Nabasa ng Ginang na Ito sa Naiwang Selpon ng Mister na Makikipagkita Ito sa Kabit; May Naisip Siyang Paraan Upang Hulihin ang mga Ito
Matapos maglaba, minabuti ni Merlita na maupo muna upang saglit na magpahinga. Medyo marami-rami ang mga labahin niya. Mabuti na lamang at may washing machine kaya madali na lamang ang gawaing ito.
Nagtungo siya sa refrigerator upang kumuha ng malamig na tubig nang makarinig siya ng isang tunog.
Napakunot ang noo ni Merlita.
Tunog ng pumasok na chat ang naririnig niya. At nakatitiyak siyang hindi iyon tunog mula sa kaniyang sariling cellphone.
Tila nanggagaling sa bandang sofa.
“Ay, nakalimutan ni Efren ang cellphone niya,” nakita ni Merlita ang pinanggagalingan ng tunog. Naiwanan ng kaniyang mister ang cellphone nito.
Hindi ugali ni Merlita na mangialam sa cellphone ng kaniyang mister. Ni hindi nga niya alam ang password nito. Ngunit kitang-kita niya ang nag-pop up na mensahe.
Hindi naisara ng mister ang internet connection kaya nakapasok ang chat. Nakita niya.
“Babe, paalala lang ha, magkikita tayo sa mall sa Cubao, ala-una. Sunduin mo ‘ko.”
Agad na tiningnan ni Merlita ang profile ng babae na tumawag ng babe sa kaniyang mister.
“Hinayupak! Mga hayop… makikita ninyo,” nagngingitngit si Merlita.
Matagal nang isyu ang pagkahilig ni Efren sa magagandang babae subalit ngayon lamang mismo nakaengkuwentro ni Merlita na mabasa pa niya mismo sa cellphone ng asawa ang mensahe ng kabit nito.
Nangilid ang mga luha ni Merlita. Ano pa bang gusto ng mister niya? Halos malosyang na siya sa pag-aasikaso rito at sa kanilang mga anak. Ni hindi na nga niya naaalagaan ang sarili niya.
Kitang-kita niya ang hitsura ng kabit batay sa mga litrato nito sa album sa social media. Sa hitsura nito ay talagang mababanaag na ito ay mga tipikal na hitsura ng kabit. Kung tutuusin, maganda at seksi itong manamit kaya siguro natakam ang kaniyang mister dito.
Hindi. Hindi siya papayag na walang siyang gagawin.
Minabuti niyang humanap ng dress sa kaniyang damitan. Nang makakita siya ng isang itim na dress, isang plano ang naisip niyang gawin.
Naligo na siya, nagbihis, at nagpaganda.
“Humanda kayo ng kabit mo!” bulong ni Merlita sa sarili habang nakatitig sa salamin at naglalagay ng lipstick.
At dumating na nga ang ala-una.
“Hello. Ikaw ba si Stacy?”
Nagulat ang babaeng tinawag na Stacy nang lapitan siya ni Merlita. Kitang-kita ni Merlita na pinasadahan siya nito nang titig mula ulo hanggang paa.
“Oo, ako nga si Stacy. Bakit? Paano mo ‘ko nakilala?”
“Ah pinapasundo ka sa akin ni Efren. Hindi raw kasi siya makakapunta rito dahil may tinatapos siya sa opisina. Sabi niya sa akin, doon na lang daw kayo sa opisina nila kumain at mag-date, tutal naman may sarili naman siyang kuwarto roon,” nakangising wika ni Merlita.
“Teka, sino ka ba? Sekretarya ka ba niya?”
Saglit na natahimik si Merlita.
“Ah oo, sekretarya niya ako. Tara na po, Ma’am.”
Kaya naman, tumayo na si Stacy at sumama na kay Merlita sa inupahan nitong kotse.
Habang nasa loob ng kotse ay nagtitimpi lamang si Merlita subalit kung nakakadikdik lamang ng pagkatao ang mga titig, kanina pa siguro alikabok ang kabit ng asawa niya.
Pagdating sa opisina ng kaniyang asawa, mabilis naman siyang pinapasok ng guwardiya dahil kilala naman siya nito.
Gulat na gulat si Efren nang makitang magkasama ang kaniyang misis at ang kabit!
“M-Mahal…” na ang tinutukoy ay si Merlita.
“Mahal? Babe ang tawagan natin. Pinasundo mo raw ako rito sa sekretarya mo…”
Hindi na nakapagsalita si Stacy dahil sinapak na siya sa mukha ni Merlita.
“B-Buwisit… bakit mo ko sinapak…”
Hindi pa nagkasya si Merlita sa ginawa niya at isa pang sampal ang pinakawalan nito.
“Hayop kang babae ka! Alam mo, maganda ka sana kaya lang nasa talampakan mo yata ang utak mo. Para lang malaman mo, hindi niya ako sekretarya. Ako ang misis niya, ang legal na asawa. Oh ano, papalag ka ba?” galit na sabi ni Merlita. Hindi naman nakahuma si Stacy.
“M-Mahal… magpapaliwanag ako…”
“At ikaw na hayop ka, huwag na huwag mo kong matatawag na mahal! Magsama kayo ng kabit mo. Pasalamat na lang sa Diyos at naiwanan mo ang cellphone mo, dahil kung hindi, hindi ko malalaman ang mga kalokohan mo. Oo nga pala, mamaya, bumalik ka sa bahay at kunin sa garahe ang mga maleta mo’t magsama na kayo ng babaeng ito,” sabi ni Merlita sabay alis ng opisina ni Efren. Marami pala ang nakarinig sa mga kasamahan ni Efren kaya halos lumubog sa kaniyang kinatatayuan ang lalaki dahil sa matinding kahihiyan.
Tuluyan na ngang hiniwalayan ni Merlita ang kaniyang mister. Sising-sisi naman si Efren sa kaniyang ginawa dahil hiniwalayan din siya ni Stacy.
Bagama’t nagkahiwalay, hindi naman nagkulang si Efren na magbigay ng sustento sa kaniyang mga anak. Balang-araw, umaasa pa rin siya na mapapatawad pa rin siya ni Merlita at magsasama ulit sila.