Palaging Pinapanigan ng Lalaki ang Nakatatandang Kapatid Nito Kaysa sa Misis; Laking Pagsisisi Niya sa Nangyari sa Asawa
Nauwi na naman sa isang mahabang diskusyon ang sana’y masayang date ng magkasintahang sina Leida at Ramon. Inimbitahan kasi ng binata ang kaniyang nobya upang sana’y surpresahin. Sa tagal kasi ng kanilang relasyon ay sa tingin nito’y panahon na para ayain niya ito ng kasal. Ngunit taliwas sa inaasahan ang naging sagot ng babae.
“Bakit? Bakit hanggang ngayon ay ayaw mo pa ring magpakasal sa akin? Hindi mo ba talaga ako mahal, Leida?” sambit ni Ramon sa kasintahan.
“Mahal kita. Alam mong wala akong ibang lalaking minahal kung hindi ikaw. Pero paano tayo lalagay sa tahimik kung hanggang ngayon ay parang wala ka pa ring balak na humiwalay d’yan sa ate mo? Pagkatapos ng kasal natin ay saan tayo titira? Sa bahay ng ate mo? Ayoko ng gano’n, Ramon!” tugon naman ni Leida.
“Malaki naman ang bahay ng ate ko. Isa pa, nag-iisa na rin siya. Mainam nang magkaroon siya ng makakasama, ‘di ba? Hindi ko naman siya kayang basta na lang na pabayaan!” depensa pa ng binata.
“Alam mo kung paano ako ituring ng kapatid mo, Ramon. Alam na alam mong ayaw niya sa akin. Mahihirapan lang tayo, lalo ako, kung magkakasama kami sa iisang bubong,” giit pa ng dalaga.
“Pero kahit bali-baligtarin mo pa ang mundo ay siya pa rin ang ate ko. Malaki ang matitipid natin kung hindi na tayo uupa pa ng bahay. Mas malaki ang tyansa na makapagpundar tayo ng sarili na natin. Wala naman akong gustong makasama kung hindi ikaw. Kaya nasasaktan ako masyado ngayong sinasabi mo sa akin na ayaw mo pa akong pakasalan,” dagdag pa ni Ramon.
Hati ang nararamdaman naman ni Leida. Mahal niya ang kasintahan ngunit natatakot siyang baka hindi matupad ang inaasahan nilang masayang buhay kung makikialam ang ate nito.
Matapos ang date na ‘yon ay ilang araw ding hindi nag-usap ang dalawa. Marahil ay nagpapakiramdaman kung sino ang mauunang makipag-usap. Napag-isip-isip ni Leida na may punto naman itong si Ramon. Masakit nga naman na ang taong iniibig mo ay basta mo na lang tanggihan.
Kaya tinawagan ni Leida ang kasintahan upang sila ay magkita.
“Alam kong mali ang ginawa ko, Ramon. Humihingi ako sa iyo ng tawad. Pero kailangan mo rin akong unawain,” saad ng dalaga.
“Napag-isip-isip ko nga rin ang mga sinabi mo. Pero sa ngayon ay hindi ko pa kasi kaya na bumukod. Kung natatakot ka sa ate ko’y ako ang bahala sa iyo. Ako ang magtatanggol sa iyo. Hindi ko hahayaan na gawan ka niya ng masama. Saka mag-iipon tayo nang mag-iipon hanggang sa makabili tayo ng sariling bahay. Pangako ko ‘yan sa iyo, Leida. Poprotektahan kita,” saad naman ni Ramon.
Dahil sa mga sinabing ito ng binata ay kumalma na rin ang kalooban ni Leida. Kaya naman sa wakas ay pumayag na siyang maikasal dito.
Isang simpleng kasalanan ang naganap. Walang kasing saya ang dalawa dahil nga matagal na nila itong hinintay. Kahit na may agam-agam pa rin sa kaniyang puso itong si Leida ay pilit na lang niyang itinuon ang sarili sa kanilang pag-iisang dibdib. Kitang-kita kasi niya kung paano siya pakatitigan ng ate ng napangasawa.
Matapos ang araw na iyon ay nagsimula nang manirahan ang dalawa sa bahay ng pag-aari ng nakatatandang kapatid ni Ramon na si Rebecca.
Habang tumatagal si Leida sa bahay na iyon ay lalong sumasama naman ang pakitungo sa kaniya ng hipag.
“Tingnan mo ang asawa mo, Ramon, halatang wala siyang alam sa bahay. Pagsabihan mo nga at puro siyesta ang ginagawa! Baka akala niya’y bisita pa rin siya rito!” wika ni Rebecca sa kapatid.
Agad namang kinausap ni Ramon si Leida tungkol sa napansin ng kaniyang kapatid.
“Kung maaari lang, Leida, tumulong-tulong ka naman dito sa bahay. Napapansin kasi ni ate na parang siya na lang ang laging kumikilos,” saad ng mister.
“Nagpahinga lang naman ako sandali, Ramon. Parang masama kasi ang pakiramdam ko,” wika naman ni Leida. Nang marinig ito ni Rebecca ay agad itong sumabat.
“Kaunting kilos sa bahay ay masama na agad ang pakiramdam mo? Aba’y hindi ka tatagal sa buhay may-asawa. Ang dapat sa iyo, Ramon, ay magpayaman ka. Kailangan ng asawa mo ng maraming kasambahay!” saad pa ng ate.
Kahit na mabigat ang pakiramdam ay pilit na naglinis ng bahay itong si Leida. Kinabukasan ay masama na naman ang pakiramdam niya. Kaya naman tinanghali ito ng gising.
“Aba’y gising, prinsesa! Nakahanda na po ang pagkain ninyo. Kumain na po kayo, mahal na prinsesa. Baka gusto mo ay subuan pa kita!” bungad ni Rebecca.
“Hindi ko naman gustong gumising ng tanghali, sadyang masama lang talaga ang pakiramdam ko. Pasensya na kayo sa akin,” paumanhin naman ni Leida.
Ngunit nakarating pa rin ito kay Ramon na nang mga panahon na iyon ay nasa trabaho.
“Talagang tinawagan ka pa ng ate mo para lang sabihing tinanghali ako ng gising. Sinabi ko naman na masama ang pakiramdam ko, ‘di ba?” paliwanag muli ng misis.
“Ikaw na ang mag-adjust, Leida. Alam mo namang nakikitira lang tayo sa bahay ni ate. Saka napapansin ko rin naman kasi sa iyo na parang madalang kang kumilos sa bahay. Talagang pag-iinitan ka niyan. Bakit hindi kasi hindi mo na lang muna sundin ang mga ipinag-uutos niya? Kunin mo ang loob niya at matuto kang makisama. Tandaan mo na siya ang may dahilan kaya tayo may tinutuluyan ngayon,” pahayag ni Ramon.
“Ito na nga ba ang sinasabi ko, Ramon. Hindi magiging maayos ang lahat kung hindi tayo bubukod. Lagi mo pang kinakampihan ang ate mo. Bakit ba hindi mo na lang ako ipagtanggol? Kapag kaya ko naman ay ginagawa ko, ‘di ba? Masama nga lang ang pakiramdam ko ngayon!” naiiyak nang saad ni Leida.
“Naiintindihan kita, nauunawaan kong hindi ka komportable, pero kaunting tiis lang naman, Leida. Naaawa rin kasi ako kay ate kung iiwan natin siya.”
“Ngunit sa akin ay hindi ka naaawa? Ako ang laging naiiwan dito at ako ang laging nabubulyawan! Hindi ito ang pinangarap kong buhay!” saad pa ni Leida.
Masama ang loob ni Leida ng mga panahon na iyon. Iniisip niya ang mga pangako sa kaniya ni Ramon bago sila ikasal. Sinisisi niya ang kaniyang sarili ngayon dahil parang nagpabilog siya ng ulo dito.
Lumabas ng silid itong si Leida upang sundin ang utos ni Ramon. Wala naman siyang magagawa kung hindi makisama. Dahi nga si Rebecca ang may-ari ng bahay na kanilang tinitirhan.
Pagkakita pa lang ni Rebecca kay Leida ay agad na niya itong inutusan.
“Baka naman maayos na ang pakiramdam mo? Kunin mo ang mga maruming damit at maglaba ka. Huwag kang gagamit ng washing machine dahil mataas sa kuryente. Kawawa naman ang asawa mo dahil siya lang ang nagtatrabaho sa inyo. Saka isa pa, ayaw ko ng laba sa washing machine dahil agad na masisira ang mga damit ko. O siya, ano pa ang tinatayo-tayo mo riyan?” bulyaw ng hipag.
Sinunod na lang ni Leida ang ipinag-uutos nito kahit na masamang masama ang kaniyang loob at maging ang pakiramdam.
“Ito pa, idagdag mo pa ang mga kurtina at kumot. Kamayin mo lang ang laba riyan, a! Mamahalin ang mga iyan at ayaw kong masira!” dagdag pa ni Rebecca.
Nagpatuloy sa paglalaba itong si Leida. Inabot na ito ng gabi at ng pag-uwi ni Ramon galing sa trabaho.
Agad na sumalubong itong si Rebecca sa nakakatandang kapatid.
“Tingnan mo ang asawa mo! Talagang walang alam sa gawaing bahay. Kay kupad kumilos!” bungad nito.
Imbes na kampihan at tulungan ang asawa ay kinausap pa ito ni Ramon na bilisan ang paglalaba. Ang hindi niya alam ay si Rebecca pa rin ang nagluto ng hapunan at naglinis ng bahay.
“Ramon, napapagod na ako. Ayaw ko na rito sa bahay na ito. Uuwi na lang ako sa amin!” saad ni Leida.
“Ano ba ‘yang mga sinasabi mo? Kaunting hirap lang ay susuko ka na? Tinuturan ka lang ng ate ko na maging isang mabuting maybahay. Para sa atin naman ito,” saad pa ni Ramon.
Hindi pa man nakakasagot itong si Leida ay bigla na lamang sumakit ang kaniyang puson at bigla na lang may dugo na umagos sa kaniyang mga hita. Maya-maya ay nawalan na rin ito ng malay.
Agad namang dinala ni Ramon si Leida sa ospital. Doon napag-alamang buntis pala ang misis niya. Ang malungkot pa roon ay tuluyan na itong naagasan.
“Bakit kasi hindi mo iniingatan ang sarili mo, Leida? Hindi mo ba alam na buntis ka? Napaka-iresponsable mo! Talagang wala ka na atang alam gawin!” saad ni Rebecca.
“Dapat ay sinabi mo sa amin na buntis ka, Leida. Tingnan mo ngayon ang nangyari!” saad naman ni Ramon na labis ang lungkot sa pagkawala ng anak.
Sa inis at gigil nitong si Leida ay sumagot na siya ng pabalang sa dalawa.
“Tumigil kayong dalawa! Wala na kayong ginawa kung hindi manduhan ang buhay ko! Ikaw, Ramon, sabi mo sa akin ay lagi mo akong poprotektahan at kakampihan. Ano ang nangyari? Naging sunud-sunuran ka rito sa ate mo. Kinalimutan mo ang responsibilidad mo sa akin! Ngayon ay nawala na ang anak ko nang dahil lang sa sinunod ko ang mga gusto niyo! Simula ngayong araw na ito ay hindi n’yo na ako mapagsasalitaan pa ng masama sapagkat aalis na ako sa bahay n’yo at kahit kailan ay hindi ko na hahayaan na makapasok pa kayong muli sa buhay ko! Magsama na kayong dalawa!” saad pa ni Leida.
Nang araw na lalabas na si Leida sa ospital ay sinundo na siya ng kaniyang mga magulang. Ikinuwento niya sa mga ito ang tunay na nangyari. Galit na galit ang mga magulang niya at maging ang mga ito ay ayaw na rin siyang pabalikin pa sa bahay na iyon.
Tuluyan nang hiniwalayan ni Leida itong si Ramon. Pilit mang nakikipagbalikan sa kaniya ang dating asawa ay talagang ayaw na niya.
Ngayon ay labis na pinagsisihan ni Ramon ang lahat ng nangyari. Subalit huli na ang lahat. Buo na pasya nitong si Leida na talikuran ang kanilang pag-iisang dibdib.
Hinding hindi na niya kaya pang makisama sa mga taong ito na hindi naman siya binigyan ng pagpapahalaga at malasakit.