“Elena, kailan ka ba matatauhan, ha? Hindi na tama ‘yang ginagawa mo! Naiintindihan kong ayaw mong magkaroon ng sirang pamilya, pero hindi tamang magtiis ka kahit pisikal at emosyonal ka nang sinasaktan ng asawa mo!” sermon ni Aling Bona sa kaniyang panganay na anak, isang gabi nang mabigla siya sa pagdalaw nito kasama ang dalawa niyang apo.
“Mama, nagkaroon lang po kami nang kaunting pagtatalo kaya ako nasasaktan ng asawa ko. Mali rin naman po ako, mama, huwag na po kayong magalit d’yan,” sagot ni Elena habang pilit na tinatago ang mga sugat at pasang gawa ng asawa.
“Ano, sa tuwing magtatalo kayo, sasaktan ka niya? Minsan, pati nanay at kapatid niyang babae, nakikisawsaw sa alitan niyo, tapos ayos lang sa’yo?” inis pa nitong sambit sa kaniya saka kinarga ang bunso niyang anak na iyak nang iyak.
“May mga anak kami, mama, para sa kanila ‘to kaya ako nagtitiis. Hayaan niyo po, kakausapin ko nang masinsinan ang asawa ko kapag lumamig na ang ulo niya,” mahinahon niyang wika saka yumakap sa ina.
“Dapat lang! Huwag mong hintaying mawalan ka ng buhay dahil sa pagmamaltr*to ng mga iyan sa’yo!” sigaw pa nito kaya siya bahagyang napabuntong hininga saka tinignan ang kaniyang mga anak na walang kamalay-malay sa nararanasan niya.
Pilit na nagtitiis ang ilaw ng tahanan na si Elena sa sitwasyong kinabibilangan niya ngayon na talaga nga namang nagbibigay sa kaniya nang matinding paghihirap, pisikal man o emosyonal.
Simula kasi nang maisilang niya ang bunso niyang anak, tatlong buwan pa lamang ang nakararaan, tila bigla nagbago ang pakikitungo sa kaniya ng asawa niya. Ang dating malambing at responsableng kabiyak, naging mainitin ang ulo at mabigat ang kamay.
Sa tuwing magkakaroon sila ng pagtatalo, siya man ang may kasalanan o hindi, katakot-takot na masasakit na salita ang kaniyang natatanggap. May kasama pa itong pambubugb*g na nakikita ng panganay niyang anak na tatlong taong gulang pa lamang.
Ngunit hindi pa rito nagtatapos ang kalbaryong kinahaharap niya dahil kung minsan pa, pati pamilya ng asawa niya na nakatira rin sa bahay nila, nakikisabat sa kanilang pag-aaway at naninira pa na labis na kinagagalit ng kaniyang ina. Nang gabing iyon, sa puder siya ng kaniyang ina nagpalipas ng gabi kasama ang kaniyang mga anak at laking tuwa niya, dahil kinabukasan, siya’y sinundo na ng kaniyang asawa. May dala pa itong almusal at labis na humihingi ng tawad.
Dahil nga mahal niya ito, kahit todo kunot na ang noo ng nanay niyang nakikinig sa usapan nila, pinatawad niya ito at sumama muli rito alang-alang sa kanilang mga anak.
Ngunit ang kabaitang iyon ng kaniyang asawa ay hindi man lang nagtagal ng isang linggo. Muli na naman silang nagtalo dahil sa ulam na nawawala na para sana sa kaniyang asawa.
Tandang-tanda niya na tinirhan niya ito ng ulam sa lamesa. Nilagyan niya pa nga ito ng kanin at softdrinks, ngunit pagdating ng kaniyang asawa galing trabaho, wala itong makain dahilan para labis itong magalit sa kaniya at siya’y simulang bugb*gin.
“Baka naman nakain ni mama o ng kapatid mo, may iniwan kasi talaga ako riyan bago ko linisan ang anak natin,” katwiran niya na narinig ng kaniyang biyenan at hipag kaya sumabat ang mga ito.
“Ano tingin mo sa amin? Walang makain?” masungit na sabat ng kaniyang biyenan.
“Teka, ipapakita ko sa’yo kung anong ulam namin!” sigaw ng kaniyang hipag saka sinungalngal sa kaniya ang lechong manok na bitbit nito at siya’y sinabunutan.
Imbis na awatin ng kaniyang asawa ang mga ito, ngumisi lang ito at sinabing, “Kayo na bahala sa walang kwentang losyang na ‘yan!” saka nito kinain ang tirang lechong manok.
Bago pa man siya muling mapagbuhatan ng kamay ng kaniyang hipag, narinig niya ang malakas na sigaw ng kaniyang ina.
“Sabi na nga ba, eh, iba talaga ang pakiramdam ng isang ina! Kuhang-kuha sa bidyo ang ginagawa niyo sa anak ko at hindi ako makakapayag na hindi kayo makukulong lahat!” sigaw nito habang nakatutok ang bidyo sa kanila na ikinagulat nilang lahat, “Elena, tama na ang kat*ngahan mo!” sigaw pa nito sa kaniya saka siya hinila palabas kasama ang kaniyang mga anak.
Katulad ng sinabi ng kaniyang ina, dumulog nga ito sa kinauukulan at dahil sa matibay na ebidensyang hawak nila gaya ng kaniyang mga pasa, sugat, at ang naturang bidyo, tuluyan ngang nakulong ang mga ito kasama ang kaniyang asawa.
“Anak, hindi mo kailangan ng buong pamilya kung gan’yan ang asawa mo. Mas ayos nang mabuhay na walang ama ang mga anak mo, kaysa isang amang katulad niya ang magaya nila,” pangaral ng kaniyang ina na talagang tumatak sa isip niya.
Hirap man siyang kalimutan ang lahat at muling magsimula, ginawa niya ang lahat para sa kaniyang mga anak sa tulong ng butihin niyang ina.
Ginamit niya ang kaniyang pinag-aralan at humanap ng trabaho habang ang nanay niya ang nag-aalaga sa kaniyang mga anak. Sa ganitong paraan, natustusan na niya mag-isa ang kaniyang mga anak, malaya pa siyang gawin ang gusto niya nang walang nananakit sa kaniya.