Ubod ng Yabang ang Isang Binatang Nagtatrabaho sa Amerika; Sa Pagbabalik sa Ibang Bansa ay Karma ang Kaniyang Madadatnan
Ibang-iba na itong si Roger pagdating niya ng Pilipinas. Halos hindi na siya makilala ng marami dahil halos isang dekada rin siyang nagtatrabaho sa Amerika. Sabik na sabik na siyang makauwi hindi lamang upang makita niya ang kaniyang pamilya kung hindi upang maipagmalaki niya sa lahat ang kinahinatnan ng kaniyang buhay.
Marami ang nakikiusyoso sa kanilang eskinita habang ibinababa ang mga maleta at balikbayan box na kaniyang dala. Malugod siyang binabati ng marami ngunit matipid ang kaniyang mga ngiti.
“Anak, bakit hindi mo man lang batiin ang mga kaptibahay natin? Hindi mo ba nakikita na masayang masaya rin sila sa pag-uwi mo? Ipinagmamalaki ka ng lahat dahil nga nakapagtrabaho ka sa Amerika,” saad ng inang si Josie.
“Naku, ‘nay, alam na alam ko naman kung ano ang kailangan ng mga ‘yan! Gusto lang nilang makiusyoso tapos mamaya ay hihingi na sa akin ng pasalubong!” naiinis pa nitong tugon.
“Binati ka rin ng Ninang Lisa mo kanina. Hindi ka man lang nagmano at nagbigay ng respeto. Halatang halata sa iyo na iniiwasan mo sila! Gusto ka lang namang kumustahin ng ninang mo,” dagdag pa ng ina.
“‘Nay, paulit-ulit naman po ang sasabihin sa akin niyang si Ninang Lisa. Madalas magpadala sa akin ng mensahe ‘yan at may ipinakikiusap. Gusto atang tulungan ko ang anak niyang maghanap ng trabaho sa Amerika para makarating doon. Manong magsumikap ng sarili nila,” wika pa ni Roger.
“Sa tingin ko naman ay hindi na hihingi pa ng tulong sa iyo ang Ninang mo. Nakaalis na ang anak niya patungong Kuwait. Ang sabi pa nga ay parang waiter sa isang restawran doon. Maayos na rin ang buhay nila,” kwento naman ni Josie.
Hindi naman kumbinsido rito si Roger. Alam niyang kukulitin pa rin siya ng kaniyang Ninang dahil sino nga naman ang hindi nagnanais na makarating sa Amerika.
Kinabukasan ay nakasalubong muli ni Roger ang kaniyang Ninang Lisa. Katulad ng dati ay magiliw pa rin ito. Pilit nitong kinukumusta ang binata ngunit halatang iwas siya.
“Kinukwento nga kita sa anak ko, Roger, kaya naman nagnanais din siyang makapunta sa Amerika tulad mo. Naroon kasi siya ngayon sa Kuwait at nagtatrabaho sa isang restawran. Ayos na rin ang kita kahit paano. Mataas kaysa sa kinikita niya rito sa awa ng Diyos. Ikaw, magkwento ka naman tungkol sa buhay mo sa Amerika! Kumusta ang trabaho mo roon? Balita ko sa nanay mo ay malaki ang sweldo mo. Nakakainggit nga at mabilis mong napagawa ang bahay ninyo. Sa bagay, darating din kami riyan. Nagsusumikap naman ang anak ko,” saad pa ni Lisa.
Sa haba ng sinabi ng ginang ay naging matipid na naman ang sagot ni Roger.
“Masaya rin po akong malaman ‘yan, Ninang, pero kailangan ko na kasing umalis. May mga aasikasuhin pa kasi ako. May mga kikitain din akong mga kaibigan habang ako’y narito,” saad naman ni Roger.
“O siya, sige na. Pasensya ka na sa akin at natutuwa lang talaga akong makita ka ngayon. Basta kapag may pagkakataon ay pakitulungan mo naman ang anak ko na makapunta sa Amerika,” nakangiting pahayag pa ng ginang.
Sa tuwing nakikita ang dalawa ay walang ginawa itong si Lisa kung hindi tanungin ang binata.
Hanggang sa isang araw ay hindi na nakatiis si Roger. Hindi na niya maitago ang kanyang pagkairita sa kaniyang Ninang Lisa kaya naman nang magkita muli sila ay hindi na niya naiwasan pang sagutin ang ginang.
“Hindi n’yo ba napapansin na hindi ko na nga kayo kinakausap? Hindi ko kayang hanapan ang anak ninyo ng trabaho sa Amerika dahil una ay wala naman siyang tinapos katulad ko. Saka bakit kailangan n’yong iasa sa akin ang bagay na ‘yan? Bakit hindi mismo ang anak ninyo ang maghanap ng paraan papuntang Amerika?! Aaminin ko na sa inyo, maliit ang posibilidad na makapunta sa Amerika ang anak ninyo dahil kung nasaan man siya ngayon ay doon siya nababagay!” sambit pa ni Roger.
Nasaktan si Lisa sa pang-aalipusta ng inaanak. Hindi niya akalain na pagsasabihan siya nito ng mga masasakit na salita.
Mula noon ay hindi na nangulit pa si Lisa kay Roger. Nang malaman naman ni Josie ang ginawang ito ng anak ay pinagsabihan niya ito agad.
“Kabastusan ang ginawa mo sa ninang mo. Maaari mo naman siyang kausapin nang maayos. Bakit kailan mo siyang pahiyain? Hindi kita pinalaking walang respeto sa kapwa, Roger!” saad pa ng ina.
“Dapat lang ‘yon sa kaniya nang matauhan siya. Kung hindi ko ‘yun gagawin ay palagi niya akong kukulitin. Hindi mo lang alam, ‘ma, kung gaano ako kulitin ng ninang ko na ‘yun para lang sa anak niya!” depensa naman ng binata.
“Pero hindi pa rin tama ang ginawa mo, anak. Tandaan mo, bilog ang mundo!” saad pa ng ina.
Hindi pinansin ni Roger ang sinabi ng ina. Ubod talaga ito ng yabang, nakatungtong lang ng ibang bansa.
Hindi nagtagal ay nagbalik na ng Amerika ang binata. Sa kaniyang pagbabalik ay laking gulat niya nang malamang may pagbabago sa kompanyang kaniyang pinapasukan. May natanggap na raw kasi sa matagal nang bakanteng posisyon. Ang buong akala pa naman niya ay na-promote na siya. Laking gulat niya nang makita ang kababatang si Lino, anak ng kaniyang Ninang Lisa, ang nakakuha ng mataas na posisyong iyon.
“A-anong ginawa mo rito? At bakit ikaw ang nasa posisyong iyan? Hindi ka naman karapat-dapat! Hindi ba’t hindi ka naman nakapagtapos ng pag-aaral?” sambit ni Roger.
“Iyon ang akala mo, pero habang nasa Kuwait ako ay natuwa ang may-ari ng restawran sa akin at pinag-aral niya ako. Nalaman niyang may matindi akong pagnanais na makarating ng Amerika para sa mas masaganang buhay para sa aking pamilya. Inirekomenda niya ako sa kaniyang kaibigan, ang may-ari ng kompanyang ito. Nagustuhan naman nila ang trabaho ko kaya’t narito ako ngayon,” sambit ni Lino.
“Alam ko kung ano ang ginawa mo sa nanay ko, Roger. Huwag kang mag-alala at hindi ako namemersonal lalo na pagdating sa trabaho. Pero magsilbing aral sana ito sa iyo na huwag kang manghamak ng kahit sino,” dagdag pa nito.
Labis na napahiya si Roger. Hindi niya akalain na isang araw ay magkikita sila ng kaniyang kinakapatid sa bansang ito. Ngunit mas masaklap para sa kaniya dahil ang hinahamak niya noon ay boss na niya ngayon.