Inday TrendingInday Trending
Lumaking Tinutukso at Tinutuya ang Batang Ito Dahil Maliit ang Isang Paa Niya; Makaapekto Kaya Ito sa Kaniyang Tiwala sa Sarili?

Lumaking Tinutukso at Tinutuya ang Batang Ito Dahil Maliit ang Isang Paa Niya; Makaapekto Kaya Ito sa Kaniyang Tiwala sa Sarili?

Mula sa kanyang pagsilang ay maliit na ang isang paa ni Shane. Malambot iyon at nakabaluktot. Nang siya ay lumaki-laki, pinasuri siya ng kanyang mga magulang sa mahuhusay na mga doktor. Ang sabi ng mga doktor ay wala na iyong remedyo. Habambuhay na raw magiging lumpo si Shane. Labis na nalungkot at naawa sa kanya ang mga magulang.

Sa kabila nito, pinili pa rin ni Shane na mamuhay nang parang normal lamang.

“Mama, gusto ko po sana sa paaralan ng mga nakakalakad ako mag-aral. Ayaw ko po sa homeschooling,” sabi ni Shane sa kaniyang mga magulang.

“Anak, wala namang kaso sa amin kung naisin mong mag-aral sa paaralan. Kaya lang, ikaw lang ang inaalala namin. Baka lang naman tuksuhin ka sa kalagayan mo,” wika ng kaniyang mommy.

“Oo nga naman, anak. Hindi ka namin maipagtatanggol dahil pareho kaming may trabaho ng mommy mo,” segunda naman ng kaniyang daddy.

“Hindi naman po siguro Mommy at Daddy. Sige na po… ayos lang po sa akin,” giit naman ni Shane.

At nasunod naman ang kagustuhan ni Shane. Ipinasok na nga siya sa isang eksklusibong paaralan.

Lumaki si Shane na laging tinutukso ng mga kalaro. Lalo siyang naging tampulan ng panunukso nang magsimula na siyang mag-aral.

“O, hayan na si Pilantod! Padaanin ninyo!” tukso ng mga pilyong kaklase kay Shane.

“Yes, you are a freak! Bakit pinayagan ng school na makapasok ka rito, like duh?” sabi naman ng isang maarteng kaklase ni Shane.

Sa kabila ng lahat, hindi napipikon si Shane. Hindi siya umiiyak sa panunukso sa kanya. Lumaki siyang matapang at matatag. Pinalaki kasi siya ng kanyang mga magulang na madasalin. Mayroon siyang malaking pananalig sa Diyos kaya naman nagawa niyang tanggapin ang kalagayan nang maluwag sa loob niya.

Hindi rin siya nagsumbong sa kaniyang mga magulang tungkol sa trato sa kaniya ng mga kaklase.

“Kumusta naman sa paaralan, anak?” laging tanong sa kaniya ng Mommy.

“Naku, maayos na maayos naman po. Mababait po ang mga guro at mga kaklase ko, Mommy. Sa totoo lamang po ay marami akong natututuhan sa kanila,” pahayag ni Shane, ngunit sa totoo lamang ay kabaligtaran naman ang totoo.

“Mabuti naman kung gayon, Shane. Mabalitaan ko lang talaga na may umaaway sa iyo sa paaralan na iyan at hindi ako magdadalawang-isip na ilipat ka ng ibang paaralan, o kaya mag-distance learning ka na lang,” wika naman ng kaniyang mommy.

“Naku huwag po mommy, kasi po, may mga bagay akong hindi matututunan sa buhay kung ako lang ang mag-isa. Mas mainam na po na may mga nakakahalubilo ako, para masanay po ako sa tao,” paliwanag naman ni Shane.

Napangiti naman ang kaniyang Mommy sa kaniyang tinuran. Tinawag niya ang anak at pinaupo sa kaniyang kandungan. Niyakap niya ito nang mahigpit at hinalik-halikan sa pisngi.

“Napakagaling at napakatalino naman ng aking anak! Nagkulang man ang isa mong paa pero hindi ang isipan mo. Huwag lang talagang may magtangkang mang-asar o mang-insulto sa iyo, kundi makikita nila ang hinahanap nila!”

Habang nagdadalaga ay nahihilig si Shane sa musika. Nakakatugtog siya ng iba’t ibang instrumentong musikal. Marami ang humahanga sa taglay niyang galing sa pagtugtog.

Upang lalo pa siyang naging mahusay, pinag-aral siya ng kanyang mga magulang ng pagtugtog ng piyano. At natuklasan ni Shane na kulang man siya ng paa, sobra naman siya sa talino sa musika. Maraming mga guro sa musika ang humanga sa kanya. Lahat ay gusto siyang maging mag-aaral.

Hindi tumutol ang mga magulang niya nang naisin niyang kumuha ng kursong may kinalaman sa Musika, sa isang prestihiyosong pamantasan. Dito ay lalong nahasa ang kaniyang husay sa pagpipiyano at pagtugtog ng iba pang mga instrumentong musikal.

Pagkaraan pa ng ilang taon, ibang-iba na si Shane. Isa na siyang kilalang piyanista. Nakarating na siya sa ibang bansa tulad ng Amerika, Espanya, Pransya, at marami pang iba.

Tumugtog siya doon. Naanyayahan pa nga siya sa palasyo ng hari ng Espanya para tumugtog sa hari.

Hindi na siya tinutukso ngayon.

Hindi na pinagtatawanan.

Sa halip, siya ay hinahangaan na at tinitingala, lalo’t alam ng lahat ang kaniyang kapansanan. Kung anuman ang ikinahina ng mga paa niya ay ikinalakas naman ng mga kamay at isipan niya.

Humingi na rin ng tawad sa kaniya ang mga kalaro at kaklaseng nanukso sa kaniya noong sila ay maliliit pa. Agad naman itong pinatawad ni Shane dahil noon nga ay balewala ito sa kaniya, ngayon pa kaya na mas lumawak pa ang pang-unawa niya sa mga bagay-bagay?

Bukod sa pagiging sikat na piyanista ay nagtatag din si Shane ng isang organisasyon na ang adbokasiya ay magbigay ng inspirasyon sa mga kagaya niyang may kapansanan subalit may nag-uumapaw na kakayahan.

Matapos ang ilang taon ay nakapangasawa siya ng isang banyagang tagahanga, at lumagay sila ng tahimik sa ibang bansa.

Advertisement