Ipinaampon Niya ang Babaeng Anak Dahil Mahina Raw ang Utak Nito; Sising-Sisi Siya Makalipas ang Dalawang Dekada
Tuwing magtuturo ng Math subject sa pinapasukang prestihiyosong unibersidad si Nika ay hindi maiwasang bumalik sa kaniyang alaala kung paano siya saktan at pagsalitaan ng masakit ng kaniyang ama noong siya’y pitong taong gulang pa lamang. Dahil lamang ito sa hindi niya magawang magbasa nang mabilis gaya ng kaniyang mga mas nakababatang kapatid.
Bilang isang kagalang-galang na prinsipal ay hindi matanggap ng tatay ni Nika kung bakit palaging mababa ang mga grado ng kaniyang unica hija. Sa hiya nito sa mga kakilala ay ipinadala siya nito sa Amerika upang ipaampon sa kaniyang tiyahing hindi magka-anak. Mabait ang asawa nitong Amerikano at kailanman ay hindi nito sinisi ang kaniyang tiyahin sa pagiging baog ng ginang.
Doon niya lamang naranasan kung paano mahalin ng mga magulang.
Palaging bukambibig ng kaniyang ama na malas daw ang pagkakaroon ng anak na babae. Siya rin daw ang dahilan kung bakit winakasan ng kaniyang ina ang buhay nito noong isang taong gulang pa lamang siya. Nakaranas kasi ito ng matinding postpartum depression.
Nakuwento ng kaniyang Tita Olga na kaya raw nagkaganoon ang kanilang ina sapagkat talagang masakit magsalita ang ama niya at palagi raw nitong iniinsulto ang kaniyang nanay. Mababa rin daw ang tingin nito sa mga babae dahil ang nanay nilang si Lola Zeny ay iniwan ang kanilang ama at silang magkakapatid noong mga bata pa lamang sila.
Habang kumakain ng hapunan sila Nika ay biglang nag-ring ang telepono ng kaniyang Tita Olga. Tumatawag ang kaniyang panganay na kapatid na si Robin.
Kinutuban na si Nika na may masamang nangyari sapagkat hindi naman nagpaparamdam ang mga ito kung walang kailangan.
“Nika, ang daddy mo… Na-stroke…” namumutlang pahayag ng tiyahin.
Napilitan si Nika na umuwi ng Pilipinas. Kahit pa masamang-masama ang loob niya rito ay hindi niya magawang magalit sa ama dahil hindi rin naman siya tinuruan ng tiyahin na magtanim ng galit sa kapwa, ganoon din ang kaniyang tiyuhin kahit pa hindi ito sa konserbatibong bansa lumaki ay naging napakamapagmahal at maunawain na pangalawang ama nito sa kaniya.
Naluha si Nika nang madatnan ang ama sa kalunos-lunos na kalagayan. Napakapayat nito at hindi na nakakapagsalita. Nakangiwi na rin ang kanang bahagi ng mukha nito.
“Ate, malaki na ang bill sa ospital. Dati pa binibilin ni dad na huwag na huwag lalapit sa inyo ni tita kapag nagkasakit siya pero malapit na ring maubos ang ipon ko. Nagalaw ko na rin ang pampakasal namin ni Victoria,” malungkot na daing ng kapatid.
“Ako na’ng bahala,” wika ni Nika.
Kahit hindi maintindihan ang sinasabi ay sinusubukan ng kaniyang ama na ibuka ang bibig nang makitang naroon siya. Umaagos na rin ang mga luha nito.
Sa unang pagkakataon ay naramdaman niya na rin ang pagmamahal ng kaniyang ama at nagpapasalamat naman si Nika na hindi pa huli ang lahat upang makabawi ito sa lahat ng pagkukulang sa kaniya.
Gumastos ng limpak-limpak si Nika upang tulungan ang ama na makalakad muli. Pati speech therapy ay inaraw-araw ni Nika upang makagaan sa loob ng ama. Kilala niya kasi itong matapang at malakas. Taliwas sa kalagayan nito ngayon.
Nagdaan ang isang taon ngunit wala pa ring pagbabago sa kundisyon ng ama. Sinukuan na rin ito ng kaniyang mga therapist.
Dumating sa pagkakataon na wala na siyang ibang makuhang ibang tutulong at mag-aalaga sa ama dahil matigas daw ang ulo nito ayon sa mga caregiver na nag-alaga dito kaya’t pinagtiyagaan ni Nika na personal nang tulungan at alagaan ang ama kahit pa hindi siya sanay sa ganitong gawain gaya ng pagpapalit ng diaper at pagpapaligo rito.
Lumipas ang isang taon at ganoon pa rin ang kalagayan ng ama. Sa sobrang pagod ay nakatulog na si Nika sa tabi nito habang nakaupo.
“A-anakkkkk…” akala ni Nika ay nananaginip lamang siya.
“Daddy! Nakakapagsalita ka na!” masayang sagot ng dalaga.
“A-nak… Noong ba-ba-bata ka pa a.. a-ay ‘di kita na-na…gawang pag…ti…tiyagaan… Ngayo-nnnn ay ikaw lamang ang… ang tanging anak kong nagtiyaga sa… sa a.. akin…”
Napahagulgol si Nika sa narinig.
“Ma—raming sa…salamat… a…nak…” lumuluhang wika ng ama..
Mula noon ay lalo pang bumuti ang kalagayan ng kaniyang ama.
Hindi na rin bumalik pa si Nika sa Amerika. Naunawaan naman ito ng kaniyang Tita Olga.
Lahat ng oras na hindi naigugol sa kaniya nito noong bata pa siya ay binawi nito ngayon. Mula nang makalakad itong muli ay pinagluluto nito palagi si Nika ng masasarap na pagkain. Araw-araw ay nagkukuwentuhan sila at namamasyal.