Inday TrendingInday Trending
Hinahamon ng Basag-Ulo ang Batang Iskawt na Ito ng Kaniyang mga Kaklase Subalit Mas Pinili Niyang Magpakahinahon; Talaga Nga Bang Duwag Siya?

Hinahamon ng Basag-Ulo ang Batang Iskawt na Ito ng Kaniyang mga Kaklase Subalit Mas Pinili Niyang Magpakahinahon; Talaga Nga Bang Duwag Siya?

Isang hapon, nang papauwi na ang batang si Erving mula sa paaralan, siya’y hinarang ng limang batang lalaki. Ang mga ito ay naghahanap ng basag-ulo. Sila ay mga kaklase niya.

Pinatigil si Erving sa paglakad at pinagsalitaan ng isa, “Kung talaga kang matapang ay lumaban ka. Pumili ka ng isa sa amin na kasinlaki mo,” ang hamon nito.

Naiinis kasi sila kay Erving dahil ito lang ang bukod-tanging nakuha bilang batang iskawt sa kanilang seksyon. Ibig sabihin, sa mga susunod na taon ay maaari na itong maging isang opisyal.

Sa halip na patulan ay malumanay na sumagot si Erving. “Ayaw ko ng away. Bakit ako lalaban sa inyo? Hindi naman tayo magkagalit!”

“Umiiwas ang boy scout sa away! Duwag ka pala eh!” natatawang sabi ng pinakapinuno ng grupo na si Chito.

At nagkatawanan na silang lima. Subalit kahit na ganoon, minabuti na lamang ni Erving na magpatuloy ng kaniyang paglalakad.

Pagdating sa bahay, agad niyang ikinuwento sa kaniyang Kuya Selmo ang paghahamon ng away sa kaniya ng mga kaklase.

“Aba. Anong ginawa mo?”

“Hindi ko na lang po pinatulan, kuya. Kapag pinatulan ko sila at nasapak ko, baka mamaya magreklamo pa sila sa mga titser namin. Ayoko naman na ipatawag pa ako sa principal’s office, kakatalaga lang sa akin bilang batang iskawt. Baka matanggal ako,” paliwanag ni Erving sa kaniyang kuya.

“Tama ang ginawa mo, Erving. Kasi, sa halip na magkasundo kayo, lalo lamang kayo magkakagalit. Mas mabuti na yung nagpakahinahon ka. Lagi mong isasaisip ang turo sa atin ni Tatay. Hindi sukatan ng tapang ang pakikipagsuntukan,” sabi naman ng kaniyang kuya.

Nang sumunod na mga araw ay inabangan na naman ng lima si Erving. Ngayon ay may kasama na itong pisikalan. Itinulak nila si Erving nang hindi sila pansinin at nagtuloy-tuloy lamang sa paglakad upang makauwi na.

“Lumaban ka!” at dinuraan ni Chito ang mukha ni Erving.

Nagtawanan naman ang lahat. Galit na galit na kinuha ni Erving ang kaniyang panyo at pinahiran ang dura sa kaniyang mukha. Nagtatawanan naman sila.

“Ikaw ay isang duwag!”

“Ano bang problema ninyo sa akin? Hindi ko naman kayo inaano ah. Huwag ninyo akong galitin dahil hindi ninyo magugustuhan ang gagawin ko,” at nag-iinit na nga ang ulo ni Erving. Gustong-gusto na niyang kuwelyuhan si Chito at ang mga kasama nito, subalit naaalala niya ang napagkuwentuhan nila ni Kuya Selmo.

“Totoong maraming dahilan! Lumaban ka kung lalaban. Isa kang duwag!” at sinipa ni Chito si Erving.

“Hindi ako duwag! Hindi ibig sabihin na hindi ako pumapatol sa inyo, eh duwag na ako!” galit na sabi ni Erving.

“Ahhh… siguro hindi ka duwag kundi binabae ka! Beki ka ‘no?” pang-aalaska naman ng isa sa lima na si Thomas. Nagtawanan na naman ang lima.

Gustong-gusto nang pagsasapakin ni Erving ang mga kaklase ngunit nagtimpi na lamang siya. Hindi na niya pinansin ang lima at nagsimula na ulit siyang lumakad. Sinundan pa rin siya ng mga kaklaseng mapanudyo. Hanggang sa sila ay makarating sa isang matayog na puno.

Nagulat sila nang makita ang isang batang nakasabit sa isang sanga at tila mahuhulog ito.

“Tulong! Tulungan ninyo ako!” nagmamakaawang sigaw nito. Sa lupa, makikita ang isang pares ng tsinelas at isang sangang nabali, na naging dahilan ng sitwasyon ng bata.

Walang kumilos sa mga batang nagmamatapang.

Mabilis namang umaksyon si Erving. Dali-dali siyang umakyat ng puno upang iligtas ang kaawa-awang bata. Nakanganga naman ang mga taong nakiusyoso sa ibaba.

“K-Kapatid ko ‘yan! Kapatid ko ‘yan!” naiiyak na bulalas ni Chito.

Maayos namang naalalayan ni Erving ang bata pababa sa puno ng santol. Nagpalakpakan ang mga tao nang makababa na ang dalawang bata.

“Anong pangalan mo, iho? Ang tapang mo! Isa kang bayani!” pahayag ng barangay tanod na naroon upang sumaklolo sana.

“Erving Gasingan po, isa po akong batang iskawt!” pagmamalaki ni Erving.

Hiyang-hiya naman si Chito kay Erving. Nagpasalamat siya sa kaklaseng kanina lamang ay inaaway-away nila at hinahamon ng suntukan.

“Maraming salamat sa iyo. Patawarin mo ako sa aking ginawa kanina. Ngayon ko nabatid na ang katapangan ay hindi nasusukat sa salita kundi sa gawa at tibay ng loob!” wika ni Chito kay Erving.

Sumang-ayon naman ang apat pang kasa-kasama ni Chito. Sila rin mismo kasi ang nakasaksi sa katapangan at tibay ng loob na ipinamalas ni Erving.

Simula noon ay hindi na inaway ng lima si Erving. Sila pa mismo ang nagtatanggol at bumibida rito. Napuri din ng mga opsiyal ng barangay ang mga magulang ni Erving dahil sa magandang ugaling ipinamalas nito.

“Ipinagmamalaki ka namin anak,” wika ng kaniyang ina kay Erving.

Mula noon ay naging kaibigan na ni Erving ang mga kaklaseng nanunudyo sa kaniya.

Advertisement