Inday TrendingInday Trending
Dalawang Araw Pa Lamang na Nakalilipat, Pakiramdam ng Ginang ay May Iba Silang Kasamang Hindi Nakikita sa Bagong Bahay Nila; Hanggang Isang Araw ay Nanlaki ang Kaniyang mga Mata

Dalawang Araw Pa Lamang na Nakalilipat, Pakiramdam ng Ginang ay May Iba Silang Kasamang Hindi Nakikita sa Bagong Bahay Nila; Hanggang Isang Araw ay Nanlaki ang Kaniyang mga Mata

Tuwang-tuwa si Mang Alipio nang ipakita na sa misis na si Aling Guada ang bagong bahay na paglilipatan nila.

“Ay ang ganda naman… may ikalawang palapag at may malawak na bakuran. Puwede akong makapagtanim-tanim. Puwede ring pakawalan ang mga aso,” nakangiting wika ni Aling Guada sa mister habang sinusuyod ng tingin ang kabuuan ng bahay.

“Oo, Mahal. Mabuti nga at medyo sa mura-murang halaga niya ibinenta sa akin ang bahay, kasi nagmamadali yung may-ari nito. Mangingibang-bansa na kasi kaya nagmadali siyang ipabenta ang bahay. Eh nagkataon namang kasya naman ang ipon natin, saka pumayag siya na hulug-hulugan yung ibang mga kulang,” paliwanag ni Mang Alipio.

“Sige, Mahal. Ayos na rin ito sa atin. Palagay ko nga eh sapat na sapat na ito para sa ating apat ng mga bata. Nasasabik na akong makalipat dito,” nakangiting sabi ni Aling Guada.

Pumasok sila sa loob at sinuri ang iba’t ibang bahagi ng bahay. Umakyat din sila sa itaas upang tingnan ang mga kuwarto. Dalawa ang kuwarto rito: isa ay master’s bedroom para sa kanilang mag-asawa, at ang isa naman ay para sa kanilang dalawang anak.

Isa sa mga nakapukaw ng pansin ni Aling Guada ay ang malaking estanteng nakadikit sa pader sa bandang kusina.

“Ito ang gusto ko, may built-in na estante para marami tayong mailagay na mga kasangkapan,” sabi ni Aling Guada.

Agad naman siyang dinaluhan ng mister at inakbayan. Pinigilan nito ang mga kamay niya na hawakan ang estante.

“Huwag mo munang hawakan ‘yan, maalikabok. Lilinisin pa natin iyan,” saway ni Mang Alipio. “Pero tama ka mahal, isa ‘yan sa mga magaganda rito sa bahay. Tiyak na may paglalagyan ang mga abubot mo.”

Mabilis na ngang nag-impake ang mag-anak. Agad na silang lumipat sa bagong bahay. Inayos na nila ang mga gamit nila sa kani-kanilang mga kuwarto.

Makalipas ang dalawang araw, kinausap ni Aling Guada ang kaniyang mister.

“Hindi ko lang alam kung ako lang ito, pero may napapansin akong kakaiba sa bahay na ito. Pakiramdam ko may iba tayong kasama,” wika ni Aling Guada.

Napalunok naman si Mang Alipio.

“I-Ibang kasama? Anong ibig mong sabihin?”

“Wala naman… pakiramdam ko lang na may ibang nakatira dito, ligaw na kaluluwa. Naalala ko, nilipatan kaagad natin ang bahay na ito at hindi man lamang natin napabendisyunan sa pari,” sabi ni Aling Guada.

“Ah oo nga… pero ako, wala naman akong ibang maramdaman sa bahay na ito, siguro dahil hindi naman bukas ang third eye ko. Pero maganda rin ang sinabi mo na kailangan nga siguro nating pabendisyunan ito, para mawala na ang mga nararamdaman mong masamang elemento.”

“Oo, sa lalong madaling panahon, mahal. Lalo na sa bandang kusina. Pakiramdam ko, may mga naglalakad-lakad doon… minsan ay nakaririnig ako ng mga kaluskos. Parang may nagbubukas ng ating refrigerator, o kaya naman ay may kumakalatog na mga pinggan. Teka, sigurado ka bang walang nakikita eh bumababa ka sa madaling-araw at sabi mo ay nagbabanyo ka?”

“W-Wala naman akong nararamdaman, Mahal… alam mo namang hindi naman ako matatakuting tao. Saka wala naman akong nararamdaman lalo na kapag nasa palikuran ako,” saad naman ni Mang Alipio.

Naisip ni Aling Guada, baka siya nga lang ang nakakaramdam dahil noong maliit pa siya, madalas siyang makakita ng white lady at iba pang mga espiritung pagala-gala.

Isang madaling-araw, naalimpungatan si Aling Guada. Napatingin siya sa orasang nakasabit sa kanilang dingding. Alas tres ng madaling-araw. Wala sa kaniyang tabi ang mister. Baka nagbanyo, naisip ni Aling Guada.

“Ang mabuti pa’y magbanyo na rin ako…”

Bumaba si Aling Guada sa unang palapag dahil naroon ang banyo. Sorpresang wala roon ang mister.

“Aba? Saan kaya nagsuot ang lalaking iyon?”

Napadako ang kaniyang mga mata sa bandang kusina. Napansin niya na parang nakausli ang built in cabinet. Nilapitan niya ito upang i-urong sana ngunit napatda siya sa kaniyang nakita.

Ang built in cabinet pala na iyon ay nagsisilbing pinto para sa isang lagusan pababa. May basement pala ang bahay na iyon!

Dala ng kuryosidad, bumaba rito si Aling Guada. Maayos naman ang hagdanan kaya agad siyang nakarating sa ibaba, na may nakasinding ilaw. Nagulat siya dahil maayos ang ilalim nito, na parang isang sala rin.

Ngunit ang mas ikinagulat ni Aling Guada ay nang makita ang hubo’t hubad na mister na nakakubabaw sa isang hubo’t hubad na babae rin.

Nanlaki ang kaniyang mga mata.

Tila nakakita ng multo sina Mang Alipio at ang babae. Dali-dali silang nagkalas sa isa’t isa at pinagdadampot ang mga saplot nila na nasa sahig.

“Mga hayop kayo! Mga baboy!” galit na galit na sabi ni Aling Guada.

At naisiwalat sa kaniya ang katotohanan. Hindi pala multo ang mga naririnig niyang kumakaluskos sa kusina kundi tunay na tao. Hindi isang white lady kundi isang tunay na babae.

Hindi totoong naibenta kay Mang Alipio ang bahay. Ang totoo, bahay iyon ng kaniyang kabit. Upang magkasama na silang lahat, nagtiis ang babae na manirahan sa bandang basement ng bahay. Tuwing madaling-araw, bumababa sa kaniya si Mang Alipio upang mapagsaluhan nila ang mga nakaw na sandali.

Nag-alsa balutan si Aling Guada at isinama niya ang kaniyang mga anak. Sising-sisi naman si Mang Alipio dahil tuluyan nang nasira ang kaniyang pamilya.

Matapos ang ilang taon, nagkahiwalay rin sina Mang Alipio at ang kabit niya. Sinubukan ni Mang Alipio na makipagbalikan kay Aling Guada, subalit hindi na ito pumayag. Walang nagawa si Mang Alipio kundi ang magpakalayo-layo at manirahan nang mag-isa.

Advertisement