Inday TrendingInday Trending
Problemado ang Lalaking Tagahatid ng Bill ng Kuryente sa mga Kabahayan Dahil sa Patong-Patong na Utang; Hanggang sa Makapulot Siya ng Makapal na Pitaka

Problemado ang Lalaking Tagahatid ng Bill ng Kuryente sa mga Kabahayan Dahil sa Patong-Patong na Utang; Hanggang sa Makapulot Siya ng Makapal na Pitaka

“Mahal, paano ‘yan… baka mapaalis na tayo rito sa inuupahan natin. Tatlong buwan na tayong hindi nakakabayad. Hindi ko na alam kung paano pa ako makikiusap kay Aling Lucing para sa kaunting palugit.”

Hindi rin makasagot si Edwin sa kaniyang misis na si Sabel. Sa totoo lamang ay wala rin siyang kapera-pera. Maliit lamang ang suweldo niya bilang tagahatid ng bill ng kuryente sa mga kabahayan.

Nagkapatong-patong kasi ang mga bayarin nila, lalo na nang madisgrasya ang kanilang bunsong anak na si Joe, na magaling at maayos-ayos na ngayon.

Sa kalikutan nito, natapilok ito habang bumababa sa footbridge. Halos isang linggong hindi makatulog sa labis na pamamaga ng kanang paa, iyon pala ay nadurog na ang buto. Kinailangang operahan ang napinsalang buto at palitan ng bakal. Halos umabot sa 250,000 piso ang nagastos nila, wala pa ang mga gamot.

Kaya halos lahat ng mga naipon ni Edwin para sana sa pagpapagawa ng kanilang sariling bahay sa maliit na loteng naipamana sa kaniya ng mga magulang, ay napurnada pa.

Ayos lang naman sa kaniya, ang mahalaga, magaling na si Joe at makakapaglakad pa ito. Kung nahuli-huli raw sila ng pagpapa-ospital sa bata ay baka tuluyan na itong iika-ikang maglakad.

“Mahal…”

“O-Oo mahal, huwag kang mag-alala. Gagawan ko ng paraan. Susubukin ko ulit mag-salary loan sa kompanya. Huwag ka nang ma-stress diyan, baka mapaano pa ang ipinagbubuntis mo.”

Isa pang pinoproblema ni Edwin, buntis ang kaniyang misis.

“Aalis na ako mahal at baka mahuli pa ako sa trabaho.”

Isang tipikal na mensahero o taga-deliver ng mga bill ng kuryente ang trabaho ni Edwin. Palibhasa ay may motorsiklo siya, tuwing hapon hanggang gabi naman ay sinasamantala niya ang pagkakataon upang makapag-sideline bilang delivery rider.

Halos wala na ngang pahinga si Edwin. Ginagawa niyang araw ang gabi.

Sayang din naman kasi ang kikitain niya lalo’t usong-uso ngayon ang pagdedeliver ng mga pagkain at iba pa.

Habang ginagampanan ang kaniyang tungkulin, naglalakbay ang diwa ni Edwin. Wala sa pokus ang trabaho niya. Kamuntik na nga siyang mabundol ng isang sasakyan, mabuti na lamang at nailiko niya kaagad ang motorsiklo. Bawal maaksidente dahil hindi pa sila nakaka-recover sa gastos nila kay Joe.

Nakatokang magdeliver ng mga bill ng kuryente si Edwin sa isang eksklusibong subdibisyon. Palibhasa ay kilala na siya ng guwardiya, madaling nakakapasok si Edwin.

Inisa-isa na niya ang mga bahay at inipit sa tarangkahan o inilusot sa mail box ang kanilang mga bill.

Sa pangatlong bahay, napansin niya na may isang malaking pitakang itim na nasa tapat ng malaking bahay.

Matapos niyang ilusot sa mail box ang bill, lumingon-lingon muna sa kaniyang paligid si Edwin, baka may makakita sa kaniya at pagbintangan pa siyang magnanakaw.

Malakas ang kabog sa dibdib ni Edwin. Sa totoo lang, nang makita niya ang makapal na pitaka, humiyaw ang isipan niya na ito na ang kaloob ng Diyos sa kaniya. Sagot ito sa mga problema niya ngayon.

At hindi nga siya nagkamali.

Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang lamang cash.

Tantiya niya ay nasa 20,000 hanggang 30,000 piso.

“Diyos ko… sa halagang ito, mababayaran ko na ang utang na tatlong buwang upa at baka sobra-sobra pa nga,” naiusal ni Edwin.

May bumubulong sa kaniyang kaliwang tenga na ibulsa na kaagad ang pitaka at saka umalis na.

Subalit muli niyang narinig ang madalas na sinasabi sa kaniya ng sumakabilang-buhay niyang ina.

“Anak, kahit na tayo ay mahirap, huwag na huwag kang kukuha ng mga bagay na hindi sa iyo, lalo na’t hindi mo pag-aari.”

Ngunit mukha namang mayaman ang may-ari ng pitaka. Sa laki ng bahay nito, tiyak na barya-barya lamang dito ang halagang nakapaloob sa pitaka.

Muli niyang binuklat ang pitaka.

Pinindot niya nang sunod-sunod ang doorbell.

Ngunit walang lumabas na tao. Palagay niya ay walang tao.

Bumuntung-hininga si Edwin. Nakapagdesisyon na siya. Isinilid niya ang pitaka sa loob ng kaniyang bag, sumakay siya sa motorsiklo, at ipinagpatuloy niya ang pagdedeliver ng mga bill sa iba pang mga bahay sa subdibisyong iyon.

“Mahal… mahal… may pambayad na tayo ng kuryente!” bungad ni Edwin sa kaniyang asawa pagkauwi niya.

Tila nagningning naman ang mga mata ni Sabel na noon ay nagluluto ng hapunan.

“Naku salamat naman, Mahal! Mabuti naman at mabait ang amo ninyo, kahit na marami ka nang bale ay napagbigyan ka pa rin.”

Iniabot ni Edwin ang isang cheke kay Sabel.

Nanlaki ang mga mata ni Sabel nang makita ang halagang nasa cheke.

“M-Mahal… 200,000 piso ito? Bakit masyado yatang malaki ang nautang mo? Baka naman wala nang matira sa suweldo mo kapag kinaltasan ka na.”

“Mahal, hindi utang ‘yan,” wika ni Edwin.

“Paanong hindi utang?”

At ikinuwento ni Edwin ang mga nangyari, nang mapulot niya ang pitakang naglalaman ng malaking halaga ng pera.

Pinindot niya nang sunod-sunod ang doorbell.

Ngunit walang lumabas na tao. Palagay niya ay walang tao.

Bumuntung-hininga si Edwin. Nakapagdesisyon na siya. Isinilid niya ang pitaka sa loob ng kaniyang bag, sumakay siya sa motorsiklo, at ipinagpatuloy niya ang pagdedeliver ng mga bill sa iba pang mga bahay sa subdibisyong iyon.

Nang matapos ang mga kailangang gawin, muli niyang binuklat ang pitaka, binulatlat ang kasuluk-sulukan. Hanggang sa may nakita siyang ID.

Tinawagan niya ang numero ng cellphone na nakalagay rito. Numero ng cellphone ng may-ari ng cellphone.

Nagkita sila sa isang lugar. Isinauli niya nang buo ang pitaka. Wala siyang kinupit. Wala siyang kinuha.

Tuwang-tuwa ang may-ari dahil sa kabutihan at katapatan ni Edwin. Kung tutuusin daw ay maaari na nitong itakbo ang pera niya, subalit mas minabuti pa raw niyang gawin ang tama.

Mahalaga raw sa may-ari ang pitakang iyon na naglalaman ng mahahalaga niyang cards.

Bilang gantimpala, binigyan niya ng pabuya si Edwin, kahit na ayaw itong tanggapin.

May pambayad na sila sa mga utang nila.

Ang matitira, maaari nilang pamuhunan sa naiisip nilang dagdag na pagkakakitaan.

Niyakap ni Sabel ang kaniyang mister.

“Ipinagmamalaki kita, mahal!”

Gumanti naman ng yakap si Edwin. Napakasarap marinig mula mismo sa bibig ng mga taong nagmamahal sa iyo na ipinagmamalaki ka nila, dahil ginawa mo ang tama.

Advertisement