Trending ngayon sa social media ang video ng isang babaeng mapagkawanggawa. Tinulungan nito ang isang kapus-palad na matanda.
Sa video na iyon ay nakasakay sa isang motorsiklo ang babae habang may dala-dala itong isang supot ng iba’t ibang klase ng pagkain. Burger, siopao, pizza at ilang mga inuming nakabotelya. Mabagal ang takbo ng motorsiklo dahil sa trapik kaya naman nung napalingon ang babae ay napansin niya ang isang matandang nakaupo sa isang bato na nakalahad ang mga kamay. Nanghihingi ito ng limos.
Dahil doon ay huminto ang babae sa tapat ng matanda at kinausap ito. May kalayuan ang puwesto ng taong kumukuha ng video kaya hindi na narinig pa ang sinabi ng babae. Basta mayamaya lang ay muli itong bumalik sa kaniyang motorsiklo at kinuha roon ang supot na kaniyang dala-dala upang ibigay at ipakain sa pulubi.
Umabot sa milyones ang natanggap na views ng viral video na iyon. Maraming netizens ang humanga. Naging instant celebrity ang dalagang mapagkawanggawa sa kabila ng katotohanang ang videong iyon ay may itinatago palang sikreto.
“Ayos ‘yong video natin, tol. Ang dami ng views tsaka comments,” masayang saad ni Marky, ang taong kumuha ng sikat na video.
“Kaya nga, eh. Ang dami ko ng fans. Baka nga maging instant celebrity na ako ngayon dahil may mangilan-ngilan ng TV shows ang gustong mag-imbita sa akin para ma-interview,” nakangising sagot ni Leana, ang babae sa video.
“Kailan natin gagawin ‘yong susunod na video?” tanong ng lalaki. “Gusto mo bukas na, eh,” saad ng babae. At naghalakhakan ang dalawa.
Tagumpay ang plano ng dalawang oportunistang nagpapanggap lang bilang mga good samaritan! Sa tuwing mayroon silang tutulungan lahat ng iyon ay naka-record at ipinangangalandakan nila sa madla. Wala silang ginawang kabutihan na taos talaga sa kanilang puso. Patuloy nilang naloloko ang mga tao na hangang-hanga sa babae na tampok sa mga videos na iyon. Ginagawa nila ang lahat ng ito para sa kasikatan. Wala ng iba.
‘Di nagtagal ay talaga nga namang naging matunog ang pangalan ni Leana. May mga tao na sa tuwing makakasalubong siya ay nagpapa-picture pa. Feeling celebrity na nga ang babae.
Nagpatuloy ang mga ganoong gawain ng dalawa. Patuloy silang nanloloko ng kanilang kapwa. Sumikat nang sumikat ang dalagang kunwari’y may mabuting puso hanggang sa isang araw ay bigla na lang sumambulat ang pinakatatago nilang sikreto.
Isang netizen ang nag-upload ng video nina Leana at Marky habang humahagalpak sila ng tawa matapos nilang pakainin ‘di umano ang isang pulubi ng tira-tirang pagkain. Sa video na iyon ay isiniwalat ng naturang netizen ang tunay na kulay ng dalawa kaya siguradong hindi na makakalusot pa ang panlolokong ginagawa nila.
“Mga manloloko kayo! Paano ninyo nagagawa ‘yan sa mga tao? Mga walang puso!”
“Grabe. Sobrang na-dissappoint ako sa inyo. Hangang-hanga pa naman ako noong una!”
“Walang lihim na kaya mong itago habang buhay. Lalabas at lalabas din ang tunay na kulay niyo, mga hunyango!”
Sobrang daming hate comments ang natanggap nina Marky at Leana nang malaman ng mga tao na scripted lang pala ang mga viral videos nila!
Agad silang hinagupit ng karma. Halos hindi na makalabas ng bahay ang dalawa dahil sa mga galit na taong bayan na handa silang kuyugin kapag nakita sila. Sobrang dami rin nilang natatanggap na mga pananakot sa kanilang buhay. Hindi na kinaya nina Marky at Leana kaya nag-record sila ng video kung saan taos puso silang humihingi ng tawad sa mga taong niloko nila at inupload nila ito sa mga social media sites.
Laking pagsisisi nila sa mga kalokohang ginawa nila ngunit wala nang gusto pang maniwala na sinsero sila sa paghingi nila ng tawad. Doon ay napagtanto nilang walang magandang maidudulot ang pagpapasikat sa social media lalo na kung ang ginagamit mong paraan ay mali.
Naapektuhan rin maging ang kanilang kabuhayan dahil halos wala nang gustong tumanggap sa kanila sa trabaho. Kalat na kalat sa social media ang mga mukha nina Marky at Leana na para bang mga kriminal sila na kum*til ng buhay dahil lang sa pagiging pabida nila.
Simula noon ay minabuti nilang magbago. Pinahupa nila ang isyu at nagtago sila sa probinsya upang makapamuhay nang maayos. Natuto na sila.
Aminado silang mali ang mga bagay na ginawa nila noon at nangakong hindi na uulit pa. Binawasan na rin nina Marky at Leana ang madalas na paggamit ng social media. Mas pinagtuunan nila ng pansin ang kanilang mga sarili at ang kanilang pangkabuhayan upang mas umunlad. Sa kabutihang palad ay mabilis din namang nabura ang isyu sa internet.
Samantala, paminsan-minsan ay tumutulong pa rin sila sa mga mahihirap upang makabawi. At sa pagkakataong ito ay hindi na scripted ang kanilang pagkakawanggawa.