Inday TrendingInday Trending
Panay Raw ang Bigay ng Pera ng Matandang Lalaki sa Magandang Dalaga; Sari-Saring Tsismis Tuloy ang Kumalat sa Kanilang Lugar

Panay Raw ang Bigay ng Pera ng Matandang Lalaki sa Magandang Dalaga; Sari-Saring Tsismis Tuloy ang Kumalat sa Kanilang Lugar

Napanganga ang mga kapitbahay nang pumarada sa harap ng bahay nila Beth ang isang napakagarang sasakyan. Nagsisikuhan na ang mga tsismosang walang ginawa kundi mag-tong its at magtsismisan sa maghapon.

Lalo pa silang nagulantang nang may bumabang matandang nakaitim na suit at may suot pa itong kurbata. Sumunod na bumaba ang dalawang lalaking naka-polong itim. Malalaki ang mga katawan ng dalawa at palingon-lingon sa paligid habang nakapalibot sa magarang sasakyan.

Maya-maya ay sinalubong ng magandang dalagang si Beth ang matanda at inalalayan papasok ng pintuan.

“Nakita niyo ba ‘yon? Diyos ko! Ang kapal ng hawak na pera ng matanda! Malamang iyang si Beth ay nakadali ng sugar daddy. Jackpot na jackpot siya diyan! Hindi halata sa mukha, kahawig pa man din ni Mama Mary eh Blo*ody Mary pala ang peg!” humahalakhak na hirit ni Tessie, ang lider ng mga tsismosa sa kanilang barangay.

“Mautak din si babae, ginamit ang ganda para makaahon sa hirap! Iba rin!” diga naman ng isa pang talamak na tsismosang si Mabel.

Maya-maya pa’y todo abang ang lahat sa pagbaba ng matanda. Inabot na ng mahigit kalahating oras bago ito bumaba at wala na itong suot na kurbata.

“Lupit ni lolo ha, mabilis pa rin pala!” saad ng asawa ni Mabel na si Lando, sabay hagalpak ng tawa.

“Inggit ka naman! Kita mo ‘yon oh naiwan pa ang kurbata sa bahay ni Beth. Sinasabi ko sa inyo, hindi magtatagal at aalis na dito yang si Beth. Lilipat na ‘yan sa magarang bahay!” wika ni Mabel.

Nang makaalis na ang matanda ay hindi pa rin makapaniwala ang mga tsismoso at tsismosa sa kanilang nasaksihan at patuloy pa rin ang pagkukuwentuhan ng mga ito.

“May tinda pa ho ba kayong feminine wash, Aling Ruby? Naubusan kasi ako,” magalang na wika ni Beth habang kumakaway pa sa mga tsismosa.

Gulat na gulat ang mga ito nang makita ang pinagtsitsismisang babae lalo na nang marinig kung ano ang binibili nito sa tindahan.

“Nabalutan na siguro ng lupa ang ano niya kaya lilinisin!” mahinang bulong ni Lando sa asawa saka sila nagtawanan nang malakas.

“Hija, kanina ka pa pinag-uusapan ng mga iyan. Sino ba ang matandang iyon?” bulong ni Aling Ruby sa dalaga.

“Si Lolo Miguel po siya. Lolo ng matalik kong kaibigang si Cindy, bakit daw po nila ako pinag-uusapan?”

“Akala nila ay syota mo iyon o ‘yon bang tinatawag na sugar daddy,” wika ni Aling Ruby.

Humagalpak naman sa kakatawa si Beth at halos maluha pa ito at mamilipit sa sakit ng tiyan.

Nahawa naman si Aling Ruby sa dalaga at tawa na rin ito nang tawa.

Napawi ang tawanan ng dalawa nang biglang humangin nang malakas sabay kulog at kidlat. Matapos noon ay biglang bumuhos ang malakas na ulan.

Alisan ang mga tsismosa hawak ang mga pera nilang ginagamit pangsugal. Nagliparan na ang mga bubong at dahon sa lakas ng hangin.

Tumakbo nang mabilis si Beth pauwi ng kaniyang bahay. Naabutan niyang natataranta na ang kaniyang mga magulang at kapatid.

Tila kasing bibigat ng mga bato ang bawat patak ng ulang iyon. Naririnig na rin niya ang mga kapitbahay na naghihiyawan sapagkat natanggalan ng bubong ang bahay ng mga ito. Kasunod na noon ay ang pagbaha, biglang kumulog at kumidlat muli saka nawala na ang kanilang kuryente.

Suwerte na lamang si Beth at kahit papaano’y maayos na ang kanilang bahay kaya’t hindi ito nadali ng bagyo.

Marami sa mga tsismosa ang nasiraan ng bahay at mga gamit nang dahil sa malalim na baha.

Makalipas ang ilang araw ay tulala pa rin sila Mabel at Tessie, iniisip kung saan kukuha ng pampagawa ng bahay sapagkat wala silang ipon ni singko.

Gulat na gulat si Beth nang buksan ang pintuan ng kanilang bahay at makita ang mukha ng dalawang tsismosa.

“Beth, mayaman naman ang DOM mo… Baka puwedeng pautangin mo kami ng tag sampung libo para may maipangpagawa kami ng bahay,” direktahang wika ni Mabel.

Napakamot ng ulo si Beth.

“Alam ho ninyo, masama ang ginagawa ninyong pakikipagtsismisan at pagsusugal sa araw-araw. Iyan ho tuloy, pagdating ng kagipitan, wala kayong madukot,” payo ni Beth sa mga babaeng ‘di hamak na mas may edad sa kaniya.

“Naku, nakatungtong ka lang sa kalabaw ay ganyan ka na kung umasta,” sagot ni Tessie sa dalaga habang rumorolyo ang mga mata.

‘Di naman napigilan ng kaniyang Tatay Nestor na sumagot.

“Hoy! Wala kayong karapatang pagsabihan ng ganyan ang anak ko! Ang dudumi ng utak ninyo! Nagpapatahi ng mga kurbata sa asawa ko ang matandang iyon! Dahil matalik na kaibigan ni Beth ang apo niya ay sa amin siya niretong magpagawa. Malaki nga ang binayad sa amin e pero pasensya na kayo at hindi namin kayo mapapautang! Hindi kami mangungunsinti ng mga tsismosa at sugalera! Isa pa, aalis na si Beth at pupunta ng Saudi dahil doon na siya magtratrabaho bilang isang nurse! O iyan, ipagkalat niyo na!” galit na sagot ni Tatay Nestor.

“Idagdag ninyo na rin na ang matandang iyon ay napakayaman ngang talaga, sa katunayan ay siya ang nagpasok kay Beth doon sa papasukan niyang ospital sa Saudi! Mabuti naman at yayaman na rin kami sa wakas para makaalis na kami sa lugar na ‘to na naglipana ang mga tsismosang gaya ninyo!” sabad naman ng ina ni Beth.

Umuwing lugmok ang tsismosang magkaibigan nang walang bitbit ni singko.

Advertisement