo. Sa gitna ng biyahe ay di niya inasahang nakipagkilala sa kanya ang lalaki at laking gulat niya ng banggitin nito ang kanyang pangalan… Si Amir na kanyang kababata!

Ang tahimik na bata kanyang kaklase sa buong elementarya. Kapwa sila nagulat, nagkamustahan at nagkwentuhan nang walang humpay hanggang sa pagbaba nila ng bus. Ganap na din palang isang professional ang kanyang kababata bilang isang Chief Engineer sa isa sa pinaka malaking real estate company sa Maynila.

Dito na nagsimula ang kanilang muling pagkakaibigan, pagiging malapit sa isa’t isa, hanggang tuluyang lumawig at umusbong sa pagiging magkasintahan. Kasunod nito ay ang kanilang pag paplano upang bumuo ng isang masayang pamilya.

Ito ay isang patunay na ‘di natutulog ang Diyos. Nakamit ni Lornita ang lubos na kaligayahan sa kabila ng kawing-kawing na pagsubok na kanyang pinagdaanan sa buhay. Sa lahat ng ito, pananalig sa Diyos, sipag at tiyaga ang naging puhunan niya upang malampasan ang lahat mg balakid upang sa dulo ay makamtan niya ang buhay na sa kanya ay nararapat.

Advertisement