Ikinahihiya ng Binatilyong Ito ang Pagiging Komadrona ng Kaniyang Tatay; Paano Kaya Mababago ang Pananaw Niya Tungkol Dito?
Ikinahihiya ni Tenten ang trabaho ng kaniyang ama bilang isang lalaking komadrona o midwife.
Malalim ang pinag-ugatan nito. Noon kasing nasa elementarya siya, sa unang araw ng klase, isa-isa silang tinawag ng kanilang gurong tagapayo at sinabihan silang ipakilala ang kanilang mga sarili, kung saan sila nakatira, at kung ano ang trabaho ng kanilang mga magulang.
Nagulat ang kaniyang mga kaklase nang sabihin niyang nagpapa-anak ng mga nanay ang kaniyang tatay.
“Eh ‘di maraming nakikitang tahong ang tatay mo?” sabi ng isang kaklase niyang medyo may kayabangan, nang matapos na ang kanilang klase.
“Oo nga, baka kaya ganoon ang trabaho ng tatay mo kasi gustong makakita ng maraming bulaklak na buhay.”
Nagkatawanan naman ang lahat.
Pakiramdam ni Tenten ay binabastos ang tatay niya, subalit nang mga sandaling iyon ay wala siyang lakas ng loob upang palagan ang kaklaseng mayabang.
Kinimkim na lamang niya ang sama ng loob.
Iniisip niya, ano bang nakakatawa sa pagiging komadrona o lalaking midwife ng kaniyang tatay?
Ngunit tumatak sa isip at puso ni Tenten na kahiya-kahiya ang trabahong ito dahil nga hindi naiproseso sa kaniya nang maayos ang mga nangyari.
Simula noon, sa tuwing natatanong kung ano ang trabaho ng kaniyang tatay, lagi niyang sinasabi na ito ay nurse.
Hanggang sa maging high school si Tenten, ganoon ang kaniyang ginagawa. Pakiramdam niya kasi ay hindi tipikal na trabaho ang propesyon ng tatay niya, bagama’t talaga namang isang propesyunal ang pagiging isang midwife.
Isang araw, isang babaeng buntis na naglalakad sa kalsada ang bigla na lamang napaupo sa daanan. Nagkataon na sa tapat ng bahay nina Tenten nangyari ito, at mabuti na lamang na wala pa sa klinika ang kaniyang tatay. Agad itong tinulungan ni Mang Celso, sa tulong ni Tenten.
Nang matapos tulungan ang ginang at makauwi na ito sa kanila nang matawagan at masundo na ng mister, pasimple niyang natanong ang tatay niya kung bakit sa dinami-dami ng mga propesyong maaari nitong kunin, Midwifery ang napili nitong kuning kurso noon sa kolehiyo.
“Kasi, anak, ang lola mo… komadrona siya pero hindi siya talaga nag-aral sa kolehiyo gaya ng ginawa ko. Hilot ang tawag sa kanila sa probinsya. Hindi pa uso noong panahon nila yung dadalhin sa mga ospital yung mga nanganganak na babae. Silang mga hilot ang inaasahan. Karaniwan, sa bahay lamang nanganganak ang mga nanay noon,” paliwanag ni Mang Celso. “Minsan, katuwang niya ako dahil ako lang ang kasa-kasama niya noon, kapag may ipinapaanak siya.”
“Hindi po ba kayo naiilang na nakakakita kayo ng ibang pag-aari ng iba sa trabaho ninyo? Hindi ba’t pambabae lamang po ang pagiging komadrona? Hindi po ba kayo nasasabihan na baka ginagamit n’yo lang ang trabahong ito para manilip?”
Napatingin naman si Mang Celso sa kaniyang anak. Kapagkuwan ay natawa ito.
“Anak naman eh… halos lahat naman ng trabaho ay maaaring gawin ng lalaki o babae o kung ano pa man ang kasarian niya. Saka alam mo ba anak, kami yatang mga komadrona ang may pinakamalalakas na kamay,” sabi ni Mang Celso.
“Talaga po, ‘tay? Bakit naman po?”
“Dalawang buhay ang nakasalalay sa mga kamay ko. Buhay ng ina, at buhay ng anak. Kapag nanganganak ang isang ina, kalahati ng paa niya ay nakatapak na sa hukay. Ganoon din ang isinisilang niyang anak.”
Nakikinig naman si Tenten sa mga sinasabi ng kaniyang tatay.
“Kapag matagal ang labor ng nanay, kasama kaming mapupuyat. Kailangan namin siyang i-monitor eh. Hindi kami basta-bastang puwedeng matulog dahil anumang oras, puwede siyang manganak,” paliwanag pa ni Mang Celso.
Itinaas ni Mang Celso ang kaniyang mga kamay.
“Itong mga kamay na ito, napakarami nang natulungang mga buntis na manganganak at magluluwal ng panibagong buhay sa daigdig na ito. Marami na akong natulungang mga sanggol na sabik na sabik nang malaman ang misteryo ng buhay.”
“Madalas nababasa ako ng panubigan, minsan nangangamoy pupu ako, pero okay lang kasi bahagi iyon ng pagiging midwife ko.”
“Minsan napapaisip na lang din ako kung papaano ko nagagawa ang mga iyon.”
Tumango-tango naman si Tenten.
“Kaya ikaw anak, huwag na huwag mong ikahihiya ang trabaho ng tatay. Alam mo, nakarating sa akin na nurse daw ang sinasabi mong trabaho ko, minsan kasi ay nakasalubong ko ang isa mong guro noon, at kinumusta niya ako. Kinumusta niya ang trabaho ko bilang nurse, sabi ko naman ay hindi ako nurse kundi isang midwife.”
Napatungo ang ulo ni Tenten. Hiyang-hiya siya sa kaniyang tatay.
“Alam mo ba anak, may kailangan ka pang malaman,” wika ni Mang Celso.
“Ano po iyon, ‘Tay?”
“Ako ang nagpa-anak sa nanay mo noong isinilang ka niya.”
Niyakap ni Tenten ang kaniyang tatay.
“Tatay, patawarin po ninyo ako kung ikinahiya ko po ang trabaho ninyo. Itong propesyon na ito, minsan po, napagtatawanan at nababalewala, pero kung tutuusin po, malaking tulong po ang mga gawa ninyo upang maisilang ang mga tao sa mundo.”
Kaya naman, sa tuwing may nagtatanong na kay Tenten kung ano ang trabaho ng kaniyang tatay, hindi na niya ikinahihiya ito, bagkus, taas-noo niyang sinasabi na ito ay isang male midwife!