Ang Abogadang Ito ang Mismong Magtatanggol sa Nobyo Niyang Kinasuhan ng Babae Dahil sa Akto ng Pananamantala; Maipanalo Kaya Niya ang Kaso?
“Babe… babe…”
Agad na tumayo si Garry nang makita ang nobyang abogadong si Naomi. Napahawak siya sa rehas na bakal ng kulungan. Umingit ito na para bang kinakatay na baka.
“Laya ka na…” sabi ng pulis.
Pagkarinig na pagkarinig sa mga salitang ito ay agad na lumabas ng piitan si Garry nang buksan ang pintuan nito at muling isarado.
Agad na niyakap ni Garry ang nobya.
“Salamat babe… salamat…”
Ngunit parang tuod lamang si Naomi. Tila walang kinang ang kaniyang mga mata.
“Pasalamat ka at puwedeng mapiyansahan ang kaso mo. Pero hindi pa tapos ang laban. Tara na, umalis na tayo.”
Habang nagmamaneho si Naomi ay wala itong kakibo-kibo. Alam naman ni Garry ang dahilan.
“Babe, kausapin mo naman ako… please… huwag mo naman akong ganituhin. Ihinto mo muna yung sasakyan…”
Ngunit sa halip na huminto ay binilisan ni Naomi ang pagpapatakbo. Nakaramdam ng takot si Garry dahil baka mabangga sila.
Napahiyaw si Garry nang bigla na lamang nag-preno ang nobya.
Nagbitiw ng isang malutong na mura si Naomi.
“Garry, anong gusto mong maramdaman ko? Matuwa? Sa palagay mo ba matutuwa ako na malaman ko na ang boyfriend ko, nakulong at kinakasuhan ng act of l*sciv*ousness ng ibang babae? At ano, ako pa ang magtatanggol sa iyo dahil nagkataon na abogado ako? Ha? Sabihin mo nga sa akin!” galit na galit na sabi ni Naomi sa kaniyang kasintahan.
“H-Hindi ko naman sinasadya babe… lasing talaga ako ng mga sandaling iyon, maniwala ka. Hindi ko alam ang ginagawa ko nang mga sandaling iyon.”
“Imposibleng hindi mo alam…” gigil na gigil si Naomi, gigil na alam niyang wala siyang magawa kundi ang pukpukin ang manibela ng kaniyang kotse.
“Sige ganito… tutal naman, dahil ako rin naman ang legal counsel mo, at sasabihin mo naman sa akin kung ano ba talaga ang mga totoong nangyari, mag-uusap tayo bukas na bukas din. Sabihin mo at aminin mo sa akin ang lahat ng mga detalye upang mapag-aralan ko kung paano kita dedepensahan sa kaso.”
Gusto niyang pagalitan ang sarili sa mga sinabi niya. Inihanda niya ang sarili na tiyak na masasaktan siya sa mga ilalahad ng nobyo sa kaniya. Kung ano ang ginagawa nito sa isang house party at humantong ito sa pagrereklamo rito ng kal*swaan ng isa sa mga babaeng dumalo.
Subalit hindi naman niya kayang pabayaan ang nobyo na mahal na mahal niya. Naisip niyang ibigay ang kaso sa ibang mga kakilalang abogado, ngunit naisip niya, para saan pa’t naging abogado siya kung hindi naman niya maipagtatanggol ang mga taong mahal niya sa buhay?
Kung ibang kaso lamang ang nakasampa kay Garry, siguro ay hindi siya mahihirapan at masasaktan nang ganito.
Subalit ang kaso ay nag-ugat sa hindi nito pagsasabi nang totoo. Nang gabing inireklamo ito, sinabi nito na nasa bahay lamang ito at nagpapahinga; iyon pala, nasa ibang bahay na at nakikiparty.
At syempre, bakit ito sasampahan ng kaso ng babae kung hindi ito gumawa ng kung anumang kalokohan? Bagay na masakit sa bahagi ni Naomi bilang nobya.
Pero bilang abogado, kailangan niyang tiisin ang sakit. Kailangan niyang ihiwalay ang personal sa propesyunal. Kailangan niyang pakinggan ang buong kuwento at testimonya ni Garry bilang kaniyang kliyente, upang maipagtanggol ito sa kaso.
At isang araw nga ay nagkita sila ni Garry. Inilahad nito sa kaniya ang mga nangyari nang gabing iyon. Nakinig siya hindi bilang nobya nito kundi bilang isang abogado. Sinala niya ang mga nangyari.
Matapos niyon ay umandar na nga ang paglilitis. Buong giting na ipinamalas ni Naomi ang kaniyang husay upang mapawalang-sala ang nobyo.
Makalipas ang ilang buwan, humantong na nga ang desisyon ng korte.
Napawalang-sala si Garry.
Masayang-masaya ang lahat. Niyakap ni Garry si Naomi.
“Salamat babe, maraming salamat!”
Mapait na ngumiti si Naomi.
“Ginawa ko lang ang trabaho ko, Garry. Tapos na ang trabaho ko. Hindi mo na ako abogado, at tinatapos ko na rin ang relasyong ito.”
Nawala ang ngiti ni Garry.
“A-Anong ibig mong sabihin…”
“Matapos kong marinig ang mga kalokohan mo…matapos aminin ng babaeng nagkaso sa iyo na matagal na pala kayong nagkakausap at nililigawan mo siya… sa tingin mo ba ay magtitiwala pa ako sa iyo? Bilang abogado mo, nasa panig mo ako… pero bilang nobya mo… hindi ko yata kakayaning makisama pa sa iyo at maniwala pa sa mga pangako mo. Hanggang dito na lang tayo, Garry.”
Hindi makapaniwala si Garry na naipanalo nga niya ang kaso, naipatalo naman niya ang kaniyang pagmamahal at tiwala para sa kaniyang nobya.
Namuhay nang mag-isa si Naomi at pinanindigan ang kaniyang desisyon. Malungkot na malungkot naman si Garry sa mga nangyari habang nagsisisi sa huli.