Nakaranas ng Kaapihan ang Dalagitang Ito Mula sa Kamay ng Kaniyang mga Kaanak; Sa Kaniyang Pagtatagumpay, Paghihiganti Kaya ang Ipatitikim Niya sa Kanila?
Isa sa walong magkakapatid si Melba na dahil sa kahirapan ay nanuluyan sa kanyang tiyahin sa Maynila. Sampung taong gulang lamang siya noon ngunit ipinasa na sa kaniya ang halos lahat ng mga gawaing bahay: paglilinis, paghuhugas ng pinggan, pagsasaing, paglalaba, pamamalantsa, pamamalengke at kung ano-ano pa.
“Anak, kaunting sakripisyo lang, ikaw ang may utak sa mga kapatid mo,” laging sinasabi ng kaniyang inay sa tuwing sinasabi niya na hindi na niya kaya.
Apat ang anak ng tiyahin, dalawang babae at dalawang lalaki na animo’y senyorita at senyorito mula nang pumisan sa kanila si Melba. Ang panganay na si Amanda, gayong dalawampung taong gulang na, ay nagpapahilod pa ng kilikili at likod tuwing maliligo.
Pati sarili nitong mga salawal ay si Melba pa ang naglalaba. Gayundin ang ugali ng isa pang babaeng si Georgina. Ang dalawang lalaki naman na sina Edward at Joshua ay gayon na lamang kung mag-utos, laging pasigaw o pagalit. Kapag naglilinis ng sahig si Melba ay hindi man lamang mag-alis ng sapatos ang mga pinsan kapag dumarating.
Animo’y nang-iinis pa na dadaan sa harapan niya, habang siya ay nakaluhod at nakayukong nagpapahid ng floor wax. Kadalasan ay pabalibag pang ihahagis ang pantalong de maong kay Melba at pasigaw na “O, labhan mo ‘yan! Pag natuyo, plantsahin mo ha?!”
Halos araw-araw ay ganyan ang gawain ni Melba: linis, saing, laba, plantsa. Ang bibigat pa mandin ng mga pantalong de maong ng mga pinsan. Ginawa siyang tagalaba ng mga ito.
Kailanman ay tila hindi kaanak ang turing sa kaniya. Kapag may mga bisita sila, atsay ang pakilala nila sa kaniya.
Sa hapag kainan, si Melba ang tagasilbi. Hindi siya isinasabay sa pagkain, laging huli, gayong mahaba naman ang mesang kainan. Kung ano ang matira ay iyon lang ang makakain niya.
Sa murang katawan ni Melba, ang hirap ng trabaho at salat na pagkain sa piling ng tiyahin ay hindi niya inalintana. Ang mahalaga, patuloy siyang makapag-aral sa pampublikong paaralan. Nasa ikaapat na taon na siya at malapit nang magtapos upang magkolehiyo.
Lagi niyang nilalakad ang pagtungo sa paaralan at pag-uwi sa bahay na ang tingin niya ay impyerno. Wala siyang baon, walang snack, laging nagugutuman. Pagdating ng bahay, kahit pagod at gutom, kailangan niya munang maghugas ng mga kaldero’t pinggan na nakatambak sa lababo bago siya makakakain. Kadalasan, matutulog na lang siya ay pasigaw pa siyang uutusan ng mga pinsan.
“Hoy, plantsahin mo muna yung maong! ‘Yung polo!”
Nang makatapos ng high school ay kinuha siya ng kapatid at dinala sa Cebu. Nagpatuloy ng pag-aaral si Melba, naging iskolar sa kolehiyo at nagtapos ng kursong Business Management nang may karangalan – Summa cum laude.
Nakapag-asawa siya ng isang abogado. Ipinagpatuloy niya ang pag-aaral hanggang sa pagka-doktorado.
Nagtayo siya ng sariling kompanya sa tulong ng kaniyang asawa.
Malinaw ang nais na mangyari ni Melba. Nais niyang magbalik sa kaniyang tiyahin at singilin ang mga ito sa kaapihang ginawa sa kaniya.
Sino ang mag-aakalang ang dating inapi ay isa nang matagumpay, at respetadong tao sa mataas na lipunan?
Ang mga pinsan na sa kanya ay nang-api ay walang natapos na pinag-aralan, ganoon pa rin ang buhay, hindi umasenso. Ang iba ay nakapag-asawa ng mga hirap din ang buhay.
Nabalitaan din niya na naibenta na ang malaking bahay ng kaniyang tiyahin dahil nagkasakit ito nang malubha. Nagkabaon-baon sa utang.
Halos maiyak ito nang makita siya, nang dalawin niya ito sa ospital. Hiyang-hiya ang kaniyang mga pinsan sa kaniya, lalo na nang maalala nila kung paano nila tinrato si Melba.
“Kaya ka ba narito Melba ay upang maghiganti sa amin?” tanong ng kaniyang tiyahin.
“Oo, sa totoo lang po. Isa sa mga dahilan ko kung bakit ako nagpayaman ay dahil nais kong maghiganti, pasakitan kayo, at pabagsakin kayo. Gusto kong makitang lumuluhod kayo sa akin,” pag-amin ni Melba.
“P-Patawarin mo kami, Melba…”
“Pero hindi ko na ho gagawin iyon. Sayang po sa oras. Naparito ako upang mag-abot ng tulong sa inyo,” saad ni Melba. Kinuha nito ang isang cheke na naglalaman ng isang milyong piso.
“Gamitin ho ninyo iyan para gumaling kayo o sa iba pang pangangailangan. Gusto ko ring magpasalamat sa inyong lahat dahil ipinaranas ninyo sa akin kung paano maging api—dahil doon, tumapang ako. Nagpursige ako sa buhay. Wala nang dahilan upang paghigantihan kayo dahil langit na ang humatol sa inyo. Salamat,” saad ni Melba at nagpaalam na siya.
Nagpaalam na siya dahil hindi niya mapigilang maluha sa tuwing naaalala ang kaniyang mga pinagdaanan. Ngunit ngayon, maluwag na ang kaniyang dibdib dahil napagpasyahan niyang walang silbi kung maghihiganti pa siya. Kung tutuusin, maayos na ang buhay niya. Hindi niya ipagpapalit ang kapayapaan ng puso sa isang paghihiganting wala namang kapupuntahan.
Namuhay pa nang masagana si Melba kasama ang kaniyang mister na abogado at nagkaroon sila ng dalawang supling. Ang tiyahin naman ni Melba ay gumaling at tuluyan nang nagbago sa kaniyang masamang ugali.