Nagulat ang mga Pasahero nang Sumakay sa Dyip ang Isang Matandang Lalaking May Bitbit na Dalawang Malalaking Maleta; Batay sa Kanilang Pag-uusisa, Saan Papunta ang Matanda?
Nagulat ang mga pasahero ng isang jeep nang sumakay rito ang isang matandang lalaking may bitbit na dalawang malalaking maleta. Hirap na hirap itong i-akyat ang dalawang malalaking maletang punumpuno ng damit, kaya tinulungan siya ng mga pasahero.
“Grabe naman po Lolo, ang dami naman ninyong dala, maglalayas ba kayo?” pabirong tanong ng isang pasaherong babae, na batay sa hitsura nito ay nasa 40 hanggang 50 taong gulang.
“Hane, ako’y talagang naglayas sa poder ng aking anak na babae,” wika ng matandang lalaki.
Napatingin naman ang lahat sa matandang lalaki. Handang makinig sa kaniyang mga ikukuwento.
“Naku, bakit po kayo naglayas sa inyo, Lolo? At talagang bitbit ninyo ang lahat ng mga gamit ninyo,” tanong naman ni Henry, na nasa gulang 25. Nakaramdam siya ng awa sa matanda dahil naalala niya ang lolo niya.
Mangiyak-ngiyak naman na nagkuwento ang matanda.
“Pinalayas na kasi ako ng aking anak. Ayaw na niya sa akin. Lagi-lagi ko na lamang naririnig na pabigat na lamang daw ako. Nakikipisan lang kasi ako sa kanila. Hindi ko rin gusto ang ugali ng asawa niya. Akala mo kung sinong mayaman. Kapag kumakain ako, laging nakatingin sa plato ko, akala mo naman uubusan ko sila,” tuloy-tuloy na kuwento ng matanda.
Hindi naman maiwasan ng mga nakikinig na pasahero na lalong makaramdam ng awa sa sitwasyon ng lolo, at makaramdam naman ng galit sa ikinukuwentong anak nito na nagpalayas umano.
“Ganoon ba Lolo, naku, grabe naman pala ang anak mo eh, bakit hindi ka man lang naipagtanggol! Ganyan din ang anak ng kapitbahay ko, nang magkaasawa na eh nakalimot na sa magulang. Ginawang utus-utusan ang magulang niya at tagapangalaga ng mga apo niya,” nagpupuyos na pahayag ng isang ginang habang nagpapaypay.
“Hindi ko na kayang tiisin ang mga palo sa akin. Wala naman akong ginagawang masama kundi nais ko lang lumabas, mamasyal sa aming bakuran, o kaya naman ay umakyat ng puno… pero pinapalo pa rin nila ako. Matanda na ako… hindi na kaya ng katawan ko…” at bumuhos na ang emosyon ng matanda dahil sa kaniyang mga naikuwento.
Nanlaki naman ang mga mata ng mga pasahero.
“Pinapalo po kayo ng anak ninyo, Lolo? Naku, hindi naman po yata makatarungan iyan…” naaawang pahayag ni Henry.
“Napakawalanghiyang anak naman niyan! Naku, hindi ko pa man nakikita ang anak ninyo, naiinis na ako ah!” pahayag naman ng isa pang ginang na may malaking nunal sa kaniyang pisngi.
“Teka po, saan naman po kayo papunta niyan?” nag-aalalang tanong ni Henry sa matanda.
“Pupunta ako sa bahay ng misis ko. Doon na muna ako,” sabi ng matanda. “Siya lang ang nagmamahal sa akin.”
“Ano pong pangalan ninyo?” untag ni Henry sa matanda.
“Herminio. Herminio ang pangalan ko.”
“Lolo Herminio, kung gusto po ninyo, tutulungan ko po kayo at sasamahan pauwi sa asawa ninyo, kasi baka mahilo po kayo sa daan. Ako na pong bahalang magbitbit sa isa ninyong maleta,” pagpiprisinta ni Henry. Habag ang nararamdaman niya para dito.
“Naku sige iho, tama nga, samahan mo na si Lolo at baka mapaano pa siya sa daan. Napakabuti mo.”
Pumayag naman ang matanda na masamahan siya ni Henry. Nagpababa ito sa sementeryo.
“Dito ho ba nakatira ang misis ninyo?” untag ni Henry sa matanda.
“Oo. Halika… pasok ka…”
Pagkatapos ng ilang paglalakad, nasa harapan na sila ng isang nitso.
“Heto ang misis ko…”
“M-Matagal na ho palang sumakabilang-buhay ang misis ninyo…”
Napalingon si Henry nang bumungad sa kanila ang isang umiiyak na babae.
“Tay! Tay! Sabi ko na nga ba at dito lamang kayo matatagpuan,” umiiyak na sabi ng babae.
“Bakit nandito ka? Pabayaaan mo na ako! Magsasama na kami ng nanay mo. Dito na lang ako,” wika ni Lolo Herminio.
“Kayo ho ba ang anak niya na nilayasan niya dahil pinapalo ninyo sa lolo? Naikuwento ho niya kanina sa mga nakasakayan niya sa dyip. Naawa po ako sa kaniya kaya tinulungan ko. Mabibigat ang mga maletang bitbit niya,” paliwanag ni Henry.
“Naku, maraming salamat, kuya. Ganyan talaga si Tatay. May Al*heimer’s Disease na siya. Hindi namin siya sinasaktan. Ang naaalala niya, noong kabataan niya, kapag pinapalo siya ng lola namin. Kapag ganitong naglalayas siya, alam na namin na ang pinupuntahan niya ay dito sa sementeryo. Maraming salamat sa pagtulong sa kaniya.” pasasalamat ng anak ni Lolo Herminio.
Tumango-tango naman si Henry.
Muli na itong kinuha ng kaniyang anak at iniuwi sa kanila. Nakahinga naman nang maluwag si Henry na hindi naman pala nakakaranas ng pananakit ang matanda; ngunit panalangin pa rin niya na bumuti ang kalagayan nito.