Inday TrendingInday Trending
Inis na Inis ang Bata sa Nakatatandang Kapatid; Makokonsensya Siya sa Gagawin Nito sa Kaniya

Inis na Inis ang Bata sa Nakatatandang Kapatid; Makokonsensya Siya sa Gagawin Nito sa Kaniya

“O, anak, bakit parang nalugi ‘yang mukha mo? Akala ko ba’y maglalaro ka sa labas kasama ang mga kaibigan mo?” saad ni Melba sa kaniyang bunsong anak na si Junjun.

“Nakakainis po kasi sina kuya at ang mga kaibigan niya. Dapat kami po ng mga kaibigan ko ang gagamit ng bola para maglaro ng basketball kaso inunahan po nila kami. Kinukuha ko po sa kaniya ang bola pero ayaw po niyang ibigay. Umalis na tuloy ang mga kalaro ko!” naiinis na sagot naman ng bata.

“Hayaan mo at pagsasabihan ko ang kuya mo. Dito ka na lang muna at paghahanda kita ng merienda. Tutal wala ka namang asignatura ay maaari kang maglaro muna ng video games,” saad muli ng ina upang kalamayin ang kalooban ng anak.

Kahit paano ay naging masaya na rin si Junjun. Binuksan niya ang telebisyon upang maglaro ng video game. Habang mag-isa siyang nag-e-enjoy sa paglalaro ay biglang pumasok ang kaniyang kuya kasama ang mga kaibigan nito.

“Mali naman ang ginagawa mo kaya hindi ka makakausad sa larong iyan. Akin na nga at tutulungan kita. Ipapakita ko sa iyo ang tamang paraan ng paglalaro,” wika pa ng nakatatandang kapatid ni Carl sabay agaw sa controller.

Maya-maya ay nakilaro na rin ang mga barkada ng kaniyang kuya hanggang sa hindi na nakalaro pa si Junjun.

Muli ay nakasimangot itong nagsumbong sa kaniyang ina.

“Nakakainis talaga si kuya! Kinukuha niya ang lahat ng bagay na gusto ko! Lagi silang sagabal ng mga kaibigan niya sa kaligayahan ko!” saad ni Junjun sa ina.

“Bakit na naman? Ano na naman ang ginawa sa iyo ng kuya mo?” tanong ng ina.

“Nananahimik po ako na naglalaro ng video games tapos ay inagaw na naman sa akin. Bakit po palaging ganoon si kuya? Lagi na lang niya akong iniinis! Lagi na lang niya akong pinapakialaman! Nakakainis siya lalo ang mga kaibigan niya!” saad pa ng bata.

“Huwag ka nang mainis. Alam mo naman ang ugali ng kuya mo. Magbibinata ka rin at mauunawaan mo siya. Huwag ka nang sumimangot pa riyan. Tulungan mo na lang ako dito sa ginagawa ko. Inihahanda ko na ang mga dekorasyong gagamitin para sa nalalapit mong kaarawan,” wika pa ng ginang.

“Bakit kasi siya pa ang naging kapatid ko? Sana ay ako na lang mag-isa o hindi naman kaya ay nagkaroon na lang ako ng kapatid na mas mabait at pagbibigyan ako. Hindi katulad ni Kuya Carl!” inis na sambit pa ni Junjun.

“Anak, huwag na huwag mong sasabihin ang ganiyan. Mabait naman ang kuya mo. Sadyang hindi lang siguro kayo nagkakaunawaan dahil malayo ang edad n’yo sa isa’t isa. Alisin mo na ang galit mo at tulungan mo na lang ako rito,” saad pa ng ina.

Hindi maitago ni Junjun ang kaniyang nararamdamang inis sa kapatid. Lalo pa kapag nakikita niyang labis ang saya nito kasama ang mga kaibigan.

Kinabukasan ay sinorpresa ni Melba ang bunsong anak.

“Tapos na ang mga imbitasyon para sa kaarawan mo, anak. Pupunta tayo sa bahay ng mga kaibigan mo para ipamigay ito. Tara na?” paanyaya ng ginang.

Masayang masaya itong si Junjun. Hindi na siya makapaghintay sa araw ng kaniyang kaarawan dahil sa wakas ay maipapamukha niya sa kaniyang kuya na maging siya ay may mga kaibigan din at mas marami pa.

“Malapit na pala ang kaarawan ni Junjun, ‘ma, ano po ba ang handa?” tanong ni Carl.

“Natural, mga pagkain na gusto ng mga bata. Gagawa rin ako ng fruit salad para sa lahat,” sagot naman ng ina.

“Ang sarap naman! Parang hindi na rin ako makapaghintay sa kaarawan ni Junjun, a!” saad muli ng binata.

Pag-alis ni Carl ay agad na kinausap ni Junjun ang ina.

“‘Ma, baka po imbitahin na naman ni kuya ang mga kaibigan niya,” sambit nito.

“Wala namang masama kung iimbitahin ng kuya mo ang mga kaibigan niya. Parang kapatid na rin ang turing ng mga iyon sa iyo. Saka marami namang handa, anak,” tugon naman ni Melba.

“Baka hindi na naman kami magkaroon ng pagkakataon ng mga kaibigan ko na maglaro at magsaya dahil pakikialaman na naman nila!” nangangambang wika pa ng anak.

Lalong tumindi ang inis ni Junjun sa kaniyang Kuya Carl. Iniisip na nga niya ang kaniyang sasabihin kung sakaling imbitahin ng kuya niya ang mga barkada nito.

Dumating ang kaarawan ni Junjun. Madaling araw pa lang ay nagluluto na itong si Melba. Gabi pa lang ay nakaayos na rin ang mga dekorasyon. Ngunit pagsapit ng hapon sa nakatakdang oras ng selebrasyon ng kaarawan ni Junjun ay wala pa ring nagsisipuntahang mga bisita.

“Sigurado ka po ba, ‘ma, na tama po ang inilagay niyong petsa at oras sa imbitasyon?” nalulungkot na wika ni Junjun.

“Oo naman! Maya-maya ay nariyan na rin sila. Huwag kang mag-alala,” saad naman ng ina.

Habang lumilipas ang minuto ay lalong nararamdaman ni Junjun na tila walang pupunta sa kaniyang birthday party. Kaya naman itong si Melba ay tinawagan na ang ilang bisita upang tanungin ang nangyari. Sa kasamaang palad ay lahat ng mga ito ay hindi makakadalo dahil may kailangang asikasuhin.

Lungkot na lungkot si Junjun. Hindi niya akalaing ganito lang pala ang mangyayari sa kaniyang kaarawan. Pinipigilan niya ang pagpatak ng kaniyang luha nang biglang makarinig siya ng ingay sa labas.

Naroon si Carl kasama ang kaniyang mga barkada at nagsisikantahan ng kanilang pagbati kay Junjun.

Kahit paano ay nabuhayan ng loob ang bata. Lalo niyang ikinagulat nang makita ang lahat ng ito na may dalang regalo para sa kaniya.

“Maligayang kaarawan, Junjun! Ilang taon ka na ba? Binata ka na! P’wede ka nang sumama sa amin! Mag-iinuman tayo!” biro ng isang kaibigan.

Isa-isang iniabot ng mga binata ang kanilang regalo kay Junjun at saka sila nagkainan, nagkwentuhan, naglaro at nagkantahan.

Masayang-masaya si Junjun nang araw na iyon. Wala mang siyang kaibigang dumating ay nawala ang lungkot na kaniyang nararamdaman.

“Mabuti na lang at pinapunta mo ang mga kaibigan mo, Carl. Hindi ba’t kinausap mo na sila na hindi muna sila maaaring pumunta rito alinsunod sa hiling ni Junjun? Ano ang nangyari? Tapos ay may dala pa silang mga regalo at cake,” tanong ni Melba sa panganay na anak habang sila ay nasa kusina.

“Nakita ko kasi na malungkot na itong si Junjun. Inaasahan niya ang mga kaibigan niya pero walang nagpunta. Kaya naisipan kong tawagin na lang ang mga kaibigan ko nang sa gayon ay hindi naman masayang ang party na ito. Nakakatuwa lang at talagang parang kapatid ang turing nila kay Junjun. Hindi ko naman sinabi na bumili pa sila ng regalo. Ang sabi ko lang ay pumunta sila rito para magkaroon ng bisita si Junjun at pasayahin namin. Pero nagpumilit sila na magbigay ng regalo. Binili lang daw nila sa daan papunta rito,” pahayag pa ni Carl.

Ang hindi alam ng mag-ina ay naroon si Junjun at kanina pa ito nakikinig sa kanilang usapan. Nang marinig niya ang sinabi ng kaniyang kuya ay nakonsensya siya sa masasama niyang sinabi. Patakbo niyang nilapitan ang kaniyang Kuya Carl na nagulat sa pagdating niya at saka niya ito niyakap nang mahigpit.

“Sorry sa lahat ng nasabi ko, kuya! Ikaw ang the best kuya sa buong mundo, Kuya Carl! Maraming salamat sa’yo! Ito na ang pinakamasayang birthday ko!” wika naman ni Junjun.

Napangiti na lamang si Carl at niyakap din ang kapatid na nagdiriwang ng kaarawan.

“O siya, tama na ang drama. Mahaba pa ang araw! Gusto mo bang maglaro ng video game, Junjun? Ituturo ko sa iyo ang teknik ko para lagi akong nananalo!” wika ng binata.

Matamis ang ngiti ni Melba habang pinagmamasdan niya ang dalawa niyang anak. Sa wakas ay magkasundo na rin ang mga ito.

Simula nang araw na iyon ay naging maganda na ang samahan ng magkapatid. Malayo man ang kanilang mga edad ay hindi ito naging hadlang upang magkalapit sila.

Advertisement