Pinalayas ng Mapang-abusong Lalaki ang Kaniyang Mag-ina; Darating pala ang Araw na Ito’y Pagsisisihan Niya
Humihikbi si Samantha—o mas kilala sa palayaw na ‘Sam’—habang pinagmamasdang naghuhugas ng plato ang kaniyang ina. Yakap-yakap niya ang isang lumang istaptoy na regalo pa sa kaniya ng ina noong siya ay tatlong taong gulang pa lang.
Matinding awa ang nararamdaman ngayon ng batang si Sam para sa kaniyang mama, dahil puno na naman ng pasa at sugat ang mukha nito, dulot ng ginawang pang-aabuso rito ng kaniyang ama noong nagdaang gabi, nang umuwi itong lasing at walang nadatnang pagkain. Wala naman kasi itong iniwang pera sa kaniyang ina, kaya naman lugaw ang naging pantawid gutom nila nang gabing ’yon.
Ayon sa kaniyang ina, hindi naman daw ganito noon ang kaniyang ama. Ngunit mula nang malaman nitong babae ang kaniyang panganay, at imposible nang magkaroon ng isa pang anak ay ganoon na lang ang panggagalaiti nito. Gusto nito ng anak na lalaki, ngunit imbes ay siya ang dumating sa buhay nito.
Nang gabing iyon ay talagang hindi nagawang alisin ni Sam sa kaniyang bata pang isipan ang awa sa kaniyang ina, kaya naman nang dumating mula sa trabaho ang kaniyang ama ay agad niya itong kinausap…
“Papa, p’wede po bang ’wag mo nang saktan si mama? Kawawa na kasi siya, e,” pakiusap niya sa ama na agad naman siyang nilingon na bakas ang matinding galit sa mukha.
“At sino ka para pangaralan ako?!” nagtatagis ang mga bagang na tanong pa nito.
Agad na umangat ang kanang kamay ng kaniyang ama at handa na sana iyong palapatin sa kaniyang mukha, nang biglang dumating ang kaniyang ina at itinulak ito!
“Saktan mo na ako pero huwag na huwag mong sasalingin ang anak ko. Hindi ako mangingiming gumawa ng masama para sa kaniya!” nagbabantang sabi pa nito na ikinagulat naman ng kaniyang ama. Ito ang unang beses na lumaban ang kaniyang ina kaya naman talagang nabigla ito.
“Ang kapal ng mukha mong lumaban sa taong nagpapalamon sa ’yo! Wala ka na ngang silbi!” hiyaw nito. Dumiretso ito sa kwarto nilang mag-ina at sinimulang iempake ang kanilang mga gamit!
“Lumayas kayo rito sa pamamahay ko!” Inihagis pa nito sa kanilang harapan ang mga gamit.
“Talagang lalayas na kami ng anak ko rito. Hindi ko na kayang buhayin pa siya sa puder ng isang walang pusong kagaya mo!” sagot naman ng kaniyang ina.
Humalakhak ang ama ni Samantha pagkatapos ay muli itong nagsalita. “Sigurado akong magkukumahog lang kayong pabalik sa puder ko. Wala kang pinag-aralan at napakabata pa ng batang ’yan para tulungan kang magtrabaho! Hindi ninyo kayang wala ako sa buhay n’yo!”
Hindi na nila pinansin pa ang sinabi ng kaniyang ama, ngunit sa isip-isip ni Samantha ay ipinapangako niyang hinding-hindi mangyayari ang sinabi nito sa kanila.
Tumira sa isang barung-barong sina Sam at ang kaniyang inang si Teresa sa isang squatter’s area kung saan lumaki noon ang kaniyang ina. Maliit man at magulo sa naturang lugar, pakiramdam nila ay mas ligtas pa sila doon basta’t malayo sila sa kaniyang ama.
Pinasok ni Aling Teresa ang halos lahat ng maaari niyang maging trabaho para lang matustusan ang pangangailangan nilang mag-ina, habang si Sam naman ay lumaking madiskarte sa buhay. Kahit papaano ay naging maayos naman sila. Bagama’t mahirap ay hindi iyon naging hadlang upang sila ay maging masaya.
Matalinong bata si Sam kaya hindi naging mahirap para sa kaniya ang makapasok sa isang kilalang paaralan bilang isang iskolar, habang siya ay nagtatrabaho ng part-time job sa isang kainan. Nagsipag siya at ginawa niya ang lahat upang hindi maging totoo ang sinabi ng kaniyang ama.
Hindi nagtagal ay nakapagtapos ng pag-aaral si Sam. Sa wakas ay naitawid nila ng ina ang buhay estudyante niya at ngayon ay mas matutulungan na niya ito. Hindi nag-aksaya ng panahon si Sam at agad na nag-apply sa isang magandang kompaniya. Doon ay unti-unting naging maganda ang buhay nila hanggang sa makapagpatayo na sila ng sariling bahay sa nabili niyang sariling lupa.
Samantala, hindi na kailan man binalikan nina Aling Teresa at Sam ang kanilang ama kahit pa nabalitaan nilang nagkasakit ito. Talagang binura na nila ito sa kanilang sistema at tuluyan nang kinalimutan na labis namang ikinalungkot nito. Nagsisisi ang ama ni Sam ngunit hindi na siya nabigyan pa ng pagkakataong humingi ng tawad sa kaniyang anak, dahil hindi na siya gumaling sa kaniyang naging karamdaman at siningil na siya ng karma sa lahat ng kaniyang kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pagkawala.