Laging Sinisita ng Guro ang Mag-aaral na na Panay Sulyap sa Telebisyon sa Kantina Kahit Nagkaklase Na; Nanlumo Siya sa Dahilan Nito
Tapos na ang recess kaya balik na sa silid-aralan ang mga mag-aaral. Matapos maispatan ang sarili sa salamin, makapagpulbo at makapagpahid ng lipstick sa kaniyang mga labi, inihanda na ni Glenda ang kaniyang mga gamit. Balik-turo ulit siya. Isa siyang guro sa Grade 2.
Nanahimik ang mga mag-aaral niya nang dumating na ulit siya. Kinuha ni Glenda ang kaniyang talaan ng mga mag-aaral upang i-check ang attendance. Isa-isa niya ulit tinawag ang mga mag-aaral.
“Lito?”
Hindi sumagot ang bata.
“Lito?” muling tawag ng maestra sa mag-aaral. Nakita niyang nakasulyap ito sa telebisyon na nasa kantina, na abot-tanaw lamang mula sa kanilang silid-aralan.
Nilapitan ni Glenda ang kaniyang mag-aaral.
“Lito… nasaan ba ang isipan mo? Nasa klase pa ba?”
Nagulantang naman ang bata at biglang pumirmi. Nagtawanan naman ang mga kaklase niya. Napatungo naman ang ulo ni Lito. Hindi makatingin kay Glenda.
“S-Sorry po Ma’am…” nangingilag ang mga matang sabi nito.
“Sige na, pumirmi ka na. Magsisimula na ang klase natin.”
Ito na ang pangatlong pagkakataon na nahuhuli niyang laging nakatingin sa telebisyon sa kantina si Lito. Nasabihan na niya ang mga nagtitinda sa kantina na huwag bubuksan ang telebisyon lalo na kapag oras ng klase. Paaalalahanan na lamang niya ulit ang mga ito.
Nang sumunod na mga araw ay laging napapansin ni Glenda na hindi maalis ang tingin ni Lito sa telebisyon kaya inilipat na lamang niya ito ng upuan.
Nang araw na iyon, pagkatapos ng uwian, tamang-tama na nahuli si Lito kaya kinausap niya ito.
“Lito, ilang beses na kitang nahuhuling nakatingin sa telebisyon sa kantina lalo na kapag oras ng klase. Hindi ko gusto iyon. Kapag oras ng klase, kailangang nakatutok sa akin ang atensyon o sa gawain. Saka ka na manood ng telebisyon kapag nakauwi ka na sa bahay ninyo,” paalala ng guro sa mag-aaral.
“Pasensya na po kayo Ma’am, hindi na po mauulit. Ang ganda po kasing manood ng telebisyon. Wala po kasing ganyan sa bahay namin,” paliwanag ni Lito.
Natigilan naman ang guro. Ngayon lamang niya narinig mula sa bata na wala pala itong telebisyon sa bahay.
Nawala sa isipan niya na hindi naman lahat ng mga bata ay pare-pareho ang sitwasyon sa buhay. Dahil nasa pampublikong paaralan siya, natural na talaga na may mga mag-aaral na hikahos sa buhay.
“P-Pasensya ka na, Lito. Hindi ko alam na wala kayong telebisyon sa bahay,” paghingi ng dispensa ng guro sa kaniyang mag-aaral.
“Opo Ma’am. Kasi wala naman pong kuryente doon sa tinutuluyan namin. Gusto ko nga po, sana magkaroon na kami ng kuryente. Pero imposible pong mangyari iyon.”
Nabuksan ang kuryosidad ng guro na alamin pa ang mga bagay-bagay tungkol kay Lito. Okay lang naman ito dahil siya naman ang gurong tagapayo nito, at responsibilidad talaga nilang alamin ang mga nangyayari sa buhay ng kanilang mga mag-aaral, lalo na’t nasa bahay ang mga ito.
“Ano ba ang trabaho ng mga magulang mo?”
“Namamasura lang po. Ang nanay ko po, namumulot ng mga bote, papel, at plastik tapos binebenta po sa junk shop. Tatay ko po, basurero, sila po yung nagbabahay-bahay at nakasakay po sila sa trak,” sagot ng bata.
Nabagbag naman ang kalooban ni Glenda nang marinig ang mga detalyeng ito mula kay Lito.
Kaya pala kapag pakatititigan ang uniporme nito ay mukhang luma na at nanlilimahid.
Simula nang mag-usap sila, hindi na nga tumitingin ang bata sa nakabukas na telebisyon sa kantina. Talagang nagpokus ito sa kaniyang pag-aaral.
Sa tuwing recess naman, agad itong nagtutungo sa kantina at nakikinood.
“Lito, kapag nagsikap ka sa pag-aaral, balang araw ay makakabili ka rin ng telebisyon para sa pamilya mo. Mapapakabitan mo rin ng sariling kuryente ang bahay ninyo. At mas magiging maganda pa ang bahay ninyo,” paalala ni Glenda sa kaniyang mag-aaral.
“Talaga po ba, Ma’am? Sabi po kasi ng Tatay ko hindi raw po mangyayari iyon dahil mahirap lang po kami.”
“Puwedeng naranasan iyan ng Tatay mo noong maliit pa siya, pero hindi ibig sabihin niyan ay mangyayari din sa iyo. Huwag mong kalilimutan ang mga sinabi kong ito sa iyo. Kapag hindi ka na Grade 2, hindi na ako magiging guro mo.”
Tumango-tango naman si Lito.
“Tatandaan ko po ang mga sinabi ninyo, Ma’am!”
At mukhang tinandaan nga ni Lito ang lahat.
Matuling lumipas ang mahabang panahon.
Isa nang matagumpay na inhinyero si Lito.
Nakabili na siya ng maraming telebisyon para sa kaniyang malaking bahay.
“Maraming salamat po, Ma’am! Salamat po dahil binigyan ninyo ako ng pag-asa,” wika ni Lito nang dumalo ito sa isinagawang alumni homecoming ng kanilang paaralan.
Masayang-masaya si Glenda dahil nagbunga ang pangaral niya sa isang kaluluwang nabigyan ng tanglaw upang tuparin ang isang pangarap!