Katakot-takot na Hirap ang Dinaranas ng Batang Inang Ito, Makakaahon pa Kaya Siya sa Kinasasadlakan?
“Jinkee, hindi ba’t kasing edad lang kita? Bente anyos ka lang din, ‘di ba? Bakit gan’yan na ang itsura mo? Ilan na ba ang anak mo, ha, para maging gan’yan ka kalosyang?” pang-uusisa ni Andrea sa dating kaeskwela nang makita niya itong nakapila sa libreng bigas sa bagong bukas na tindahan sa palengke.
“Ah, eh, dalawa na. Isang taon lang ang pagitan nila kaya hirap na hirap akong mag-alaga at hindi ko na maintindi ang sarili ko,” kamot-ulong sagot ni Jinkee habang hinehele ang bunsong anak na umiiyak pa.
“Ano’ng ginagawa ng asawa mo? Bakit hindi ka matulungan sa pag-aalaga? Sayang naman ang ganda at talino mo, Jinkee!” wika pa nito dahilan para mabigyan niya ito ng isang pilit na ngiti.
“Wala na, eh. Naghiwalay na kami bago ko pa maisilang itong bunsong anak ko. Nananakit kasi, eh, hindi ko na nakayanan,” kwento niya pa rito na ikinailing nito.
“Kawawa ka naman pala. Kung hindi ka kasi maagang nag-asawa, baka tapos ka na ng pag-aaral ngayon katulad ko. Kasalanan mo ‘yan, eh, kailangan mo talagang magdusahan,” sabi pa nito kaya napangiti na lang siya saka tinuon ang atensyon sa panganay na anak na pagala-gala sa paligid niya.
Isa si Jinkee sa mga kabataang maagang nabuntis ng kanilang mga kasintahan. Samu’t sari mang panghuhusga at pangmamaliit ang kaniyang natatanggap mula sa kaniyang mga kaibigan, kakilala o kahit kaanak, lahat ng ito ay hindi niya ininda alang-ala sa binatang nagbigay kulay sa kaniyang mundo.
Kaya lang, ang binatang inaasahan niyang makakasama sa pakikibaka para sa pamilyang maaga nilang nasimulan, naging mabigat na ang kamay sa kaniya, iniwan pa siya isang araw bago niya isilang ang pangalawa nilang anak. Sa lahat ng sakit at paghihirap na dinanas niya bunsod ng maaga niyang pag-aasawa, lahat ito ay kaniyang tiniis para sa dalawang walang muwang na paslit na umaasa sa kaniya.
Hindi mabilang sa kamay ang bilang ng taong nanghihinayang sa buhay na nasayang niya dahil sa akala niyang totoong pagmamahal. Ngunit sa isip-isip niya, kung ngayon pa siya susuko at mahihiya sa buhay na mayroon siya, hindi niya matutugunan ang responsibilidad niya bilang isang ina sa dalawang anak niya.
Kaya naman imbis na makinig sa mga sinasabi ng iba, tinuon niya ang pansin sa mga pangangailangan ng kaniyang mga anak. Kada may mababalitaan siyang nagbibigayan ng donasyon, kahaba-haba man ng pilang pipilahan niya, siya’y magtitiis para may maipakain lamang sa mga ito.
Siya rin ay namasukan bilang isang labandera sa nag-iisa niyang kaibigan. Kahit na siya’y hirap na sa paglalabada, sinasama niya pa rin ang dalawa niyang anak huwag lamang niya itong mapabayaan.
Tuwing wala naman siyang labada, siya’y naglalako ng mga gulay at isda sa kanilang lugar, bitbit-bitbit pa rin ang kaniyang mga anak. Dito na niya nakilala ang isang pedicab drayber na talagang nagbigay ng panibagong pag-asa sa kaniya.
Hindi man nito agad na nasolusyunan ang problemang kinakaharap niya bunsod ng kahirapan, napagaan naman nito ang responsibilidad niya sa kaniyang mga anak.
Tinulungan siya nito sa kaniyang mga gastusin, sa pag-aalaga, at higit sa lahat, sa paggabay sa kaniyang mga anak na talaga nga namang labis na nagbigay buhay sa kaniya.
Sabihan man siya ng iba na muli na naman siyang nagpakat*nga sa pag-ibig dahil hindi man lang siya pumili ng mayamang lalaki, tangi niyang sambit, “Sigurado na ako sa lalaking kinakasama ko ngayon.”
At hindi nga siya binigo nito dahil paglipas lang ng isang taon nilang pagsasama, nakahanap ito ng trabaho sa ibang bansa. Labis na kaba’t takot man ang naramdaman niya dahil baka bigla itong magbago, pinanghawakan niya ang pangako nito.
Sabi pa nito sa kaniya, “Para ‘to sa’yo at sa mga anak mo na anak ko na rin. Pangako, iaahon ko kayo sa hirap. Kapag nagsimula akong sumweldo, hindi mo na kailangang magtrabaho. Magnenegosyo ka na lang sa bahay natin,” na talaga nga namang tinupad nito paglipas ng isang buwang pagtatrabaho sa ibang bansa.
Doon na magsimula umasenso ang buhay niya. Nagkalaman-laman na rin siya at ang kaniyang mga anak. Tila bumalik din ang dati niyang ganda dahil nga nabawasan na ang kaniyang mga pasananin.
Katulad ng kagustuhan ng kaniyang kinakasama, siya nga ay pumasok sa mundo ng pagnenegosyo at kaniyang ginamit ang kaniyang katalinuhan at kasipagan.
Sa pagkakataong iyon, napatunayan niyang bilog ang mundo dahil ilang buwan lang ang lumipas, dahil sa sipag at talinong mayroon siya sa pagnenegosyo, nakaipon siya ng pera pangbili ng sarili na niyang bahay at lupa.
Ang mga taong dating nangmamaliit sa kaniya, nagmamakaawa na ngayong kuhanin niya bilang empleyado na ikinangingiti niya na lamang.
Hindi habambuhay, nasa ilalim ka. Kaya, magsumikap ka, manalangin, at umasang gaganda pa ang buhay mo hangga’t may hininga ka.