“Huwag ka nang umiyak diyan, Besty, ako ang naiirita sa iyo, e. Hindi dapat iniiyakan ang mga ganoong klaseng lalaki!” Naiinis na si Patrick sa kaibigang si Lilia. Humahagulhol ito, dahil nahuli nitong may kabit ang kaniyang asawa.
“Ang sakit-sakit, Besty! Bakit niya ginawa sa akin ʼyon?” iyak pa ng babae.
“Hay, nako, buti pa kaming mga beki, immune na sa ganiyan!” Napabuntong-hininga si Patrick. “May picture ka ba noʼng kabit? Patingin nga kung gaano kapangit?” sabi niya pa na dinadaan na lamang sa biro ang mga sinasabi upang hindi na mahabag pa sa sarili ang matalik na kaibigan.
Inilabas naman ni Lilian ang litrato ng isang magandang babae. Maputi ito at paalon-alon ang animo ipina-hot oil nitong buhok. Napalunok si Patrick sa nakita. Tiningnan niya ang hitsura ng kaibigan.
Losyang na kasi ito, simula nang maging dalawa ang kaniyang anak. Tapos, panay pa ang konsumisyong ibinibigay ng asawa rito.
“Oh, bakit hindi ka nakapagsalita riyan? Maganda, ‘di ba? Mas maganda sa akin ʼyan kaya ako ipinagpalit ng asawa ko!” saad pa ng babae sabay hagulhol muli.
Wala nang nagawa pa si Patrick upang patahanin ito. Dinamayan niya na lang ang kaibigan at talagang naaawa siya rito. Nanggigigil siya sa asawa nito at sa kiridang naging dahilan ng pag-iyak ng kaniyang Besty.
“Hayaan mo na, Besty, lintik lang ang walang ganti sa dalawang iyan!” ang huling mga salitang ibinulong niya nang makatulog na si Lilian.
Samantala, masayang-masaya naman si Ericka nang araw na iyon. Opisyal nang nakipaghiwalay ang boyfriend niyang si Justine sa asawa nito. Oo, isa siyang kerida, ngunit wala siyang pakialam sa sasabihin ng ibang tao. Ang mahalaga, napasakaniya na ang lalaking kaniyang pinakamamahal, kahit pa nasira niya ang pamilya nito.
Sumakay siya ng taxi. Papunta siya ngayon sa isang beauty salon, bilang regalo sa kaniyang sarili para sa pagtatagumpay niya sa kaniyang mga plano.
Ang hindi niya alam, iyon pala ay kaniyang pagsisisihan.
“Pa-manicure and pedicure ako,” sabi niya sa b*klang crew ng beauty parlor na iyon.
“Please be seated, Maʼam,” sabay ngisi naman ng b*klang iyon na siya rin palang may-ari at manikurista ng salon.
Sinimulan nitong hagurin na ang kuko sa kaniyang paa, matapos nitong linisin ang kuko niya sa kamay.
Naiidlip na nga noon si Ericka, nang mapahiyaw siya sa sakit!
“Aray! Ang paa ko!” halos mayanig ang buong beauty salon sa lakas ng hiyaw at iyak na iyon ni Ericka. Tiningnan niya ang niyang paa at nakitang dooʼy nakatarak na pala ang puser na ginamit ng baklang manikurista bilang panlinis ng kuko niya.
“Oh, ano, masakit ba?” tila tatawa-tawa pang sabi nito na ipinagtaka niya.
Kahit namimilipit sa sakit ay tinanong niya ito. “Anoʼng problema mo? Anoʼng kasalanan ko sa ʼyo?” tanong niya.
“Kerida ka! Matindi pa sa nararamdaman mong sakit ngayon ang nararamdaman ng besty ko nang agawin mo ang asawa niya! Ang kapal ng mukha mo!” sigaw pa ng beking manikurista na talagang nakakuha ng atensyon ng halos lahat ng mga taong naroon.
“K-kaibigan mo si Lilian?” kinakabahang tanong ng babae. Pinagbubulungan na sila ng karamihan.
Hindi sumagot si Patrick bagkus ay hinugot nito ang puser na itinarak nito kaniyang paa. “Simula ngayon, matatandaan mo na kung gaano kasakit na saksakin ka na lang bigla. Ang markang iiwan ng ginawa ko sa ʼyo ngayon ang magsisilbing paalala na may pamilya kang sinira.
Tandaan mo sanang ang karma ay mabilis lang kung kumilos. Magsaya ka na ngayon, dahil bilang na ang araw mo. Ngayon, umalis ka na rito sa beauty salon ko at magpunta ka sa pulis para idemanda ako. Haharapin kita kahit saang korte pa sa Pinas, kirida!” ang mataray pang pahayag ni Patrick bago nito tuluyang ipagtabuyan palabas ng salon ang babae.
Nang araw na iyon ay napahagulhol si Ericka. Para siyang natauhan habang tinititigan ang sugat sa kaniyang paa. Para siyang biglang binalot ng takot. Tumatak sa isipan niya ang mga katagang binitiwan ng baklang manikurista.
“Karma na ba ito?” tanong niya sa kaniyang sarili. Dahil kung oo, dapat ngayon pa lang ay itama na niya ang mali niya. Nakatatakot na baka hindi lang ito ang abutin niya sa susunod.
Nang makauwi siya ng bahay ay agad niyang hinintay ang pagbabalik ng boyfriend niyang inagaw niya lang sa iba. Nakipaghiwalay si Ericka kahit pa mahal na mahal niya ito, dahil natatakot na siya sa karma. Hindi niya akalaing daranasin niya ang ganito nang ganoon lang kabilis.