Sikat na Sapatero ang Kaniyang Ama Ngunit Ikinahihiya Niya Ito; Hanggang Isang Araw, Magsisisi Siya
Sapatero ang tatay ni Edward. Kilalang-kilala ang mga likha nitong sapatos sa buong bayan. Marami ang pumupunta sa kanilang bahay upang magpasadya. Ayon sa mga sabi-sabi, tatalunin pa raw ng mga sapatos ng kaniyang tatay ang mga sapatos na gawang-Marikina.
Matibay, pulido, at malikhain ang mga disenyo ng kanyang mga sapatos.
“Ang galing mo namang mag-isip ng mga kakaibang estilo ng sapatos! Ang gaganda!”
“Siguro, dinadalaw ka ng diyosa ng mga sapatos at suwelas. Teka, may diyosa nga ba ang mga iyon?”
“Parang may mahika ang ang iyong kamay!”
Sa lahat ng mga natatanggap na papuri, matipid na ngingiti lamang ang kaniyang tatay. Tahimik na tao lamang ito. Bihirang magsalita. Lumaki siyang kapiling ang mga sapatos na gawa ng kaniyang tatay. Madalas ay kinaiinggitan siya ng mga kalaro at kaklase niya.
Subalit ang totoo niyan, ikinahihiya niya ang trabaho nito.
Pakiramdam niya kasi ay mababa lamang ang antas ng halaga ng trabaho nito at hindi ganoon kahalaga. Isa pa, laging marumi ang katawan at mga palad nito. Sa tuwing nakikita niya ang mga kamay nito, lalo na kapag mahahaba ang mga kuko’t hindi man lamang magupitan, siya ang nahihiya. Kumakapit sa mahahabang kuko ng makapal at magaspang na palad ng kaniyang tatay ang duming maitim. Nakakadiri.
Madalas ay tinatawag siya ng kaniyang tatay sa tuwing gumagawa ito ng sapatos. Siya ang nag-aasiste rito. Bagama’t wala namang sinasabi ang kaniyang tatay na ipamamana nito sa kaniya ang gawaing iyon, sa palagay ni Edward ay iyon na nga ang nais ipahiwatig nito.
Kung siya ang tatanungin, ayaw niyang matutuhan ang pagyari ng sapatos. Gusto na niyang maputol sa kaniyang tatay ang kasanayang ito. Ayaw niyang maging sapatero.
Nais niyang maging piloto ng eroplano.
“Wala tayong pera para diyan, anak. Maaari kitang masuportahan sa ibang kurso, pero sa palagay ko, hindi natin kakayanin ang nais mong kurso upang maging piloto.”
“Tay, ito po talaga ang gusto ko eh. Kahit po magtrabaho ako, para lamang masuportahan ang gusto kong kurso, gagawin ko ho. Isa pa, may alam po akong aviation school na nag-ooffer ng scholarship. Mag-aaplay po ako roon, baka sakali lang pong makapasa. Matutupad ko na po ang pangarap ko,” matatag na sabi ni Edward sa kaniyang tatay.
Kagaya ng hindi pagkibo ng kaniyang tatay, tila wala rin itong nagawa sa kagustuhang niyang makapasok sa aviation school. Pinalad naman siyang matanggap sa scholarship kaya ganoon na lamang ang pagkatuwa niya.
Ngunit ang tanong, ngayong may scholarship na nga siya, paano naman ang kaniyang mga pang-araw-araw na gastusin?
Sinubukan na niyang mag-aplay ng trabaho sa mga fast food chain bilang serbidor, o kaya namay ay bagger sa mga supermarket, subalit ni isa sa mga pinagpasahan niya ng resume ay walang tumawag sa kaniya.
Kaya ang nangyari, napilitin siyang gawin ang isang bagay na pinakaiiwasan niyang gawin—ang gumawa at mangumpuni na rin ng mga sapatos.
Doon din pala ang bagsak niya. Sige, aaralin ko, sabi niya sa sarili niya.
Kaya naman pinagtiyagaan ni Edward ang gawaing ipinangako niya sa sariling hinding-hindi niya mamanahin sa kaniyang tatay. Gusto niya kasing matapos na iyon upang ang mga susunod na salinlahi nila, na magmumula sa kaniya, ay pawang mga propesyunal na.
Sa loob ng apat na taon ay nagamay na rin ni Edward ang paggawa at pagkukumpuni ng mga sapatos, lalo’t itinuro sa kaniya ng tatay ang mga teknik at paraan nito sa pagdedesenyo ng mga sapatos. Puring-puri rin ang mga suki sa kaniya, gaya ng pagpuri sa kaniyang tatay.
“Namana mo ang husay ng pagiging malikhain sa tatay mo!” madalas ay naririnig niya mula sa kanila.
Aminado naman si Edward na sa panahon ng kaniyang paggawa ng mga sapatos ay nalilibang din siya sa ginagawa niya—kahit na mahirap para sa kaniya ang pag-aaral, nawawala ang kaniyang pagod sa tuwing gumagawa siya ng mga sapatos.
Sa araw ng graduation, isang simpleng regalo ang ibinigay sa kaniya ng tatay niya. Isang napakagandang sapatos!
“Anak, ginawan kita ng espesyal na sapatos—na sana ay magamit mo kapag ikaw ay nasa himpapawid na, nagpapaandar ng eroplano. Kapag nasa himpapawid ka na, at kapag nakita mo ang sapatos na ito, magsilbing tanda sana ito sa iyo na kahit gaano katayog pa ang marating mo sa ere, lagi mong tandaang itapak pa rin sa lupa ang mga paa mo—gamit ang mga sapatos na ito,” makahulugang paalala sa kaniya ng tatay niyang sapatero.
Kaya ngayong isa na siyang kapitan ng eroplano, iisang sapatos lamang ang gamit niya—ang regalo sa kaniya ng tatay niya, na pakiramdam niya ay nakaalalay sa kaniya saan man siya makarating.
“Ganda ng sapatos mo ‘tol ah, saan mo nabili ‘yan?”
“Gawa iyan ng tatay ko, ako lang ang mayroon niyan,” laging ipinagmamalaki ni Edward sa kaniyang mga kasamahang piloto.
Ngayon, labis-labis niyang ipinagmamalaki ang tatay niyang sapatero!