Inday TrendingInday Trending
Sunod sa Layaw ang mga Anak ng Negosyante at Wala Man Lamang Malasakit sa Kaniya ang mga Ito; Paano Kaya Sila Magbabago?

Sunod sa Layaw ang mga Anak ng Negosyante at Wala Man Lamang Malasakit sa Kaniya ang mga Ito; Paano Kaya Sila Magbabago?

“Matagal na kitang inoobserbahan, Nick. Bilib ako sa sipag at tiyaga mo. Hindi ka man pinanganak na mayaman ay nagpursige ka nang todo upang marating kung nasaan ka man ngayon,” wika ni Don Wilson, ang may-ari ng kumpanyang pinagtratrabahuhan ng binata.

“Hindi ko naman mararating ito kung hindi dahil sa inyo, sir. Kaya nga nagpapasalamat ako at dito ako naglingkod sa kumpanyang may tunay na malasakit sa mga empleyado ang may-ari,” sagot ni Nick.

“Hindi ko alam, hijo, kung saan ako nagkamali. Ang mga anak ko’y naging bulagsak sa pera. Hindi na ako magtatagal sa mundong ito. Ramdam kong malapit na akong mawala. Kung sarili ko lamang ang iisipin ko, masaya akong mamamaalam dahil alam kong doon sa itaas ay magkakasama kaming muli ni Azon ngunit kapag naiisip ko ang mga anak ko’y gusto ko na lamang magmukmok sa isang sulok. Hindi ako mahusay na ama, Nick,” sagot ng matanda habang nangingilid na ang luha.

Awang-awa si Nick sa kaniyang boss ngunit wala naman itong magawa at nahihiya rin siyang magsalita ng masakit tungkol sa mga anak nito kahit pa alam na alam niya ang mga kalokohang pinaggagagawa ng mga ito sa kumpanya. Naroong mago-online shopping ang mga ito gamit ang credit card ng kumpanya. May mga pagkakataon ding nagpapapalit ng mga cheke ang mga ito at hindi binabalik sa kumpanya ang pera.

Habang tumatagal ay lumalalim ang awa ng binata sa kaniyang boss. Hindi na nakatiis si Nick sa ginagawang pangloloko ng mga anak nito sa butihin nilang ama kaya’t nagdesisyon itong kausapin ang amo at ipagtapat dito ang lahat ng kalokohan ng mga anak niya.

“Alam ko na ang lahat ng iyan, Nick. Kaya nga lalo akong nalulunod sa kalungkutan,” wika niya.

Doon naisip ng dalawa ang isang planong magpapabago ng buhay ng mga anak ng matanda.

“Mga anak, patawarin ninyo ako sa ipagtatapat ko sa inyo. Si Nick ay hindi isang pangkaraniwang empleyado ko lamang. Siya ay anak ko sa labas,” pahayag ni Don Wilson.

Kunsumidong-kunsumido naman ang mga anak nito sa pag-iisip na magkakaroon pa sila ng kahati sa mana ng kanilang ama.

“Naisip pala ni dad na kung sinuman sa atin ang magiging pinakamahusay na empleyado sa kumpanya at makakapagpasok ng maraming kliyente ay siyang makakatanggap ng pinakamalaking parte ng mana. Iyon ay walang iba kundi ito mismong kumpanyang pagmamay-ari niya,” mayabang na asta ni Nick na talaga namang napakagaling umarte.

“Hindi namin siya matatanggap, dad! Paano niyo naman nalaman na anak niyo siya?” wika ng bunsong si Vicky.

Agad namang binuksan ni Don Wilson ang isang sobre na naglalaman ng pekeng DNA test.

“Lahat ng mga kalokohan ninyo dito sa kumpanya ay nakasulat, sabay pakita nito ng mahabang listahan ng mga pagkakautang nila mula sa mga ninakaw nila sa kumpanya.”

Lalo namang nagpuyos ang damdamin ng mga mukhang perang anak ng negosyante ngunit wala naman silang nagawa.

Mula noon ay nagbago na ang ihip ng hangin. Naging masipag ang mga anak nito at unti-unti nilang binayaran ang mga pagkakautang sa kumpanya. Nagpursige din silang magtrabaho nang maigi upang makakuha ng maraming kliyente. Dahil doon ay trumiple ang kita ng kumpanya.

Kasabay noon ay lalong naging lugmok sa kalungkutan si Don Wilson. Sa isip niya kasi’y dahil lamang sa pera at mana kaya’t nagsusumikap ang kaniyang mga anak at wala siyang nararamdamang pagmamahal mula sa mga ito.

Agad namang pinatawag ni Nick ang mga kunwaring kapatid sa labas ukol sa kundisyon ng amo.

“May malubhang sakit si dad. Hanggang ngayon ay hindi pa rin kayo nagpapakita ng pagmamahal sa kaniya,” malungkot na saad ng binata.

“Huwag kang pumapel dahil anak ka lang sa labas. Bida-bida ka!” sambit ng panganay na anak na si Roger.

Hindi man nagkakaintindihan ang mga ito’y nakaramdam pa din sila ng lungkot sa balitang narinig mula kay Nick.

Simula noon ay natuto silang maglaan ng oras para sa kanilang ama.

Ang pangalawang anak nitong si Mae ay pinapasyal ang kaniyang ama sa mall tuwing Linggo, ang panganay na si Roger ay dinadala sa bahay ng ama ang mga apo at asawa nito upang doon sila mag-bonding. Ang bunso namang si Vicky ay pirmeng dumadalaw din sa ama upang ipagluto ito ng masasarap na putaheng natutunan niyang lutuin mula sa kaniyang ina.

“Para akong nakalutang sa alapaap, nananaginip lamang ba ako?” wika ni Don Wilson.

“Hindi naman sa ganoon, dad. Patawarin ninyo ako sa mga nagawa kong kasamaan. Hindi na ito tungkol sa pera. Ako bilang panganay mong anak ay malaki rin ang pagkukulang sa inyo. Alam kong dapat ay naging magandang ehemplo ako sa mga kapatid ko pero wala akong ibang inatupag kundi magsugal at tapatan ng luho ang mga obligasyon ko sa mga anak at asawa ko,” lumuluhang tugon ni Roger.

“Noong napagmasdan ko kayo, dad… Naalala ko kung paano tayo naglalaro noong bata pa lang ako… Masayang-masaya tayo… Sorry, dad… Ako dapat ang nag-aalaga sa ‘yo nang maigi dahil ako ang bunso mo at wala pa akong asawa… Babawi ako sa lahat, dad… Kahit na alisan mo pa ako ng mana… Aalagaan kita,” saad ni Vicky habang yakap ng mahigpit ang amang lumuluha.

“Hindi mo totoong anak si Nick, dad. Sorry kung kailangan mo pang gumawa ng kuwento para lamang maging maayos kami. Naiintindihan ka namin, dad at nagpapasalamat din kami kay Nick at ganoon na lamang ang pagmamalasakit niya sa inyo. Mahal na mahal ka namin,” saad naman ni Mae.

Mula noon ay naging masaya na si Don Wilson. Mali man ang pagsisinungaling ngunit hindi siya nagsisi sa kaniyang ginawa sapagkat gaya ng lahat ng magulang, gagawin niya ang lahat para sa ikakabuti ng kaniyang mga anak.

Advertisement