Nang Umuwi sa Kanilang Nayon ang Babaeng Ito, Pakiramdam Niya ay Estranghero na Siya sa Kaniyang mga Kababaryo; Sadya Nga Bang Nagbago na Sila o Siya ang Nagbago?
Mukhang artista. Artista nga ba? Artista?
Mula nang dumating si Alice sa kanilang baryo ay hindi miminsang narinig niya ang tanong na iyon na tila ngayon lamang siya nakita. Gayong umuuwi siya dalawang ulit sa isang taon – kung Araw ng mga Kaluluwa at kung Pasko. O napakadalang nga iyon, bulong niya sa sarili. At maging sa mga sandaling ito na wala nang kumikibo sa tumitingin sa kanya ay iyon din ang katanungang wari ay nababasa niya sa bawat mukha, sa bawat tingin, sa bawat matimping ngiting may lakip na lihim na sulyap.
At mula sa salamin sa kanyang harapan ay nakita niya si Nana Ibyang sa kanyang likuran. Hinahagod ng tingin ang kanyang kaanyuan. Matagal na pinagmasdan ang kanyang buhok. Hindi ito makapaniwala nang sabihin niyang serbesa ang ipinambasa sa buhok niya bago iyon sinuklay. Nandidilat si Nana Ibyang nang ulitin ang tanong.
“Serbesa ba ‘kamo, bata ka, ha?”
Ngumiti siya kasabay ang mahinang tango. At nang makita niyang nangunot ang noo nito, idinugtong niya ang paliwanag. “Hindi masama’ng amoy, Nana.”
Ngayon, sa kanyang pandinig ay hindi na kaila sa kanya ang pagtuon ng tingin nito sa kanyang suot. Kitang-kita ang kaniyang maputing balikat, at tila nakasabit lamang sa gilid ng kilikili at tila nanunuksong pinipigil ang pagsungaw ng kanyang dibdib. Sa kanyang baywang na lalong pinalantik ng lapat na lapat na palda. Sa laylayan na may gilit upang makahakbang siya.
“Ibang-iba na nga ngayon ang… lahat!” at nauulinigan niya ang buntung-hiningang kumawala sa dibdib ng matandang ale.
Napangiti siya. Alam niyang iyon din ang sasabihin ng kanyang ina kung makikita siya ngayon. Pati ang kanyang ama na hindi naging maligoy minsan man, sa pagkakaalam niya, sa pagsasalita. Iyon din ang narinig niyang sabi ng kanyang Kuya Clemente.
At ang apat niyang pamangkin ay halos hindi nakahuma nang makita siya kaninang naka-toreador na itim at kamisadentrong rosas. Pinagmasdan siya ng kanyang mga kanayon, mula ulong may taling bandana, sa kanyang salaming may kulay, hanggang sa kanyang mag mapulang kuko sa paa na nakasungaw sa footwear na bukas ang nguso.
“Sino kaya’ng magmamana sa mga pamangkin mo?” tanong ngayon ng kanyang Nana Ibyang. “Ang panganay sana ng Kuya mo…matalino…”
“Sinabi ko naman sa Inso…ibigay na sa ‘kin at papapag-aralin ko sa Maynila. Nag-iisa naman ako. Ang hirap sa kanila…ayaw nilang maghiwa-hiwalay. Kung sinunod ko ang gusto ni Ina noon… kung natakot ako sa iyakan…” Tumigil siya sa pagsasalita. Alam niyang hindi maikukubli ng kanyang tinig ang kapaitang naghihimagsik sa kanyang dibdib.
“Tigas nga naming iyakan nang lumawas ka…” ayon ni Nana Ibyang.
“Noon pa man, alam kong nasa Maynila ang aking pagkakataon. Kung nakinig ako sa mga sinasabi nila, eh ‘di sana ay hindi ako nakaahon ngayon sa kahirapan. Mananatili akong kagaya ng ating mga kanayon. Nakikita ko at nararamdaman kong kakaiba ang titig nila sa akin. Ngunit wala akong pakialam.”
Tumahimik na lamang si Nana Ibyang. Maya-maya, isang matinis na tinig ang maririnig. Si Ninay, ang matalik na kaibigan ni Alice.
“Tingnan mo nga naman ang balikbayan oh! Kumusta ang abroad?” parunggit nito sa kaniya.
Pinandilatan niya ng mga mata ang noon ay kararating lamang na kaibigan.
“Sige, gatong pa. Ano bang problema ninyo sa akin? Hindi ako galing sa ibang bansa—galing lang ako sa Maynila. Ano bang masama sa hitsura ko ngayon? Ito na ang hitsura ng isang modernong babae. Palibhasa’y old-fashioned kayo rito eh,” tuloy-tuloy na litanya ni Alice.
“Teka muna, teka muna! Saan nanggagaling ang hugot na ito, bes? Ang ibig ko lang sabihin ay kay ganda mo, at mukha kang galing sa abroad. Hindi ka ba natutuwa sa mga sinabi ko? Anong nangyayari sa iyo?”
“Eh kasi naman eh… ang mga kanayon natin… simula nang magawi ako rito upang magbakasyon, halos suriin na nila ang kaloob-looban ng katawan ko, porke’t maiksi ang skirt ko, o naka-tube ako’t pupunta sa palengke. Masama bang pumorma at ipakita sa kanila ang bagong ako?” hinanakit ni Alice.
“Hindi naman sa gayon, bes. Wala namang kaso siguro sa mga kanayon natin, nauunawaan naman nila. Kaya lang batay sa mga narinig ko, simula raw ng tumapak ka ulit dito sa ating bayan, nagbago ka na raw nang tuluyan. Hindi ka na raw namamansin. Hindi nila makita ang mga mata mo dahil laging natatakpan ng shades. Mataas daw ang mga noo mo at parang hindi pa man nagsasalita, nag-iiwan ng mensahe at impresyon sa kanila na ayaw mo silang kausap. Ni hindi ka raw ngumingiti,” paliwanag ni Ninay.
Napatungo naman si Alice. Totoo naman ang mga sinasabi ng kaibigan. Pinili niyang maging ganoon upang ipakita sa mga kanayon na kung hindi niya sinubukang talikuran ang mga magulang, walang mangyayari sa kaniyang buhay.
Ngunit iba pala ang mensaheng nakakarating sa kanila batay sa kaniyang ikinikilos. Na nagbago na siya at yumabang na, porke’t nakarating na siya at nanirahan nang matagal sa Maynila.
Nakalimutan niyang konserbatibo nga pala ang kultura ng kanilang nayon. Sanay ang mga taong nagbabatian, nakikipagpalagayang-loob, tumitingin nang diretso, mata sa mata, at nababanaag ang katotohanan at katapatan.
Kinabukasan, masayang nakipaghuntahan si Alice sa ilang mga kanayon. Wala na ang shades sa kaniyang mga mata. Simple lamang ang kaniyang pananamit. At marunong na ulit siyang ngumiti. Mas gumaan ang pakiramdam niya.