Inday TrendingInday Trending
Hindi Makalipad Nang Maayos ang Saranggola ng Batang Ito; Paano Kaya Ito Magagamit Bilang Aral sa Buhay?

Hindi Makalipad Nang Maayos ang Saranggola ng Batang Ito; Paano Kaya Ito Magagamit Bilang Aral sa Buhay?

Maraming bata ang mahilig magpalipad ng saranggola tuwing hapon sa bayang iyon, lalo na sa dalampasigan. Sadyang mahangin kasi at malawak kaya sinasamantala ng mga bata. Isa na roon si Atong, anak ng mag-asawang mangingisda na sina Mang Jose at Aling Susan.

May tatlong nakakatandang kapatid si Atong – ang kanyang Kuya Saro, Kuya Anton, at Ate Susie. Subalit, parehas na may kanya-kanyang pamilya ang mga kapatid ng anim na taong gulang na bata kung kaya’t bumukod na ang mga ito.

Dahil abala rin ang mga magulang sa pangingisda at pagtitinda ng isda, kadalasan ay nag-iisa si Atong sa paglalaro ng saranggola na ‘di makalipad-lipad. Dahil dito, palagi siyang tinatawanan ng mga kalaro niya.

“Eh, wala naman pala iyang saranggola mo Atong, kasimbigat siguro ng bato ‘yan,” tukso ng kalaro niyang si Lito.

“Oo nga, Atong. Nasaan ba ang tatay at nanay mo para maturuan ka nila kung paano gumawa ng saranggola?” tanong naman sa kaniya ng isa pang kalarong si Pedro.

“Eh abala sina Tatay at Nanay sa pangingisda. Wala naman ang mga kapatid ko, Tatay at Nanay na rin sila,” inosenteng sagot ni Atong. Sina Lito at Pedro ay mas matanda sa kaniya ng apat na taon. Siya ang pinakabunso sa kanilang magkakaibigan.

“Ako kasi tinuruan ako ng lolo ko eh,” sabi naman ni Lito.

“Ako si Daddy naman ang gumawa ng saranggola ko,” pagbibida naman ni Pedro.

Dahil sa mga sinabi ng kaniyang mga kalaro, napaisip tuloy si Atong. Nagawan na nga ba siya ni Mang Jose ng saranggola? Napanood na ba siya ni Aling Susan sa pagpapalipad nito?

Lagi silang abala sa pagtatrabaho.

Buti pa sina Lito at Pedro, parehong may oras para sa kanila ang mga magulang nila, o kaya ang mga lolo at lola nila.

Pero wala na siyang lolo at lola. Ang totoo niyan, hindi nga niya nakilala, mula sa pamilya ni Mang Jose o kaya kay Aling Susan.

Sa kabila ng mga kantiyaw ng mga kalaro, patuloy pa ring sinusubukan ni Atong na paliparin ang saranggola niya. Ginawan niya ng bagong paripa ang laruan niya at pinalitan niya rin ang pabalat nito.

Kinabukasan, sinubukan ulit ni Atong na paliparin ang bagong rebisang saranggola. Ngunit, sadyang hindi pa rin ito lumipad at sumabay sa ihip ng hangin gaano man kalakas.

Habang ang bata ay patuloy na sumusubok na mapalipad ang laruan niya, ang iba niyang kalaro ay masaya nang tumatakbo bitbit ang tali ng mga saranggola nilang lumilipad sa himpapawid.

Hindi pa rin sumuko si Atong. Kaya niya ito nang mag-isa. Nagawa nga niya ang saranggola niya ngayon batay lamang sa pagmamasid sa kaniyang mga kalaro kung paano nila gawin.

Pag-uwi niya, naghanap siya ng mga kawayang pinakatatago-tago ni Mang Jose at gumawa siya ng bagong saranggola. Nadatnan siya ng ama niyang inaayos ito.

“Halika ka nga rito, dalhin mo ‘yan rito,” sabi ni Mang Jose sa anak niya.

Inayos ng tatay ang saranggola ni Atong. Bakas naman sa mga mata ni Atong ang kasiyahan na makitang inaayos ng tatay niya ang laruan niya. Pagkatapos noon, dali-dali siyang pumunta sa bakuran nila at sinubukan ito.

“Tay, lumilipad na! Ang galing n ‘yo po,” sigaw ni Atong habang mangha-mangha sa paglipad ng saranggola niya.

Napaluha naman si Mang Jose sa narinig mula sa anak niya. Nakita niya kung gaano kasaya si Atong. Doon siya nakaramdam ng awa sa bunso niya na parang lahat sila ay wala nang oras para rito.

Simula noon, umuuwi na nang maaga sina Mang Jose at Aling Susan. Habang naghahanda ng hapunan nila si Aling Susan, ang mister at bunso niyang anak ay magkasama sa pagpapalipad ng saranggola.

“Salamat ‘Tay, kung ‘di dahil sa iyo, hanggang ngayon ‘di lumilipad ang saranggola ko. Salamat at palagi na rin kayong umuuwi nang maaga ni Nanay,” sabi ni Atong sa tatay niya habang naglalakad sila pauwi.

“Anak, tatandaan mo, sa buhay na ito, parang ikaw ang saranggolang pinalilipad mo,” maya-maya ay sabi ni Mang Jose.

“Talaga po, ‘Tay? Paano pong nangyari iyon?”

“Anak, parang ikaw ang saranggola na ‘yan noon na hindi pa makalipad nang maayos. Pero habang tumatagal at inayos natin, ngayon ay nakalipad na nga. Darating ang araw, anak, na kagaya ng mga kuya at ate mo, lilipad ka na rin sa itaas. Papaimbulog ka, makikipagtagisan sa mga kapwa saranggola, o kaya sa hangin. Magiging malaya ka sa aming poder,” madamdaming paliwanag ni Mang Jose sa kaniyang anak.

“Hindi po ‘Tay, kasi ‘di ba ang saranggola po may tali, may pisi? Hindi pa rin po malaya! Ibig sabihin po may pumipigil pa rin. At kayo po ‘yon ni Nanay iyon. Para kahit po anong lipad ko sa itaas, may gumagabay pa rin,” sabi naman ni Atong.

Nagulat si Mang Jose sa mga sinabi ni Atong. Malalim ang mga sinabi nito. Pinigilan niyang mapaluha sa isiping hindi niya namalayang nagkakaisip na pala si Atong.

Ngumiti na lamang ang mangingisda sa sinabi ng anak niya. Sa isip niya, napagtanto niya na ang isang bata ay para ring saranggola. Iba pa rin kapag inaalalayan ng mga magulang sa paglipad at pag-abot ng nais niyang marating.

Advertisement