Inday TrendingInday Trending
Mangkukulam Daw ang Nakatira sa Loob ng Bahay na Puro Santo, Kukumusin Pala Nito ang Puso ng Maraming Tao

Mangkukulam Daw ang Nakatira sa Loob ng Bahay na Puro Santo, Kukumusin Pala Nito ang Puso ng Maraming Tao

“Anak, ibigay mo nga itong pansit sa mga kapitbahay natin. Huwag mong kalimutang ngumiti para naman maging kaibigan natin silang lahat,” bilin ni Liza sa kaniyang anak nang matapos niyang lutuin ang pansit at pinalalamig na sa kanilang mesa.

“’Ma, pwede bang ikaw na ang magbigay ng pansit diyan sa tapat natin? Natatakot po kasi ako. Sabi kasi ng mga kalaro ko ay mangkukulam daw ang nakatira roon at galit iyon sa bata kaya hindi nila nilalapitan. Ikaw na lang, ‘ma,” sagot kaagad ni Maddison ang sampung taong gulang na anak ng babae.

“Naku naman, anak, nasa Maynila na tayo at kakalipat lang natin huwag kang masyadong nagpapaniwala sa ganon. Pero sige hayaan mo na, ako na ang magbibigay,” mabilis na sagot muli ni Liza sa kaniyang anak. Kaagad na tinanaw ng babae ang bahay na nasa tapat nila. Madilim ito at tanging liwanag lamang ng kandila ang kaniyang natatanaw na kaagad namang nakapagpakilabot sa babae.

Natanaw niyang muli mula sa bintana na nagbabasa lamang ang babae habang nakaupo sa salas nito.

“Tao po, hello, magbibigay lang po sana ako ng pansit. Kami po ‘yung bagong lipat sa tapat,” mahina at nanginginig na tinig ni Liza.

“Hindi na, salamat,” malakas na sagot ng babae sa kaniya.

Napalunok naman ng laway si Liza at hindi na ipinagpilitan pa ang dala niyang pagkain. Napansin niya kaagad na napakaraming Santo ang nasa bahay ng babae kaya naman naalala niya kaagad ang sinabi ng kaniyang anak tungkol sa pagiging mangkukulam nito. Hanggang sa dumaan pa ang ilang araw at mas marami nga siyang narinig na kwento tungkol sa babae.

“May kuryente naman ‘yang bahay nila pero palaging kandila lang ang gamit niya. Ang sabi ng iba ay pumanaw raw kasi ‘yung anak at asawa niyan. Basta simula nang dumating ‘yang babaeng ‘yan sa lugar natin ay naging nakakatakot na,” wika ng isa niyang kapitbahay.

“Baka naman nagluluksa pa kaya siya ganon,” balik naman kaagad ni Liza rito.

“Hoy, limang taon na ang nakalipas. Alam naman nating masakit mawalan ng anak pero hindi na kasi siya nakakausap at ‘yung mga santo niya na nasa bahay niya ay pakiramdam ko may masama na ring enerhiya!” sagot muli sa kaniya ng babae.

Hindi naman na nagkomentong muli si Liza at patuloy lamang na minatyagan ang kapitbahay. Wala naman siyang nakikitang kakaibang ginagawa nito bukod sa palaging pagbabasa ng babae. Paminsan-minsan din ay nakikita niyang umiiyak ito sa mga santo. Ilang beses na sinubukan ni Liza na ngitian at makipag-usap dito ngunit palagi siyang iniiwasan ng babae. Labis siyang nakakaramdam ng kalungkutan para rito kaya naman nag-isip siya ng ibibigay sa babae na hindi niya matanggihan.

“Tao po, ako po ulit ‘yung kapitbahay niyo sa tapat. May gusto lang sana akong ibigay sa’yo,” mabilis na takbo ni Liza nang makita niyang lumabas ang babae para diligan ang mga halaman nito.

Tiningnan lamang siya ng babae at hindi pa rin ito nagsalita.

“Dumaan kasi ako sa simbahan, ang bango kasi nito at alam kong gusto mo rin ito kaya naman binilhan kita. Lalo na nga at napansin kong wala nang sampaguita ang mga santo mo riyan sa inyo,” hindi pa rin tinigilan ni Liza ito at malaki pa rin ang ngiti sa kaniyang mukha sabay abot ng mga sampaguita sa babae.

Laking gulat ni Liza nang biglang umagos ang mga luha ng babae at napaupo ito saka mas lalo pang naiyak. Kaagad na nilapitan ni Liza ito nang mapagtanto niyang bukas ang gate ng babae.

“Sorry, may nasabi ba ako? Sorry,” pagpapaumanhin niya kaagad dito.

Hindi pa rin ito nagsalita at hinawakan ang sampaguita na dala niya saka nilamukos ang mga bulaklak. Natahimik lamang si Liza at dahan-dahan na tumayo ito para umalis dahil hindi na niya malaman ang gagawin.

“Pasensya ka na, pero salamat sa mga ito,” wika ni Dina ang kapitbahay ni Liza.

“Wala ‘yun,” maiksi at nahihiyang sagot niya rito.

“Itong bulaklak na ito ang huling alaala ko sa pamilya ko. Itong bulaklak na ito,” wika ni Dina habang patuloy pa rin ang agos ng luha sa mga mata ng babae. Hindi naman kumilos si Liza at hinintay niyang kumalma ang babae saka ito nagkwento.

“Halos anim na taon ang hinintay namin na mabuntis ako at halos lahat na yata ng dasal, pagsasayaw at kung sino-sinong santo ay sinamba ko na mabiyayaan lamang ako ng himala na mabuntis. Kaya naman noong dumating sa buhay namin si Joy ay kumpleto na ang pagkatao ko. Hanggang sa isang araw, katulad ng mga tipikal na araw ng Linggo ay bibili lamang siya ng sampaguita bago kami umuwi para ilagay sa mga santo pero sa isang iglap, nawala na siya sa akin. Binawi rin siya kaagad sa akin,” siwalat ni Dina sa kaniya na siyang labis niyang ikinagulat.

“Hanggang sa lumipat kami ng bahay upang makausad sa buhay pero sunod namang nawala ang asawa ako. Walang Diyos, hindi totoo ang mga santo!” mas lalo pang iyak ni Dina sa kaniya.

Nasagasaan at binawian ng buhay ang anak at asawa ni Dina kaya naman nawalan na siya ng tiwala sa Diyos. Nawalan na siya ng ganang mabuhay dahil pakiramdam ni Dina ay wala nang saysay ang lahat ng nangyayari sa kaniya. Halos araw-araw raw palang iniisip ng babae na tapusin na ang kaniyang buhay ngunit hindi niya magawa kaya naman namumuhay na lamang sa dilim si Dina at hinahayaan ang mga taong nakapalibot sa kaniya na isipin ang gusto nilang isipin.

Sa mga sandaling iyon alam ni Liza na hindi magiging madali at hindi magiging mabilis ang tatahakin niyang pagtulong sa babae ngunit hindi niya ito sinukuan. Siya na rin mismo ang nagsimula sa pagpapakalat ng tamang impormasyon tungkol sa totoong pinagdaraanan ng babae. Simula noon ay kinaibigan pa lalo ni Liza ang babae at pinakita niya na marami pang plano ang Panginoon sa buhay ng bawat isa.

Sa tulong ng pagbabalik-loob sa Panginoon at ang pagkakaroon ng mapagmahal na kapitbahay, hindi nagtagal ay nagkaroon ng kaunting liwanag at pag-asa si Dina sa kaniyang buhay.

Sa kabilang banda naman ay napatunayan ni Liza na kahit kailan ay hindi magiging masama kung patuloy tayong magiging matulungin sa ating kapwa, kahit gaano pa nakakapangilabot ang kwento tungkol sa kanila. Hindi natin alam, baka isang kaibigan lang o isang mabuting kapitbahay lang ang kailangan ng bawat isa para malampasan ang problema.

Advertisement