Inday TrendingInday Trending
Retirado na ang Gurong Ito; Ano Kaya ang Gagawin Niya Ngayong Nakatambay na Lamang Siya sa Bahay?

Retirado na ang Gurong Ito; Ano Kaya ang Gagawin Niya Ngayong Nakatambay na Lamang Siya sa Bahay?

“Ma’am, mami-miss ka namin!”

Halo-halo ang emosyon ni Nida, 60, isang head teacher sa pampublikong paaralan, dahil ngayon ang huling araw niya sa pagseserbisyo. Opisyal na siyang retirado.

Bilang pasasalamat sa kaniya, hinandugan siya ng isang simpleng salusalo ng kaniyang mga kasamahan at punungguro, na naging pangalawa na niyang pamilya. Ang totoo niyan, baka nga sila pa ang una dahil wala naman siyang asawa at anak.

Kagaya ng ibang kinahihinatnan ng mga gurong labis na minahal at niyakap ang pagtuturo, buong buhay ng pagiging isang maestra ni Nida ay inialay niya sa kaniyang mga mag-aaral at kapwa guro.

“Mami-miss ko rin kayo… kung puwede lang sana na panghabambuhay na ako rito sa paaralan, gagawin ko… pero wala eh, ganoon talaga,” maluha-luhang sabi ni Nida sa kaniyang mga kasamahan. Hinubad niya ang kaniyang salamin at pinunasan ang luha.

“Speech naman diyan, Ma’am Nida! Gusto naming makarinig ng mga words of wisdom mula sa inyo,” untag ng isang kasamahan niya.

Nagpalakpakan naman ang lahat at nanahimik na upang makinig sa sasabihin ng gurong magreretiro na.

“Alam ninyo… noong katatapos ko pa lamang sa kolehiyo, pumasok kaagad ako sa isang pribadong paaralan. Dalawang taon ako roon bago ko naisipang mag-aplay na sa pampublikong paaralan. Sabik na kaagad ako sa tunay na serbisyo ng pagtuturo. Kaya naman hindi na ako nag-atubili pang maagig guro dito sa pampublikong paaralan. Hanggang sa hindi ko na nga namalayan ang panahon,” naiiyak na mensahe ni Nida.

“Mami-miss ko kayong lahat! Sana naman, huwag ninyo akong kalilimutan!” sumisigok-sigok na pamamaalam ni Nida sa kaniyang mga kasamahan.

Kinabukasan, kagaya ng pagbangon niya sa araw-araw, alas kuwatro pa lamang ng madaling-araw ay bumangon na si Nida. Kagaya ng nakagawian niya, agad siyang nagsaing, nagluto ng ulam, at nagpainit ng tubig upang pampaligo.

Nang nasa banyo na siya, napahinto siya nang maalala niyang retirado na nga pala siya at hindi na niya kailangan pang pumasok sa paaralan.

Nakaramdam ng kalungkutan si Nida.

Ipinagpatuloy na lamang niya ang paliligo. Wala namang masama.

Pagkatapos makaligo at makakain ng agahan, kinuha ni Nida ang paborito niyang planner. Pati panulat na rin.

Mag-iisip na lamang siya ng mga nararapat gawin at asikasuhin habang wala siyang trabaho.

Tama, maghahalaman na lamang siya. Matagal na siyang hindi nakakapagtanim sa bakuran. Noong isang araw lamang ay tinanong siya ni Enyong, ang hardinero nilang kalapit-bahay, kung balak ba niyang magpa-landscape ng bakuran.

Susunod, aayusin niya ang mga gamit niya sa kuwarto. Ibubukod-bukod ang mga damit na luma at maaari nang ipamigay. Iyong mga puwede pa, itatago sa cabinet.

Pagkatapos, lilinisin niya ang kusina, ang labahan, at maglilinis ng banyo.

Lumipas ang maghapon na nagawa nga ni Nida ang mga inilista niyang gawain. Kahit paano naman ay nalibang siya.

Subalit hindi niya alam kung tatagal ba siyang ganito na ang panibagong siklo ng kaniyang pamumuhay. Nasanay siyang maraming ginagawa, maraming iniisip, maraming iniintindi.

Sa una, nalilibang naman siya sa kaniyang mga ginagawa. Ngunit habang tumatagal, saka lamang pumapasok sa isipan niya na hindi ito simpleng bakasyon lamang, hindi Christmas break o semestral break, kundi hanggang marahil sa malagutan na siya ng hininga.

Ayaw niyang mawala sa kaniya ang pagtuturo.

Sanay siyang kumakausap ng mga bata. Sanay siyang naririnig ang makukulit nilang mga tanong, ang matitinis nilang tinig sa tuwing tumatawa sila at natutuwa sila, ang mga takbuhan at pagpapapansin nila sa guro.

Ano kayang marapat niyang gawin?

Minabuti ni Nida na maglakad-lakad. Gusto niyang sumagap ng sariwang hangin. Minabuti na lamang niya na mamalengke upang mapunan na rin ang kaniyang refrigerator ng mga suplay na kailangan niya.

Habang naglalakad ay dumako ang kaniyang mga paningin sa mga naglisaw na batang kalye. Nakaramdam siya ng awa. Kung marami lang sana siyang pera, magpapagawa siya ng isang malaking bahay at doon niya ititira ang mga batang lansangang pinabayaan na ng kanilang mga magulang.

Ang mga batang ito na pakalat-kalat ay dapat sanang nilalasap lamang ang kagandahan ng pagkabata, na minsan lamang dumating sa buhay ng isang tao.

Hanggang sa bigla na lamang may sumagi sa kaniyang isipan.

Hindi naman niya kailangan ng malaking bahay upang gawin ang naiisip niya para sa kanila.

Ito na ang tamang panahon upang gawin ang matagal na niyang pangarap gawin.

Sa mga nagdaang araw, maaga pa rin ang gising ni Nida.

Alas kuwatro pa lamang ng madaling-araw ay bumangon na siya. Kagaya ng nakagawian niya, agad siyang nagsaing, nagluto ng ulam, at nagpainit ng tubig upang pampaligo.

Ngunit hindi siya ang aalis.

Siya ang pupuntahan.

“Good morning po, Teacher Nida!” masayang bati sa kaniya ng mga batang lansangan.

“Good morning sa inyo! Oh, bago tayo magsimula sa leksyon natin, kumain muna kayo ng mainit na sopas,” nakangiting sabi ni Nida at inilabas na ang isang malaking kalderong umuusok. Nagpalakpakan naman ang mga bata.

“Pagkatapos ninyong kumain, liligpitin ang mga kinainan doon sa lababo, at magsisimula na tayo sa ating talakayan. Nariyan sa ilalim ng upuan ninyo ang mga bag na naglalaman ng mga materyales na gagamitin ninyo,” muling paalala ni Nida.

Pagkatapos magsikain at magsiligpitan, kaniya-kaniyang puwesto na nga sa mga upuan ang mga bata upang makinig sa pagtalakay ng aralin ng kanilang guro. Tuturuan sila nito kung paano magsulat sa papel.

Hinding-hindi tatalikuran ni Nida ang pagtuturo—na mas mukhang espesyal ngayon.

Advertisement