Magarbo ang Kasal ng Lalaking Ito Dahil Ito na ang Tradisyon sa Kanilang Baryo; Hindi Sila Nakatulog ng Kaniyang Asawa sa Kanilang Narinig Mula sa mga Magulang
Hindi niya nalilimutan, na noong siya ay may gulang na 7 taon pa lamang, ang kuya niyang si Impen ay ikinasal. Dalawang bakang matataba, dalawang baboy na mabibilog, at hindi niya mabilang kung ilang manok, ang kin*tay noon. Lahat halos ng tao sa nayon ay nagsidalo, ang kainan ay nagsimula sa umaga at natapos sa hapon at pagkatapos ng kasalan ay may ipinamigay pa ang kanyang ina sa mga kapitbahay at sa lahat mga tumulong sa handaan. Hindi niya matandaan ngayon kung ilang beses siyang kumain ng araw na iyon.
Araw ng Sabado nang ikasal ang kanyang Kuya Impen. Biyernes pa lamang ng gabi ay lubhang marami na ang mga tao sa bahay ng magiging kaisang-palad ng kanyang kuya. Mga dalaga at binata, mga matatanda, at pati mga bata ay nakatipun-tipon doon. Kung pagmasdan niya ay hindi magkamayaw ang lahat. Lahat ay may ginagawa. At ang salitaan ng bawat isa ay nakatutulig. Hatinggabi na tuloy nang siya’y makatulog noon.
Nang matapos ang kasal sa munting kapilya sa kanilang nayon ay inihatid pa ng isang banda ng musiko ang mga bagong kasal sa bahay ng babae. Maraming tao ang sumama buhat sa simbahan at sa mga tabi ng daan ay marami ang nakatayong pawang nagmamasid.
Ganyan din ang ninanais ni Omeng sa araw ng kanyang kasal. Ibig din niya’y may handaan at may kasayahang katulad ng sa kasal ng kanyang Kuya Impen.
Palagay niya ay minsan lamang naman sa buhay ng isang lalaki ang maikasal. Iyon ang huling araw na ipagdiriwang ang pagkabinata. Bakit hindi pa sulitin at bonggahan kung kakayanin naman?
At, paano naman ang mga gastusin? Ang lahat ng iyan ay magagawan nang paraan. Bakit nga ang kanyang Kuya Impen, kahit na isang kasama lamang sa bukid ng kanilang amang si Mang Kadyo, maaaring ikasal nang maringal, masaya at may masaganang kainan?
Lahat ng mga kakilala nila sa nayon, maging ang kanilang punong barangay, maging ang alkalde, o ang hepe ng kapulisan ay binabalak niyang imbitahan kung sakaling dumating ang pagkakataong iyon.
Hindi rin problema ang susuutin dahil marami siyang mapaghihiraman sa mga kapitbahay, na gustong-gusto talagang magpahiram ng kanilang pinakatatago-tagong kasuotan, upang maipagmalaki ito, na kesyo naitago at naingatan nila, na ito ang ginamit nila noong ikinasal sila, o dumalo sa binyag, o nag-abay sa kasal—kulang na lamang ay pati sa lamayan.
Lahat ng iyon ay nasabi na ni Omeng sa kaniyang ama. “Hayaan mo, tutupdin ko ang nais mo, anak,” wika nito.
Hindi napansin ni Omeng ang pangungulimlim ng mukha ng kanyang ama na noon ay tila nag-iisip nang malalim. At lalong hindi nalalaman ni Omeng ang masaganang luhang dumaloy sa mga mata ng kanyang ina nang matanto ang mga kinakailangang ihanda sa nalalapit na kasalan.
Kaya naman, naisakatuparan na ito nang hingin na ni Omeng ang kamay ng kaniyang kasintahang si Charo. Pumayag naman ang mga magulang nito, lalo na nang ilatag at ibida niyang sila na ang bahala sa lahat.
Kaya isang araw bago sumapit ang kasalan nila, abalang-abala na ang magkakapitbahay; kagaya ng pagka-aligaga ng lahat sa paghahanda para sa magarbong kasal ng kaniyang Kuya Impen.
Ano pa nga’t talagang pangmalakasan ang kasal ni Omeng.
Lahat ng kani-kanilang mga kaibigan at kamag-anak ng dalawang partido ay imbitado.
Lahat din ng kanilang mga kanayon at mahahalagang tao sa kanilang lugar ay pinadalhan nila ng imbitasyon.
Tulong-tulong ang mga magkakapitbahay sa pagluluto ng adobo, mechado, lechong baboy, lechong baka, lechong manok, pansit, shanghai, morcon, at marami pang iba.
Marami rin ang nagpahiram ng mga upuan, baso, pinggan, kubyertos, mga mesang mahahaba, pati mantel.
May nagpahiram ng pinaglumaan subalit maganda pa namang trahe de boda kay Charo at Amerikana naman kay Omeng.
At syempre, hindi mawawala ang alak.
Ang pinakahihintay na araw ng Sabado, ang araw ng kasal, ay sumapit din. Ang mumunting kapilya sa nayon na napapalamutihan ng mga bulaklak at maraming papel na may iba’t ibang kulay, ay nagsikip sa maraming taganayong nanonood sa kasal ni Omeng at Charo.
Pagkatapos na makasal, sinabugan pa sila ng masaganang bigas at confetti nang lalabas na sila sa kapilya at inihatid pa sa banda ng musiko, kasama ang makapal na tao, sa tahanan ng babae. Sa halip na sa sasakyan ay sa isang kalesa sumakay ang bagong kasal.
“Talagang ibang magpakasal ng anak si Mang Kadyo,” ang bulong ng isang bisita sa kaniyang kaabi.
“Iyan naman talaga ang tradisyon natin dito sa nayon. Iyan ang tungkulin ng isang ama para sa kaniyang anak na lalaki,” wika naman nito.
Walang humpay na kainan, kuwentuhan, sayawan, at hagalpakan ang naganap. Nang kinagabihan na ay nagsialisan na rin ang mga panauhin. Tulong-tulong ulit ang mga magkakapitbahay sa pagliligpit ng mga pinagkainan, sa paghuhugas ng mga kasangkapang ginamit, at paglilinis sa bakuran. Buhay na buhay ang bayanihan, na ang tanging kabayaran ay libreng pagkain.
At dahil tradisyon din sa kanilang nayon na kung wala pang sariling bahay ang lalaki, kailangan nilang pumisan sa poder ng mga magulang nito.
Mabuti na lamang at may sarili namang kuwarto si Omeng. Siya na lamang mag-isa dahil bumukod na ang kaniyang Kuya Impen kasama ang misis nito.
“Nasiyahan ka ba sa ating kasal, Mahal?” tanong ni Omeng sa kaniyang misis.
Sasagot sana si Charo subalit narinig nila sa kabilang kuwarto ang tila pagtatalo nina Mang Kadyo at Aling Filomena.
“Baon na baon na tayo sa utang, Kadyo. Paano na ang pagsasaka mo kung wala ka nang kalabaw? Hindi pa nga tayo nakakabayad sa mga utang natin sa kasal ni Impen, heto’t dumagdag naman ang kasal ni Omeng na inutang mo lang din. Baka magulat na lamang ako isang araw na lupa at bahay na ang isasanla mo!” narinig nilang sabi ni Aling Filomena.
“Huwag kang mag-alala… gagawan ko ng paraan. Alam mo namang simula’t simula pa lamang, lagi na akong gumagawa ng paraan, ‘di ba?” wika ni Mang Kadyo.
Nang gabing iyon ay hindi nakatulog ang mag-asawang Omeng at Charo matapos marinig ang pag-uusap ng dalawang matanda.
Kinabukasan, kinausap ng mag-asawa sina Mang Kadyo at Aling Filomena at sinabi nilang tutulungan nila ang mga magulang upang mabayaran ang mga utang nila dahil sa mga kasal.
At doon na nagsimula ang paghihirap nina Omeng at Charo. Sa halip na makapagpundar sila ng kanilang sariling bahay o mga gamit, pagbabayad ng utang ang inatupag nila.
“Sana pala, mas simpleng kasalan na lamang ang ginawa natin,” nanghihinayang na sabi ni Omeng kay Charo.
“Huwag na tayong magsisihan, tapos na eh…” nasabi na lamang ni Charo sa mister.
Matapos ang halos limang taon ay saka lamang natapos mabayaran lahat ng kanilang pagkakautang.