Hindi Naniniwala sa Siyensya at Doktor ang Lolong Ito Dahil Dati Siyang Albularyo; Mapagaling Kaya Niya ang Paboritong Apo?
Noon ay buong kataimtimang minalas ni Lolo Juaning ang kanyang lalabing-animing taong apong lalaki sa pagkakahigang walang katinag-tinag. Sa ilalim ng maputing kumot, ang kanyang apong nakatihaya ay matuwid na matuwid na katulad ng isang b*ngkay, walang kakilus-kilos maaliban, marahil, sa maminsan-minsang pagkibot ng mga labing nanuyo at halos kasimputla ng kandila.
Maya-maya’y marahang dinama ng kanyang palad ang noo ng nahihimlay na maysakit. Sa gayong pagkakadantay, ang nakahiga ay napakislot na animo’y biglang nagulat ngunit hindi rin nabalino sa pagkakahimbing.
“Maria Santisima!” ang nahihintakutang bulong ni Lolo Juaning sa kanyang sarili samantalang iniaangat ang kanyang kamay mula sa pagkakadantay sa noo ng apo.” Nagbalik na naman ang kanyang lagnat.”
Nawala na ang lagnat ng bata subalit bigla na namang nagbalik.
Nabalisa ang matanda dahil alam niyang masama ang lagnat na nagbabalik. Nangangahulugang hindi pa nawawala nang tuluyan ang pinakadahilan kung bakit mayroon nito.
Siya ang nagpalaki sa kaniyang kaisa-isa at kauna-unahang apong si Tonton kaya alam niya kung ano ang mga iniinda nito. Isa siyang mahusay na albularyo noon, at marami sa mga kanayon niya ang napagagaling niya batay sa mga alam niyang orasyon.
Si Tonton ang dahilan ng kadalasan ay mainit na pagtatalo sa pagitan nina Lolo Juaning at anak niyang si Imelda, at kadalasang ang matanda ang nagtatagumpay. Hindi niya mapapayagang masaling man lamang ng anak niya, o ng manugang niya ang kanyang si Tonton.
Naiisip niya, baka si Tonton ang binabalikan ng mga masasamang espiritung napalayas niya noon. Kaya kailangang kalabanin niya ang mga ito. Hindi maaaring dalhin sa ospital ang kaniyang apo dahil baka mas lumala ang karamdaman nito, at magalit ang mga espiritung nagpapahirap dito. Hindi siya makapapayag na makuha sa kaniya si Tonton.
Si Lolo Juaning ay nagsimulang mag-isip nang malalim. Kailangang si Tonton ay maligtas sa kuko ng kapahamakan. Sa kanyang pagkalito ay pumasok sa diwa ang gunita ng mga santo, panata, debosyon…
“Mahal na Hesus Nasareno!” ang kanyang marahang bulong kasabay ang pagtitirik ng mga kandila.
“Para Mo nang awa! Iligtas Mo po ang aking apo at magsisimba kami ng siyam na Biyernes sa Quiapo. Huwag Mo po siyang kunin. O kaya naman ay tuluyan ko nang tatalikuran ang pag-aalbularyo, at pag-alam sa rurok ng mahikang itim, pagalingin Mo lamang ang aking apo!”
Natatandaan pa niyang ang panata ring yaon ang nagligtas sa kanyang anak na ina ni Tonton.
Maya-maya, ang maysakit ay kumilos. Dahan-dahang idinilat niya ang kanyang mga matang wari ay nananaginip at saka tumingin-tingin sa kanyang paligid. Hindi naglaon at namataan niya ang kanyang impo sa kanyang tabi. Inilabas niya ang kanyang kamay sa kumot at saka iniabot ang kamay sa matanda.
“Lolo,” ang mahinang tawag.
“Oy, ano iyon, iho?” ang tugon ni Lolo Juaning sabay pihit at yumukod nang bahagya upang mapakinggan niyang mabuti ang sasabihin ni Tonton.
“Kumakalam po ang sikmura ko. Gutom na ako…”
“Ah sige, mainam na humihilab ang tiyan mo sa gutom at naghahanap ng pagkain. Kukuha ako ng gatas at inumin mo.
“Ayoko po. Sawang-sawa na ako sa gatas.”
“Ah ganoon ba… sige kukuha na lamang ako ng biskwit.”
“Ayoko po ng biskwit.”
Napamaang si Lolo Juaning. Bukod sa prutas, biskwit, at gatas, wala na raw munang dapat ipakain kay Tonton.
“Alam ko na, maglulugaw na lamang ako…”
“Ayoko!”
“Naku, wala na akong maisip na kainin mo, apo…”
“Basta’t nagugutom po ako, lolo.”
Bahala na!
“Sige, gagawa ako ng paraan. Sasaglit lamang ako sa kusina.”
Maya-maya ay may dala-dala na si Lolo Juaning. Spaghetti. Ito ang paborito ni Tonton. Mabuti na lamang at nagtitinda ang kanilang kapitbahay, sa murang halaga lamang. Nang makita ni Tonton ang pagkain, nagpumilit itong tumayo upang makakain na.
Sinubuan ni Lolo Juaning ang kaniyang apo. Tila hayok na hayok na lobo ang apo sa bawat pagsakmal sa tinidor na may nakapulupot na hibla ng pulang pasta.
Nasa ganito silang eksena nang dumating ang anak niyang si Imelda at ang manugang niyang si Carlito.
“Tatay! Ano ba ‘yan! Anong ginagawa ninyo? Hindi ba’t kabilin-bilinan ng doktor na huwag pakakainin ng kahit na anuman ang bata? Ang kulit ninyo!” naghihisteryang saway ni Imelda sa kaniyang ama.
“Sus! Nagpapaniwala kayo sa mga doktor na iyan. Ginagatasan lamang kayo ng mga lintik na iyan. Anong gusto mong gawin ko, nagugutom ang apo, gusto mo bang mawala ang bata nang dilat ang mga mata dahil sa gutom at hindi nakain ang gusto niya?”
Nakita ni Lolo Juaning ang pagkuyom ng palad ng kaniyang manugang, subalit nagtimpi ito. Kahit kailan, ganoon naman ang ugali ni Carlito. Alam niyang nais siyang kontrahin nito sa mga pagdedesisyong ginagawa niya sa anak nito, subalit hindi niya alam kung bakit ayaw siya nitong awayin, bagay na hinihintay niyang mangyari.
Maya-maya, nagkikisay-kisay na si Tonton. Tumirik ang mata. Nataranta sina Imelda at Carlito. Binuhat na ni Carlito ang anak at pinara ang tricycle na nakita sa kalsada, patungong ospital.
Natulala si Lolo Juaning. Agad niyang kinuha ang kaniyang aklat ng mahika at umusal ng panalangin sa espiritu ng mga babaylan upang pagalingin ang apo.
Subalit tila hindi siya pinakinggan.
Ang nalaman na lamang niya ay naglulupasay sa sahig ng ospital sina Imelda at Carlito.
Wala na ang kaniyang apo.
Tatlong araw at tatlong gabi ang lamay. Walang kakibo-kibo si Lolo Juaning.
Matapos ang paghahatid sa huling hantungan, kinuha ni Lolo Juaning ang kaniyang basurahan na yari sa kalahating dram. Inihagis niya roon ang lahat ng mga kagamitan sa panggagamot. Kinuha niya ang gaas mula sa kaniyang gasera. Binuhusan ang mga ito. Kinuha niya ang posporo, sinindahan, at nang magningas ay inihagis sa mga gamit na basang-basa ng gaas.
Sumilab.
Nawala na sa kaniya si Tonton.
Lumayo na rin si Imelda at ang kaniyang manungang dahil sa labis na sama ng loob.
Sa pag-angat ng mga usok na kulay-itim sa alapaap mula sa naglalagablab na apoy, bumabalong ang paghihinagpis ni Lolo Juaning, na kinakain ang puso sa labis na pagsisisi.