Nagpanggap na nasa Ibang Bansa ang Dalaga Kahit nasa Maynila Lang, Doon Niya Pala Mabubunyag ang Kalokohan ng Ama
“Anak, kumusta ka na riyan Saudi? Ayos ba ang kitaan d’yan? Maghanap ka na ng mayamang bumbay riyan, ha, para madala mo rin kami ng nanay mo riyan at maipagamot!” bungad ni Mang Kelly sa anak, isang hapon nang mapagdesisyunan niya itong tawagan.
“Ayos lang naman po ako, papa! Medyo mababa pa ang sahod ko dahil po kakatrabaho ko lang dito. Hindi ko po kailangan ng mayamang foreigner, tatay, makakaasa kayong aasenso tayo dahil sa tiyaga ko!” nakangiting tugon ni Herlene habang naglalagay ng make-up sa sarili.
“Naku, siguraduhin mo lang, ha? Ngayon kasi, hirap na talagang huminga ang nanay mo, eh. Sa katunayan, dinala ko na siya sa ospital kanina at hinihingian kami ng sampung libo piso bilang kabayaran. Buti nakautang ako sa kumpare ko, anak, pero s’yempre kailangan ko ‘yong bayaran,” kwento pa nito kaya siya’y bahagyang napabuntong hininga.
“Kailangan po kayo nakapangakong magbabayad, papa?” tanong niya rito.
“Sabi ko nga ngayong araw din, eh, mayroon ka na bang pera riyan? Nakakahiya kung hindi ko tutuparin ‘yon, eh,” malungkot nitong wika na agad niyang kinaawaan.”Meron naman po, papa, sige po, magpapadala po ako! Ingat po kayo riyan, papasok na po ako sa trabaho!” masigla niyang sabi kahit na sa loob-loob niya, siya’y nahihirapan na.
Nagpapanggap na nasa ibang bansa ang probinsyanang si Herlene sa kaniyang mga magulang kahit na siya’y nasa Maynila lamang. Minsan kasi siyang na-scam ng isang ahensya raw sa Saudi ngunit sa Maynila lamang siya dinala at dahil nga ayaw niyang mag-alala ang mga ito sa kaniya, tinuloy-tuloy niya na lang ang paghahanap ng trabaho roon upang matugunan ang pangangailangan ng mga ito na siya na lang ang tanging pag-asa.
Ngunit dahil nga siya’y isang tipikal na probinsyanang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, hirap na hirap siyang humanap ng trabahong may malaking sahod. Dito na niya napag-isip-isip na dumoble kayod upang may maipadala lang sa kaniyang mga magulang.
Nagtrabaho siya bilang isang saleslady sa isang mall sa umaga at isa namang bayarang babae sa isang kilalang bar sa Maynila sa gabi. Ang dalawang trabaho niyang ito ay lingid sa kaalaman ng kaniyang mga magulang kaya kahit siya’y nakokonsensya sa tuwing hahawak siya ng perang galing sa pangalawa niyang trabaho, iniisip niya na lang ang pangangailangan ng mga ito sa probinsya.
Nang hapong iyon, pagkatapos nilang mag-usap ng kaniyang ama, agad na siyang nagpadala ng pera rito at nagtungo sa pinagtatrababuhan niyang bar. At dahil nga talamak talaga roon ang mga manginginom na kustomer, siya’y agad na nagsimulang lumingkis sa mga ito kapalit ng pera.
Ilang oras pa ang lumipas, siya’y nakalikom din ng halos tatlong libong piso dahil sa mga kustomer na rumenta sa kaniya.
“Malaki-laki pa ang kailangan kong pera para mabawi ang naipadala ko kila papa,” malungkot niyang sabi matapos bilangin ang kaniyang kinita.
“Naku, mabuti na lang sinuwerte talaga ako ngayon sa matandang kustomer ko! Mantakin mo, nakailang lambingan lang kami, binigyan na ako agad ng sampung libong piso!” sabat ng isa niyang katrabaho. “O, talaga? Ang swerte mo talaga!” sagot niya rito.
“Sinabi mo pa! Nagliliwaliw lang daw kasi siya dahil malapit nang mawala ang asawa niyang may sakit. Iyong anak niya pa raw, nasa ibang bansa kaya wala siyang makausap sa bahay. Imbis daw na dalhin niya sa ospital ang asawa niya, hinahayaan niya na lang dahil masasayang din ang pera kapag pinagamot niya pa ito,” kwento pa nito dahilan para bahagya siyang kabahan.
“Anong pangalan?” agad niyang tanong dito.
“Kelly daw, eh, taga-probinsya raw siya,” tugon nito dahilan para siya’y manigas.
“Alam ko nasa labas pa siya at nag-iinom, malay mo, madagdagan no’n ang kita mo! Puntahan mo…” hindi na niya pinatapos ang sinasabi nito at siya’y agad na nagtungo kung nasaan ang kaniyang ama.
Katulad ng sabi ng kasamahan niya, nag-iinom nga ito kasama ang isa niya pang kasamahan. Agad itong napabalikwas nang makita siya at nagtaka sa presensya niya.
“Ano, papa, ‘yong mga pinapadala kong pangpagamot ni mama, rito mo lang dinadala?” galit niyang sigaw dito.
“Ipaliwanag mo kung bakit ka narito!” sabi nito habang nagagalit pa.
“Para sa inyo ni mama! Para may pangpagamot siya!” bulyaw niya pa saka tuluyang iniwan ang tatay niya roon.
Agad siyang nagdesisyong umuwi sa kanilang probinsya upang makita at maalagaan ang kaniyang ina. Halos manghina siya nang makitang nanggigitata ito at tila ba ilang buwan nang hindi naaalagaan nang ayos.
Sa galit niya, iniwan niya sa bahay ang kaniyang ama na hiyang-hiya sa kaniya at dinala niya sa ospital ang ina.
“Malalagot ka sa akin kapag may nangyaring masama kay mama!” sabi niya sa ama bago sila tuluyang umalis patungong ospital. Iyak lang ito nang iyak habang humihingi ng tawad sa kaniya.
Mabuti na lang, naawa sa kaniya ang ilan niyang kasamahan sa dalawa niyang trabaho at nag-ambagan ang mga ito upang maipagamot niya ang nanay niya sa Maynila.
Dahil doon, unti-unting naibalik ng kaniyang ina ang lakas nito at doon na siya umamin sa kasinungalingang ginawa niya. Ngumiti lang ito at sinabing, “Salamat pa rin, hindi mo ako pinabayaan,” saka siya nito niyakap.
Simula noon, mas itinuon niya ang pansin sa ina niyang patuloy na nagpapagaling. Nagpapadala man siya sa ama niya, sinasakto niya lang sa pangangailangan nito upang huwag nang mangbabae pa.
“Pasalamat ka, papa, hindi kita kayang matiis,” sabi niya rito nang minsan itong dumalaw sa kaniyang ina.