Puro Pagbibida ang Ginagawa ng Dalagita, Kahit Hindi Naman Nila Bahay ay Sasabihin Niyang Bahay Nila; Paano Kaya Siya Mahihinto sa Ganitong Gawain?
Habang ginagawa na ni Kim ang mga takdang aralin nila sa mismong silid-aralan upang makabawas na sa mga dapat niyang gawin, narinig niyang nagbibida na naman ang kaklase nilang si Chesca sa kaniyang mga kaklase.
Pinag-uusapan nila ang magagandang OOTD o ‘Outfit of the Day’ na ipino-post ni Chesca sa kaniyang social media accounts.
“Wow, Chesca, ang galing-galing mo talagang pumorma! At ang ganda ng background mo ah, sa inyo ba iyan?” tanong ni Donna.
“Oo naman! Sa kuwarto ko ‘yan,” pagbibida naman ni Chesca.
“Kailan mo ba kami papupuntahin sa inyo? Batay kasi sa mga larawan mo sa social media, parang ang laki-laki at ang ganda-ganda sa bahay ninyo. Baka naman puwede kaming makadalaw sa inyo?” wika ni Tiffany.
“Oo nga naman, Chesca. Papuntahin mo naman kami sa inyo para makapag-hello naman kami sa mga magulang mo,” wika naman ni Abby.
“N-Naku… sige, sige, huwag kayong mag-aalala kasi sasabihan ko na lang kayo kapag nakapagpaalam na ako sa mga magulang ko. Medyo istrikto kasi sila at ayaw nilang masyadong nagpapapunta ng mga bisita sa bahay,” katwiran naman ni Chesca.
Kung titingnan si Chesca, talaga namang masasabing may kaya siya sa buhay dahil maputi at makinis siya. Ngunit pansin ni Kim na hindi naman talaga branded ang mga gamit nito, kahit ipinagyayabang nito sa mga kaklase nila na mamahalin ito.
Alam ni Kim kung ang isang gamit, lalo na sa mga damit, kung ito ay branded o hindi naman, palibhasa ay talagang mayaman sila.
Hindi na lamang siya kumikibo at ayaw naman niyang barahin ang trip ng kaklase lalo na’t hindi naman sila masyadong malapit sa isa’t isa ni Chesca. Mas pinipili kasi ni Kim na manahimik na lamang kaysa ibida sa kanilang mga kaklase ang mga gamit niya.
Pero si Chesca, walang ginawa kundi ang ibida nang ibida ang mga bagay na mayroon siya, na kesyo binibili ito ng kaniyang mga magulang sa kaniya sa labas pa ng bansa, kapag may business trip ang mga ito.
Lagi rin nitong ibinibida na laging nasa labas ng bansa ang mga magulang para sa negosyo, lalo na ang ama nito.
Isang araw ng Sabado, medyo huli na sa paggising si Kim dahil wala namang pasok. Pagtingin niya sa bintana ng kaniyang kuwarto, isang pamilyar na mukha ang nakita niyang panay selfie sa harapan ng kanilang malaking bahay.
Si Chesca!
Anong ginagawa ni Chesca rito at bakit siya kumukuha ng selfie sa harapan ng kanilang bahay?
Tatawagin niya sana ito subalit napansin niya na naglakad na ito palayo.
Hanggang Linggo ay malaking palaisipan pa rin kay Kim kung paano nito nalaman ang kanilang bahay, at kung bakit ito nagse-selfie sa mismong tapat nila.
Pagdating ng Lunes, nasagot na rin ang mga tanong niya.
Narinig niya ang usapan ng kaniyang mga kaklase.
“Chesca, ang ganda naman ng bahay ninyo…”
“Oo nga… dito ba kayo nakatira? Itong bahay na nasa background mo?”
“Oo sa amin ‘yan… ganda at ang laki ‘di ba?”
Dala ng kuryosidad, kinuha ni Kim ang kaniyang cellphone at palihim na sinilip ang social media account ni Chesca, bagama’t hindi naman niya ito friend o fina-follow.
Nanlaki ang mga mata niya dahil ang pinost na mga larawan ni Chesca ay ang selfie nito na ang background ay ang bahay nila, noong Sabado.
Bakit kailangang gamitin ni Chesca ang kanilang bahay at sabihing sa kanila iyon?
Gayunman, mas pinili pa rin ni Kim na huwag magsalita tungkol sa bagay na iyon. Baka may malalim na dahilan si Cheska at ayaw naman niya itong mapahiya sa harapan ng kaniyang mga kaklase.
Makalipas ang isang linggo, narinig niya na kausap ng kanilang kasambahay na si Aling Normita ang kaniyang Mama.
“Ma’am, okay lang po ba kung papuntahin ko rito ang anak ko para may makatulong ako sa paglalaba?”
“Oo sige, walang problema,” sabi ng kaniyang Mama.
Maya-maya, tinawagan na ni Aling Normita ang kaniyang anak.
“Iska, anak… halika na rito sa bahay ng amo ko. Pinayagan na ako na papuntahin ka para kahit paano ay may sideline ka.”
Maya-maya, dumating na nga ang anak ni Aling Normita. Agad itong nag-selfie sa loob ng bahay, lalo na sa mga muwebles na magaganda.
“Maganda na sa labas, mas maganda pa ang bahay ng amo mo sa loob, ‘Nay. Mayaman talaga sila,” wika ng anak ni Aling Normita.
“Oo anak, kaya tigilan mo na ang kakakuha ng piktyur diyan at baka makabasag ka pa, wala tayong pambayad. Halika na at tulungan mo na ako sa paglalaba. Babayaran ka raw nila. At least tuwing Sabado at Linggo ay may pera ka at hindi lang nakatunganga sa bahay.”
Ngunit natigilan ang anak ni Aling Normita nang makita si Kim.
“C-Chesca?”
“K-Kim?”
“Hello Ma’am Kim, magkakilala po ba kayo ng anak ko?” tanong ni Aling Normita.
“Magkaklase po kami, manang…” sagot naman ni Kim.
“Ay nakakatuwa naman Ma’am Kim, heto po ang panganay kong anak na si Chesca.”
Hiyang-hiya si Chesca dahil nalaman ni Kim ang pinakatatago niyang sikreto.
Kaya naman, palihim niya itong kinausap.
“K-Kim, sana huwag mo na lamang ipaalam sa mga kaklase natin ang natuklasan mo… na hindi talaga ako anak ng mga negosyante… na hindi talaga kami mayaman… alam kong malaking pabor ang gagawin ko na ito,” pakiusap ni Chesca matapos nilang maglabang mag-ina.
“Chesca, nakita ko na ginamit mong background sa mga selfie mo ang harapan ng bahay namin. Nakita kita noong nakaraang Sabado. Kaya pala alam mo rito dahil dito pala nagtatrabaho ang nanay mo. Pero ang sa akin lang, hindi mo naman kailangang magsinungaling sa amin. Kasi malalaman at malalaman din naman ng mga tao ang katotohanan, kahit na anong pilit na itago ito. Hindi yata maganda na gamitin ang ibang identidad para sa sarili mo, makakasanayan mo ‘yan,” wika ni Kim.
Napatungo naman ng ulo si Chesca.
“Nahihiya kasi ako sa inyo eh… alam ko naman na talagang may kaya o mayayaman ang mga kaklase natin. Naisip ko lang, kailanan kong makisabay sa inyo.”
“Chesca, hindi mo kailangang magsinungaling sa amin para makasabay lamang. Hayaan mong tanggapin ka ng mga tao dahil sa kung ano ka at anong mayroon ka. Isa pa, huwag mong ikahihiya ang trabaho ng mga magulang mo kasi marangal naman ang ginagawa nila.”
“Tama ka Kim… tama ka… pasensya ka na ulit sa ginawa ko,” hiyang-hiyang sabi ni Kim.
Simula nga noon ay hindi na inulit ni Kim ang kaniyang ginagawa at nabawasan na rin ang kaniyang pagbibida.
Samantala, unti-unti ay naging malapit na rin sa isa’t isa sina Kim at Chesca at naging magkaibigan sila.